Paghahambing


Ano ang paghahambing?

Ang paghahambing ay paglalarawan ng antas o lebel ng katangian ng tao, bagay, hayop, ideya at pangyayari. Naghahambing ng dalawang magkaibang antas o lebel ng katangian ng tạo, bagay, ideya, pangyayari, at iba pa. May dalawang uri ang kaantasang pahambing.

May dalawang uri ang kaantasang pahambing. Paghahambing na magkatulad at di-magkatulad.

Ang pahiwatig na paghahambing ay metaphor — isang uri ng panghahambing ng dalawang bagay na magkaiba, ngunit tinutukoy kung ano ang katangiang pinag-uusapan. Tinatawag din itong pagwawangis sa Tagalog.

Paghahambing na magkatulad

Ginagamit ito kung ang dalawang pinaghahambing ay may patas na katangian. Ginagamitan ito ng mga panlaping ka-, magka-, ga, sing kasing-, magsing, magkasing – at mga salitang paris, wangis/ kawangis, gaya, tulad, hawig/ kahawig, mistula, at mukha/ kamukha.

MGA HALIMBAWA

  • Si Rama at Lakshamanan ay magkasingkisig.
  • Si Hanuman ay tulad ng isang malakas na mandirigma.
  • Mistulang diwata ang kagandahan ni Sita.

(ang panlaping magkasing-, mistula at tulad – ay nangangahulugang kaisa o katulad)

MGA HALIMBAWA

  • Magkasingganda ang bansang India at Singapore.
  • Kasimbilis ng kidlat ang pagsulong ng bayang ito sapagkat sila ang sentro ng teknolohiya.
  • Ang dalawang bansa ay magkasingyaman.

Ang panlaping kasing- at kasim- na ginamit sa pangngusap aygaya rin ng ka-, nagagamit ito sa lahat ng uri ng pagtutulad, Ang pinagtutulad ay mapapansin sa paksa ng pangungusap.

Paghahambing na Di-Magkatulad

Nagbibigay ito ng diwa ng pagkakait, pagtanggi, o pagsalungat sa pinatutunayang pangungusap. Ito ay may dalawang uri hambingang pasahol at palamang.

Hambingang Pasahol: May higit na katangian ang pinaghahambingan sa bagay na inihahambing.

Hambingang Palamang: may higit na katangian ang inihahambing sa bagay na pinaghahambingan.

HAMBINGANG PASAHOL

  • Ginagamit ang lalo, di-gasino, di-gaano at di-totoo upang maipakita ang ganitong uri ng paghahambing.
  • Lalo – nangangahulugan ng pagdaragdag o pagpapahigit sa kulang na katangian. Sinusundan ito ng katuwang na panghambing na kaysa kay, kung ngalan ng tao ang pinag- hahambingan, kaysa o kaysa kung ngalan o pangyayari ang ihahambing.

Halimbawa: Lalong mahusay sa labanan si Rama kaysa sa mga alagad ni Ravana.

  • Di-gasino – ginagamit sa paghahambing ng uri o katangian ng mga tao. Sinusundan ito ng alinman sa mga katagang naghahambing, kabilang ang gaya, tulad, para, o paris na sinisundan ng panandang ni.

Halimbawa:

  • Di-gasinong maalalahanin si Sita tulad ni Lakshamanan.
  • Di-gasinong naging maingat si Maritsa paris ni Surpanaka.
  • Di-gaano– tulad lang din ng di-gasino ang gamit subalit sa mga hambingang bagay, lugar o pangyayari lamang ginagamit.

Halimbawa: Di-gaanong mapayapa sa Lanka kaysa Ayodhya.

  • Di-totoo – nangangahulugan ng pagtawad o pagbabawas sa karaniwang uri. Nagagamit itong pamalit sa di-gasino at di-gaano.

HAMBINGANG PALAMANG

  • May mahigit na katangian ang inihahambing sa bagay na pinaghahambingan. Naipakikita ito sa tulong ng sumusunod:
  • Lalo – Ang diwa ng paghahambing ay magiging kalamangan at di kasahulan kung ang sinasamahang pang-uri ay nagpapahayag ng kalakhan, kataasan, kalabisan at kahigitan. Muli, katuwang nito ang kaysa/kaysa sa/kay.

Halimbawa: Lalong kahanga-hanga ang katapangan ni Rama kaysa kay Maritsa.

  • Higit/ mas/ labis – tulad ng kaysa/ kaysa sa/ kay: sa sarili ay nagsasaad ng kalamangan kung ginagamit ito sa paghahambing.

Mga Halimbawa:

  • Higit na malakas si Rama kaysa kay Ravana.
  • Labis ang pagmamahal ni Rama sa kanyang asawa na si Sita.
  • Di-hamak kung ginagamit ay karaniwang isinusunod sa pang-uri.

Halimbawa: Di-hamak na matapang at maalalahanin si Lakshamanan kaysa kay Sita.

MODERASYON O KATAMTAMAN

Ang moderasyon o katamtaman na uri ng pang-uring pahambing ay naipakikita sa pag-uulit ng pang-uring may panlaping ma-, sa paggamit ng salitang medyo na sinusundan ng pang-uri ,sa paggamit ng katagang may na sinusundan ng pang-uring nabuo sa pamamagitan ng mga panlaping kabilaang ka/-han.

Halimbawa: Medyo kinabahan si Maritsa nang labanan si Rama.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *