TALASALITAAN
- sumusuray: paggewang na lakad
- kumarimot: tumakbo
- pag-imbot: pagnanasa
- bayoneta: patalim sa dulo ng baril
- nagbuhat ng kamay: nanakit; sinaktan
- heroglipiko: sinaunang paraan ng pagsulat sa Ehipto
- sasa: nipa
- hibang: baliw
- maikubli: maitago
PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA 24
- Crisostomo Ibarra
- Maria Clara
- Padre Salvi
- Sisa
- Mga Kilalang Tao sa San Diego
- Mga Kaibigan ni Maria Clara
BUOD NG KABANATA 24
Maagang nagmisa si Padre Salvi nang araw na iyon. Ilang sulat ang kanyang binasa at matapos sa pagbabasa’y nanamlay at nawalan ng ganang kumain. Ipinahanda ang kanyang sasakyan. Sumakay rito at nagtungo sa gubat.
Nakarinig siya ng mga tinig na naghahalakhakan sa may gawing batisan. Kumubli ang kura sa isang punongkahoy at nakinig. Nakita niya sina Sinang, Victoria, at Maria Clara na naglalakad sa batis basa ang laylayan ng kanilang damit. Halos lumuwa ang mata sa pagkakatitig sa mapuputi’t mabibilog na bisig ni Maria Clara. Nang nawala na sa paningin ang mga dalaga’y umalis na siyang lito, sumusuray, at pawisan mula sa kanyang kublihan.
Nakita niya ang masayang mga nagkakatipun-tipon: ang Alperes, ang Koadhutor, ang Kapitan, ang Tenyente Mayor, si Kapitan Basilio, ang Guro. Magalang na bumati ang lahat nang makita siya.
Alperes: Napano kayo Padre?
Padre Salvi: Ako po ay naligaw.
Walang anu-ano’y sumipot sa piging ang isang babaeng payat, putlain, at marusing. Nabatid ni Ibarra kay Don Filipo na yaon si Sisa na apat na araw nang nababaliw. Subalit kumarimot ito ng takbo nang makita ang Alperes.
Crisostomo Ibarra: Hanapin ang babaeng ‘yan! Naipangako kong hahanapin ang mga anak niya.
Pagkaalis ni Ibarra ay lumapit si Padre Salvi sa mga kabinataan, kinuha ang aklat na binabasa ng mga ito saka tinanong kung ano iyon. Tinugon ni Leon na iyo’y Gulong ng Kapalaran. Nagalit ang pari kaya’t pinunit niya ang aklat at sinabing kasalanan ang pagbasa noon.
Kaibigan ni Maria Clara: Higit na kasalanan ang makialam sa ari ng iba lalo na’t walang pahintulot. Ang inyong ginawa’y isang pag iimbot at labag sa batas ng ng Diyos at ng tao.
Sumayo ang kura at pagkatapos makipag usap kay Ibarra’y lumulan sa isang sasakyan. Hindi pa natatagalang nakaaalis ang kura’y dumating naman ang apat na guwardiya sibil at sarhento na ang baril ay may bayoneta.
Guwardiya Sibil: Si Elias ang inyong piloto kaninang umaga. Siya’y masamang tao pagkat nagbuhat ng kamay isang pari . . . . sa
Crisostomo Ibarra: At s’ya ang Piloto?
Guwardiya Sibil : Siya nga, ayon sumbong amin. Tumanggap kayo kasama sa kasayahan na kilalang masamang tao, Ibarra.
Ang sarhento’y tiningnan ni Ibarra nang nanunukat na tingin.
Crisostomo Ibarra: Wala kayong pakialam kung sino ang dapat kong tanggapin. Ang inyong Alperes ay kagagaling lamang dito. Kayo man ay makauupo sa aming hapag.
Batid ng sarhentong wala siyang kalaban-laban kaya’t inutusan na lamang niya ang mga sundalo na hanapin ang piloto sa ibang panig ng gubat.
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 24
- Ang kabanatang ito ay nagpapakita ng mga tunggalian na nagbigay ng kapanabikan sa mga mambabasa.
- Ang mga tunggaliang na maaaring makita ay tao laban sa tao, tao laban sa sarili at tao laban sa kalikasan.
- Makikita rin sa kabanata na noon pa man ay nagkakaroon na ng sisihan sa pagitan ng mga taong makapangyarihan sa lipunan upang mapagtakpan ang kanilang mga kakulangan o kasamaan.
- Makikita ito sa pag-uusap sa pagitan ni Padre Salvi at tenyente kung saan nagsisilipan sila ng kani-kanilang mga kamalian hinggil sa pagkawala nina Crispin at Basilio at pagkawala sa sarili ni Sisa.
- Nakalulungkot mang tanggapin ngunit dahil sa mga maling ginagawa ng mga politiko sa ating pamahalaan ay tinaguriang isa sa pinakatiwaling bansa ang Pilipinas. Kaya naman bilang kabataang Pilipino at mamamayan nito maging maingat at mapanuri tayo sa mga pipiliing pinuno.