PAYAPA ang lawa sa gitna ng mga bundok. Walang ano mang bakas na bumagyo nang nakaraangg gabi.Sa laot ay matatanaw ang mga mangingisdang humihila ng kanilang lambat, gayundin ang layag ng mga latsa at bangka.
Dalawang nakaluksang lalaki ang tahimik na nagmamasid sa tubig mula sa iang mataas na lugar. Isa sa kanila ay si Ibarra. Ang isa pa’y binatang mukhang mapagkumbaba at malulungkutin.
“Dito po,” sabi niya. “Dito po itinapon ang inyong ama. Kami ni Tenyente Guevarra ay dito dinala ng tagapaglibing.”
Ginagap ni Ibarra ang kamay ng binate bilang pasasalamat.
“Huwag kayong magpasalamat sa akin,” wika pa ng binate. “Malaki ang utang na loob ko sa inyong ama, at ang tanging nagawa ko’y makipaglibing sa kanya. Dumating ako ritong walan kakilala, rekomendasyon, pangalan, ni kayamanan, tulad din ngayon. Ang nauna sa akin ay iniwan ang pagkaguro upang magbisnes ng tabako. Kinaibigan ako ng inyong ama, ikinuha ng bahay at binigyan ng lahat ng kailangan ko para sa ikauunlad ng pagtuturo. Kinagawian nila ang magpunta sa eskuwela at magbigay ng kaunting pera sa mahihirap ngunit matitiyagang bata. Namamahagi pa rin sila ngn mga aklat at papel. Pero, gaya ng iba pang mabubuting bagay, iyon ay hindi nagtagal.”
Nag-alis ng sombrero si Ibarra at matagal na anyong nananalangin ng taimtim. Makaraan ang ilang sandali’y hinarap ang kasama at nagtanong.
“Sabi ninyo’y tinlungan ng aking ama ang mga batang mahihitap. At ngayon?”
“Ngayo’y ginagawa nila ang makakaya sa pag-aaral.”
“Ano ang ibig ninyong sabihin?”
“Sira-sira ang kanilang mga damit. Nahihiya silang pumasok sa eskuwela.”
Hindi nakakibo si Ibarra. Pamaya-maya’y nagmamalasakit na nagtanong
“May ilan ba kayong mag-aaral ngayon?”
“Mahigit dalawang daan po ang nakalista. Sa klase ay may dalawampu’t lima lamang.”
“Bakit nagkagayon?”
Malungkot na ngumiti ang guro, “Mahaba at nakakabagot itong salaysayin.”
“Huwag ninyong akalaing nag-uusisa lamang ako,” wika ni Ibarra, “Napag isip-isip kong mas mabuting isakatuparan ko ang kanyang mga balak kaysa iluha na lamang, o ipaghiganti pa ang kanyang kamatayan. Nakalibing na siya sa kalikasan. Ang mga kaaway niya’y ang bayan at isang pari. Pinatatawad ko ang bayan dahil sa kanyang kamangmangan at iginagalang ko ang pari dahil sa kanyang tungkulin. Nais ko ring igalang ang relihiyong tagahubog ng mga tao para sa isang sibilisadong sosyedad. Ibig kong maging inspirasyon ang aking ama na pinagkakautangan ko ng aking pagkatao. Kaya nais kong malaman ang mga suliranin sa pagtuturo.”
“Pagpalain ng bayang ito ang inyong alaala sa pagsasakatuparan ng mga dakilang hangarin ng inyong ama,” wika ng guro. “Ibig ba ninyong malaman ang mga suliranin dito da pagtuturo? Buweno, sa ngayon ay imposibleng magkaroon ng edukasyon kung walang malakas na impluwensiya. Una’y dahil sa walang pang-akit na mag-aral ang mga bata. Ikalawa, kung mayroon man, tiyak ding madaraig ng kahirapan nila at ng iba pang mas importanteng mga pangangailangan. Sa Alemanya raw, kahit anak ng magsasaka ay nakapag-aaral! Bumabasa sila at sumusulat, nagmememorya ng mga bahagi, o kaya’y ng buong aklat sa kastila nang wala silang naiintindihan kahit isa man lamang salita. Ano ang kabuluhan ng ganyang pag-aaral para sa mga anak ng ating magbubukid?”
“Kayo ang nakauunawa sa problema. Bakit hindi ninyo bigyan ng solusyon?”
“Ay!” pahimutok at iiling-iling na wika ng guro. “Hindi makakayang mag-isa ng guro na labanan ang impluwensya. Ang una pong kailangan ay isang paaralan sa isang lugar na mapagtutruan ko. Sa ngayon, ang eskuwelahan ay nasa silong ng kumbento at katabi ng karwahe ng kura. Nakaiistorbo sa kura ang malakas na pagbabasa ng mga bata sa kanilang mga aralin. Kung minsa’y galit na galit na nananaog ang kura. Sinisigawan ang mga bata at iniinsulto ako. Mauunawaan ninyong imposibleng makapagturo at makapag-aral sa ganitong sitwasyon. Nawawalan ng galang ang mga bata sa akin dahil sa hindi makuhang ipagtanggol ang aking sarili. Marerespeto lamang at pakikinggan ang guro kung siya’y marangal, may malinis na pangalan, may kapangyarihan, at may laya sa kanyang pagtuturo. Nagmungkahi ako ng mga pagbabago ngunit pinagtawanan lamang. Para maiwasto ang kasamaang nasabi ko na sa inyo ay sinikap kong ituro ang wikang kastila sa mga bata. Utos naman iyon ng pamahalaan at sa palagay ko’y makabubuti sa lahat. Pinagaan ko ang pagtuturo. Itinuro ko ang mga salita at parirala nang hindi na ginamitan ng mahihirap na tuntunin. Binalak kong ituro ang gramatika kapag kilala na nila ang wikang kastila. Makaraan ang ilang lingo ay naunawaan na ako ng matatalino at nakapagbubuo na sila ng ilang parirala.”
Waring nag-aalinlangan ang guro ngunit nakapagpasiya kaya’t nagpatuloy,
“Hindi ko dapat na ikahiya ang malungkot kong karanasan. Sinuman ang nasa katayuan ko’y gayon din ang gagawin. Gaya ng nasabi ko’y maganda ang aking pagsisimula. Subalit makaraan ang ilang araw ay ipinatawag ako sa sacristan mayor ni Padre Damaso na siyang kura noon. Pumanhik ako kaagad at nagbigay-galang. Binate ko siya sa wikang kastila. Bigla niyang inilag ang kamay na anyong pahahalikan na sinabayan ng matutunog na halakhak. Nagdilim ang aking mga paningin at hindi ko malaman ang gagawin at sasabihin. Magtatanong sana ako nang nanlilibak siyang magsalita. ‘Aha! At Buenos dias pala! Buenos dias! Marunong ka na palang magkastila ngayon! At, muli siyang humalakhak.“
Hindi napigil ni Ibarra ang mapangiti.
“Nangiti kayo,” puna ng guro na napangiti rin. “Pero noon ay hindi ko nakuhang mangiti. Nakatayo ako. Naramdaman kong umakyat ang aking dugo sa aking ulo. Pinagsiklaban ako ng malaking galit. Nilapitan ko siya para sagutin nang hindi ko alam ang sasaihin. Namagitan sa amin ang sakristan mayor.
“Tumayo ang kura at pinagsalitaan ako sa wikang Tagalog, ‘huwag mong gamitin ang wikang hiiram. Managalog ka na lamang at huwag mong sirain ang wikang kastila. Ito’y hindi para sa iyo.’ Binanggit pa niya ang isang kasabihan tungkol kay Maestro Ciruela na nagtuturo’y hindi naman marunong bumasa.
“Gusto ko siyang tutulan, ngunit pumasok siya sa kanyang silid at kinabig nang malakas ang pinto. Napagkuro kong hindi dapat kalabanin ang isang prayle, ang pangunahing makapangyarihan sa relihiyon at sa pamamahala ng bayan at mga tao. Suportado siya ng kanyang korporasyon, kinatatakutan ng pamahalaan, mayaman at makapangyarihan, kinukonsulta at oinakikinggan, pinaniniwalaan at sinusunod na palagi ng lahat. Ano ang magagawa ng gaya kong kakarampot ang kinikitang hindi sapat na ikabuhay? Kailangan pa rin ang pahintulot ng kura upang makuha ang aking sahod sa kapitolyo. Insultuhin man niya ako’y dapat na lang akong manahimik. Tatanggalin lamang ako sa trabaho kapag mangatwiran pa, tuluyan nang masisira ako sa aking propesyon. Hindi naman dahil sa lahat ng iyan ay mapapaunlad ang edukasyon. Sa halip, lahat ay papanig sa kura at pakaaabusuhin ako. Tatawagin akong pangahas, palalo, bastos, masamang Kristyano, at malamang na kalaban ng kastila at subersibo. Hindi inaasahang maging marunong at mapagmalasakit ang guro. Dapat lamang siyang maging masunurin, mapagkumbaba, at walang-kibo. Patawarin ako ng Diyos sa pagkakanulo ko sa aking kaluluwa at talino, ngunit ako’y isinilang sa bayan na ito. Dito ako naghahanapbuhay, may inang kailangang suportahan. Dapat lamang na umayon ako sa aking kapalaran tulad ng udang taong nalulunod sa tangay ng agos.”
“At dahil bas a nangyari’y nawalan na kayo ng pag-asa?”
“Mula noo’y kinasuklaman ko na ang pagtuturo. Ninais kong maghanap ng ibang trabaho tulad ng hinalinhan kong guro, sapagkat kabagot-bagot ang gawaing ikinahihiya at napipilitan lamang gampanan.”
“Bawat araw sa paaralan ay nagpapagunita ng mga paghamak na tiniis ko, kaya naging mapait ang bawat oras ko. Ngunit ano ang magagawa ko? Ayaw kong biguin ang aking ina. Kailangang papaniwalain ko siyang ang tatlong taon niyang pagtitiis sa pagpapaaral sa akin ay nagpapaligaya sa akin. Kailangan kong magkunwari na ang aking propesyon ay kagalang-galang, kasiya-siyang Gawain, at umaani ako ng tagumpay; na dumami ang kaibigan ko dahil sa aking tungkulin saka ako’y pinagpipitiganan. Kundi man ako lumigaya ay walang kabuluhang idamay ko pa ang aking ina. Kaya’t nanatili ako sa tungkulin at pinag-ibayo ang pagsisikap.”
“Mula nang pakahamakin ako ng kura ay sinuri ko ang aking sarili. Natuklasan kong marami pa akong dapat na matutunan. Gabi’t araw ay nag-aaral ako ng kastila at lahat ng bgay na may kinalaman sa aking Gawain. Pinahiram ako ng mga aklat matandang iskolar. Nagbasa ako nang nagbasa at nagsuri ng aking mga binasa. Binago ng mga ideyang natuklasan ko ang aking pananaw. Nakita kong mali pala ang dati’y pinaniniwalaan kong katotohanan, at totoo ang ipinalagay kong mali. Halimbawa’y ang pamamalo para mag-aral ang bata, na kinikilalang tama mula pa nang unang panahon, ay mali pala. Nakapipinsala sa halip na makatulong ang pamamalo. Imposibleng makapag-isip sa harap ng pamallo, pangamba, at takot ang sino mang bata. Mabilis pa namang sumagap ng impresyon ang masigla nilang isipan.
“Mahalagang maging payapa ang kaluluwa at tahimik ang kalooban at katawan upang matanggap ng pag-iisip ang mga bagong ideya. Kaya, naniwala akong higit sa lahat ay kailangang maikintal sa mga bata ang pagtitiwala, kapanatagan, at pagpapahalaga sa sarili. Napatunayan ko ring pinapatay ng araw-araw na pamamalo ang awa, sinisikil ang dignidad na siyang nagpapakilos ng mundo; at kasamang naglalaho ang kahihiyang mahirap nang matagpuan muli. Kapuna-punang kapag napalo ang isang bata ay nakaaaliw sa kanyang mapalo rin ang iba. Nangingiti siya sa kasiyahan pag narinig niya ang sigaw nilang dumaraing. Kapag naatasan namang mamalo ang bata ay nasisiyahan na rin siya sa kinaugalian.
“Nangilabot ako sa nakaraan. Sinikap kong magpasok ng mga pagbabago. Unti-unti kong inihinto ang pamamalo. Iniuwi ko ang pamalo. Pagpapapaligsahan at pagbibigay-halaga sa sarili ang ginamit kong paraan para matuto ang mga bata. Ang di pagkatuto ay pinalagay kong gawa ng kawalan ng pagsisikap at hindi dahil sa kawalan ng talino. Pinapaniwala ko ang mga batang may higit silang kakayahan kaysa talaga nilang nagagawa at upang mapatunayan ito ay nagpipilit silang mag-aral.
“Sa simla’y tila hindi naging praktika ang ginawa kong pagbabago sa pamaraan ng pagtuturo. Marami ang nag-absent nang sabay-sabay, pero nagpatuloy ako. Nakita kong unti-unting sumigla ang mga bata at dumami ang madalas pumasok. Ang batang mapuri sa klase ay lalong nagsisikap sa pag-aaral kinabukasan.
“Hindi nagtagal at napabalita sa buong bayan na hindi ako namamalo. Ipinatawag akong muli ng kura. Sa takot na maulit ang nangyari noon ay matabang na binati ko siya sa Tagalog. Pormal niya akong kinausap. Nagsasayang daw ako ng panahon at hindi tumutupad sa aking tungkulin; na ang amang hindi namamalo ay nagpapabaya sa kanyang mga anak. Hinainan ako ng maraming matatandang kasabihan na para bang mga katotohanan iyong hindi na kailangang pagtalunan. Sa madaling sabi’y pinayuhan akong gumamit ng muli ng pamalo, sapagkat kung hindi’y isusumbong niya ako sa alcalde. Hindi pa rito natapos ang kasawian ko. Makaraan ang ilang araw ay dumating sa paaralan ang mga magulang ng mga mag-aaral, at kinailangang kong magpasensya at makisama. Pinuri muna nila ang mga guro nang naunang panahon na nagtuturo tulad ng kanilang mga ninuno. ‘Matatalino sila,’ sabi nila. ‘Nakapagtutuwid ng sangang baluktot.’ Matatanda na at may karanasan ang mga gurong yaong at mabisa ang kanilang pagtuturo dahil sa pamamalo. May mga magulang na nagbantang hindi na papapasukin ang kanilang mga anak dahil walang matututuhan sa aking paraan ng pagtuturo. Sinabi pang sila’y hindi sana nangatuto kundi namalo ang kanilang guro.
“Matapos na isaalang-alang ang lahat a napilitan akong iwan ang isang pamamaraang nagkakabunga n asana nang mabuti. Masama man ang aking loob ay dinala kong muli ang pamalo sa paaralan at sinimulan ang makahayop na Gawain. Naglaho ang kapayapaan at nabakas na muli ang kalungkutan sa mukha ng mga batang nagsisimula nang magmahal sa akin. Sikapin ko mang dalangan ang aking pamamalo ay nagdaramdam din sila, napapahiya, at umiiyak nang buong kapaitan. Nakahahabag iyon ng damdamin; bagama’t may hinanakit ako sa hangal nilang mga magulang ay di ko magantihan ang inosenteng mga bata na biktima ng mga maling akala.
“Nakapapaso ang kanilang mga luha; nakapagpapasikip ng dibdib, kaya’t isang araw ay umuwi ako nang wala sa oras at mag-isang umiyak. Maaaring pagtakhan ninyo ang pagkamaramdamin ko, pero kung kayo ang nasa lugar ko’y mauunawaan ninyo. Nasabi ng sa akin ni Don Anastacio: ’Magulang pala ang humihingi ng pamalo? Bakit hindi mo sa kanila iyon gamitin?’ Dahil sa mga nangyari’y nagkasakit ako.”
Nakikinig at nag-iisip si Ibarra.
“Magaling-galing pa lamang ako nang magbalik sa paaralan at ikalimang bahagi na lamang ng mga dating mag-aaral ang aking nadatnan. Ang mataalino’y huminto na dahil sa paggamit ng dating pamamaraan, at ang ilan sa mga natira’y yaong mga nagsisiiwas sa gawaing-bahay. Walang nagpakita ng kasiyahan sa aking pagbabalik o bumati sa aking paggaling. Wala silang pakialam kung gumaling man ako o hindi. Siguro’y mas gusto nilang may sakit pa ako, sapagkat kahit malimit mamalo ang gurong kahalili ko ay bihira namang pumasok sa klase. Ang ilang batang napipilit pumasok ng kanilang magulang ay mga naglilimayon lamang. Sinisi at pinagwikaan ako ng mga magulang dahil sa labis na pagpapalayaw sa kanilang mga anak. Ang anak ng isang babaing tagabukid na madalas dumalaw nang ako’y may sakit ay hindi na pumasok sapagkat nagsakristan. Ayon sa sakristan mayor ay hindi dapat pumasok sa eskuwela ang mga sakristan sapagkat nakapagpapababa ng kanilang pagkatao.”
“At pinagtiyagaan na lamang ba ninyo ang inyong mga bagong mag-aaral?” usisa ni Ibarra.
“Ano pa ang magagawa ko?” tugong-patanong ng guro. “Samantala’y maraming naganap habang may sakit ako, kaya napalitan an gaming kura. Nakatanaw ako ng pag-asa at nagtangkang muli nang hindi naman lubos na masayang ang panahon ng mga bata at mapakinabangan din nila ang pamalo. Maraming paaralan ang gumagamit ng mga aklat na nasusulat sa Kastila, maliban na lamang sa mga katesismong Tagalog na pabago-bago qayon sa kinabibilangang korporasyon ng kura. Ang mga aklat na ito ay karaniwang mga nobena, Trisagio, at ang katesismo ni Padre Astete. Dahil sa imposibleng maituro sa kanila ang kastila at may-kahirapan namang maisa-Tagalog na lahat ang aklat, ay gumamit ako ng ilang bahagi ng akdang-Tagalog na Urbana at Felisa. Ang ilan ay ukol sa pagsasaka at iba pa. Kung minsan ay tinatagalog ko ang maiikling akda ukol sa kasaysayan ng Pilipinas ni Padre Barranera. Dahill wala akong mapang magamit sa pagtuturo sa kanila ng heograpiya ay kinopya ko ang mapa sa kapitolyo. Sa tulong nito at ng sahig na baldosa ay naituro ko ang ilang bagay-bagay ukol sa Pilipinas. Mga babae naman ang kumalaban sa akin. Ipinatawag ako ng bagong kura. Hindi man niya ako pinagalitan ay pinagsabihan akong relihiyon ang una kong ituro at ipasaulo sa mga bata ang Misterio, Trisagio, at Doctrina Cristiana. Bunga nito’y wala akong nagagawa kundi gawing mga loro ang mga bata. Nagsasaulo sila nang walang naiintindihan kahit isa man lamang salita. Katunayan, ang karamihan ng tinuturuan ko ng Katesismo ay hindi nakaaalam ng pagkakaiba ng tanong sa sagot. Mamamatay tayong ganito pa rin ang gawain na tutularan pa ng susunod na henerasyon, samantalang sa Europa’y patuloy ang pag-unald!”
“Huwag kayong masyadong mag-alala,” wika ni Ibarra, “Inanyayahan akong dumalo sa miting sa tribunal ng tenyente mayor. Baka doon makita ang solusyon sa inyong mga problema.”