Talasalitaan
- Nabalino – hindi mapalagay ; ligalíg ang kalooban
- Walang imik – walang kibo
- Tagubilin – paalala
- Kumalinga – nag-alaga, tumanggap
- Mahalay – salita, kilos, o ugali na lumalabag sa batas ng kagandahang-asal at moralidad
- Bulyaw – malakas na pagsigaw
- Nagluwat – tagal ng panahon o oras
- Nauukol – anumang nararapat sa isang tao o bagay
- Tribunal – noong panahon ng Español, tribunal na binubuo ng mga mangangalakal na nagpapasiya ukol sa mga bagay sa pangangalakal, obligasyon, at kontrata
Pangunahing Tauhan sa Kabanata
- Crisostomo Ibarra
- Guro
Buod ng Kabanata
Ang lawa’y parang hindi nabalino nang nakaraang malakas na bagyo. Mula sa isang gulod ay may dalawang lalaking nakaluksa at walang imik na nagmamasid sa tubig. Ang isa’y si Ibarra at ang pangalawa’y ang guro.
Guro: Dito po itinapon ang bangkay ng inyong ama. Kasama ko noon si Tenyente Guevarra. Marami po akong utang na loob sa inyong ama at ang tanging nagawa ko’y sumama sa kanyang libing. Dumating ako rito nang walang kakilala, walang nagtagubilin, walang pangalan, at walang salaping tulad din ngayon. Ang ama ninyo ang kumalinga sa akin. Siya ang gumasta sa mga pangangailangan ng paaralan at ng mga batang doo’y nag-aaral, ngunit ang kagandahang-loob na ito, tulad ng ibang mabuting bagay ay hindi nagtatagal.
Crisostomo Ibarra: Hindi ko ibig na mag-usisa ngunit iniisip kong ipagpatuloy na ang balak ng aking ama kaysa sa siya’y ipaghiganti ko pa. Ang malibing sa tubig ay mabuti na, sapagkat hindi mahalay. Pinatatawad ko rin ang mga naging kalaban niya ang bayan, sapagkat ito’y mangmang at ang pari, sapagkat siyang kinakatawan ng pananampalatayang nagtuturo sa tao. Nais ko ring malaman ang mga balakid ng pagtuturo.
Guro: Sa kalagayan po natin ngayon, upang mapabuti ang pagtuturo, kailangang magkaroon ng pagtutulungan. Una sa lahat, kailangang mabigyan ng pagganyak ang mga bata upang matuto. Pangalawa, kung ang pagganyak na iya’y maibigay, hindi rin nagkakaroon ng halaga dahil sa kakulangan ng magugugol. Nakababasa at nakasusulat ang ating mga bata ngunit walang maintindihan sapagkat namihasa na sa pagsasaulo. Sa gayon ay walang mapala sa pag-aaral ang mga anak ng taga-bukid.
Crisostomo Ibarra: Bakit hindi ninyo mabigyan ng lunas?
Guro: Malulunasan po, ngunit ang unang kailangan ay isang gusaling pampaaralan upang huwag nang magamit ang mga silong ng kumbento. Karaniwan na ang pagbulyaw sa amin ng pari kapag siya’y nabubulahaw sa kanyang pagtulog. Gumawa ako ng pagbabago sa pagtuturo ng Kastila. Pinagsalita at pinabigkas ko sila nang hindi ginagamitan ng mahihirap na tuntunin, sapagkat naniniwala ako na kapag naintindihan na nila ang wika’y madali nang ituro ang gramatika. Hindi nagluwat at sila’y nakapagdugtong-dugtong ng salita, ngunit hindi nagtagal ay ipinatawag ako ni Padre Damaso sa kanyang sakristan mayor. Kinutya niya ako dahil sa paggamit ko ng wikang Kastila.
Guro: Mula noong ako’y alipustahin ng pari ay naisip kong mag-aral na mabuti. Natuklasan kong ang paggamit ng pamamalo ay hindi nakatutulong sa ikatututo ng bata at bagkus pa ngang nakasasama sa kanila. Nalaman kong ang pagkatakot ay nakagugulo sa isipan ng mga bata.
Ang pagkakatitig ni Ibarra ang naghudyat sa guro upang siya’y magtapat.
Guro: Inalis ko ang pamamalo sa aking pagtuturo. Ginawa kong aliwan ng pag-iisip ang paaralan at hindi isang pook na parusahan. Ngunit, nang mabalitaan ng pari na ako’y hindi namamalo ay ipinatawag ako. Pinaratangan niya akong hindi tumutupad ng tungkulin, at nagsasayang lamang ng panahon. Pinagbantaan akong isusumbong sa Alkalde kung hindi ibabalik ang paraang pamamalo. Hindi nagtagal ay sinumbatan naman ako ng mga magulang ng bata. Ibinalik ko ang dating pamamalo at panghihiya kahit na laban sa aking kalooban, at napuna kong ang mga bata ay nagdaramdam.
Ang pagkakatitig ni Ibarra ang naghudyat sa guro upang siya’y magtapat.
Guro: Dahil sa sama ng aking loob, nagkasakit ako nang matagal at nang ako’y gumaling, napuna kong kakaunti ang mga bata sa paaralan. Ngayo’y iba na ang pagkakilala sa akin.
Crisostomo Ibarra: Nakatagpo ba kayo ng konting kasiyahan sa kaunting tinuturuan?
Guro: Opo, sapagkat nang malipat po si Padre Damaso sa ibang baya’y gumawa po ako ng maraming pagbabago. Pawang nasusulat sa wikang Kastila ang mga aklat sa paaralan maliban sakatesismo at nobena ni Padre Astete kaya pinabasa ko ang mga bata ng mga kathang Tagalog na aking sinipi.
Guro: Kabaliwan daw ang ginawa kong ito, kaya’t ipinatawag ako ng kura at ipinaturo sa akin ang mga nauukol sa pananampalataya tulad ng pagsasaulo ng Misteryo, Katekismo, at Doctrina Cristiana. Hindi matutuhan ng mga batang aking tinuturuan kung alin ang tanong, at alin naman ang sagot, kaya habang mabilis umuunlad ang mga taga-Europa, tayong nangaririto’y mabubulok na mangmang.
Crisostomo Ibarra: Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Inaanyayahan ako ng tenyente mayor na dumalo ng pulong sa tribunal. Ang mga bagay na iyan ay mapag-uusapan.
Alam Mo ba?
- Ang karaniwang laman ng aralin noong panahon ng Espanyol ay tungkol sa pagkakabisa ng Doctrina Cristiana, wastong paraan ng pagbigkas at pagkakabisa ng mga dasal.
- Noon ang pamamalo o pananakit sa mga mag-aaral bilang parusa ay katanggap-tanggap.
- Ang mga mag-aaral na babae ay pinag-aaralan kung paano maging isang mabuting maybahay at mga gawaing bahay.
Mensahe at Implikasyon
- Sa kabanatang ito ipinakita kung bakit nabuo ang loob ni Crisostomo na makapagpatayo ng paaralan sa San Diego. Naantig ang kanyang damdamin hinggil sa bagay na ito nang marinig niya ang malulungkot at mahihirap na karanasan ng gurong tinulungan ng kanyang ama. Mula sa kanilang pag-uusap nabuo ang isang layuning ipagpatuloy ng misyong pagbutihin ang edukasyon sa kanilang bayan.
- Ibinahagi rin ng guro ang iba’t ibang suliranin na kanyang hinarap sa pagtuturo. Isa na rito ang pakikialam ni Padre Damaso sa paraan ng kanyang pagtuturo na hindi paggamit ng pamalo.
- Hanggang sa kasalukuyan ay may mga suliranin pa ring kinahaharap ang mga guro at mga mag-aaral.
- Ang kabanatang ito ay sumasalamin din sa pagpapahalaga ni Rizal sa edukasyon, na naniniwala siyang ito ang susi upang makalaya sa kamangmangan at kahirapan.