TALASALITAAN
- inalo – pinakalma, dinamayan o pinayapa
- katipan – Ito ang tawag sa taong iyong sinisinta o minamahal.
- taimtim – ganap na nasa damdamin o isipan. taus-puso, sinsero, tapat
- ekskomulgado – pagtatakwil sa isang tao sa kaniyang relihiyon dahil sa di pagsunod o pagsuway sa simbahan.
- taliwas – kakaiba sa ordinaryo
PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA
- Maria Clara
- Tiya Isabel
- Andeng
- Kapitan Tiyago
- Kapitan Heneral
BUOD NG KABANATA 36: ANG UNANG SULIRANIN
Dumating ng walang pasabi ang Kapitan Heneral sa bayan nila Kapitan Tiyago kung kaya’t naging abala ang lahat.
Sinamantala ng lahat ang nalalabing oras upang makapaggayak liban lamang sa dalagang si Maria Clara na patuloy ang pagdadalamhati dahil sa pagbabawal ng kanyang ama na makipagkita sa binatang si Ibarra hanggang hindi ito ekskomunikado.
Sinabi ng tiya ng dalaga na maaring sumulat sa Papa at magbigay ng malaking halaga upang mapawalang bisa ang paratang. Si Andeng naman ang gagawa ng paraan upang mag kausap ang dalawa.
Dumating naman si Kapitan Tiyago sa kumbento at sinabi ang desisyon ni Padre Damaso sa dalaga at ang tangka nitong paninira ng kasal ng dalawa.
Ipinag-utos naman ni Padre Sibyla na huwag nang tanggapin sa kanilang pamamahay si Ibarra. Maski na rin ang utang na limampung libo ng piso ay hindi raw marapat bayaran dahil ito ay may kapalit na kamatayan sa impyerno.
Lalong nalungkot ang damdamin ni Maria sa mga narinig. Inalo ni Kapitan Tiyago ang anak at sinabing si Padre Damaso ay may ipapakilalang binata na galing rin sa Europa.
Natakot ang dalaga at ang kanyang tiya ay nagalit sa kapitan at sibihan itong ang katipan ay hindi dapat itulad sa damit na madaling palitan.
Taliwas rin ang desisyon ni Kapitan Tiyago sa imungkahi ni Tiya Isabel na sulatan nito Arsobispo. Ayon kay Kapitan Tiyago ay ‘di nito pakikinggan at ang tangi lamang nitong paniniwalaan ay ang desisyon lamang ng mga pari.
Matapos nito’y nagsibalik na sa paghahanda sa bahay ang Kapitan at si Maria ay pumasok na sa kanyang silid.
Ilang sandali pa’y dumating na rin ang Kapitan Heneral at dinumog na rin ang bahay ni Kapitan Tiyago ng mga panauhin, Taimtim na nananalangin si Maria ng siya ay pasukin ni Tiya Isabel dahil ipinatatawag daw ito ng Kapitan Heneral. Sumunod naman ang dalaga.
ALAM MO BA?
- Upang maging kapanapanabik ang anumang salaysay, kailangang maramdaman ng bumabasa nito ang tensyon. Nagkakaroon ng tensyon kapag nagpasok ang may-akda ng suliranin sa kanyang salaysay. Nakalilikha naman ang suliranin sa salaysay ng tunggalian (banggaan ng mga naglalabanang interes o ng magkasalungat na personalidad ng mga tauhan).
- Dito inaasahang may mangyayaring malaking aksyon (pangyayaring may sanhi at bunga) na magpapasabik sa mambabasa. Hangga’t hindi nagkakaroon ng resulta ang banggaan ng mga interes o personalidad, mananatiling nasa kasabikan ang mambabasa. Kapag nangyari na ang aksyon at nalinawan na ang bunga (kalutasan ng suliranin), papayapa na ang tensyon sa panig ng mambabasa.
- Nagpasok ang may-akda ng suliranin sa sinundang kabanata, kaya nagkaroon ng matinding tensyon sa kabanatang ito (Unang Suliranin). Hangga’t hindi nalulutas ang suliraning iyon, mananatiling nasa kalagayang nasasabik (sa susunod na mga aksyon) ang mambabasa.
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA
- Ipinakita ang unang epekto ng tunggaliang naganap sa pagitan ng Ibarra at ni Padre Damaso. Kung saan ang pinakanaapektuhan ay si Maria Clara sapagkat malapit siya sa dalawa.
- Ipinakita rin na tunay na makapangyarihan ang mga prayle noon dahil na rin sa ginawang pagbabanta ni Padre Damaso kay Kapitan Tiyago.
- Sa kabanatang ito ay tahasang sinabi ni Kapitan Tiyago na layuan na si Ibarra dahil sa rin sa kagustuhan ni Padre Damaso.
SIPI NG BUONG KABANATA