Noli Me Tangere Kabanata 53: Makikilala sa Umaga ang Isang Magandang Araw

TALASALITAAN:

  • Kapatiran – Kapisanan ng magkakapanalig at magkakaisang-loob sa anumang simulain o panuntunan na ukol sa Diyos, búhay, o sa bayan.
  • Pulpito – Bahagi o lugar sa loob ng simbahan na tinatayuan ng pari kapag nagsesermon.
  • Pagkabalisa – Kalagayang hindi mapalagay; pagkatigatig ng kalooban, pag-aalala, pangangamba, pagkagulumihanan.
  • Pagdayo – Pagtungo sa ibang pook nang may tanging layunin.
  • Pangasiwaan – Tao o mga taong nangangasiwa sa isang institusyon, bahay-kalakal, atbp.; lupon ng namamahala.
  • Makata – Táong sumusulat at bumibigkas ng mga tula.
  • Maka-agham – Sistematikong kaalaman hinggil sa isang tiyak na paksa.

PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA:

  • Don Filipo
  • Pilosopong Tasyo

BUOD NG KABANATA 53: Ipinakilala ng Umaga ang Magandang Araw

Kumalat kinabukasan ang balita tungkol sa mga ilaw sa libingan noong gabi. Sa paniniwala ng mga puno ng kapatiran ni San Fransisco ay mayroong dalawampu ang nakitang nakasinding kandila. Kahit na malayo ang bahay roon ay sinabi ni Hermana Sepa na panaghoy at paghikbi ang kanyang narinig. Binigyang diin naman ng pari sa pulpito ang tungkol sa mga kaluluwa sa purgatoryo sa kaniyang sermon.

Hindi nakaligtas ang mga usapan kina Don Filipo at Pilosopo Tasyo na ilang araw nang nanghihina. Nabanggit ng Don na ang kanyang pagbibitiw sa tungkulin ay sinangayunan na ng alkade na naging dahilan ng pagkabalisa ng pilosopo dahil naniniwala siyang hindi napapanahon ang pagbitiw nito.

Nararapat lang daw manatili ang puno sa kaniyang tao sa panahon ng digmaan at sa tingin niya’y iba na talaga ang kanilang bayan dalawampung taon na ang nakalilipas. Nakikita na daw ang naging bunga ng pagdayo sa Pilipinas ng mga Europeo at dama na rin ang pagdayo ng mga kabataan sa Europa.

Dagdag pa ng pilosopo na nagkaroon ng malawak na kaalaman ang mga kabataang nakapag-aral sa Europa patungkol sa iba’t ibang uri ng kaalaman na ituturing na enerhiya.

May kakayahan na rin daw ang tao na pangasiwaan ang malawak na daigdig na kanyang ginagalawan. Sa panitikan naman daw ay nagsimula na ring lumitaw ang mga makatang nagpapahayag ng malaya at mga maka-agham na pagsubok. Hindi na rin kayang pigilan ng kumbento ang paglaganap ng mga modernong kabihasnan.

Marami pang palitan ng kuro-kurong naganap sa pagitan ng dalawa. Nanghihina na ang pilosopo kaya maya-maya’y nagtanong ang Don kung kailangan nito ng mga gamot na tinugunan naman ng pilosopo na hindi na ito kailangan ng mamamatay bagkus ang mga maiiwan ang mangangailangan nito.

Ipinakausap niya sa Don na dahil malapit na siyang mamatay, nais niyang makipagkita kay Ibarra at dahil na rin sa ang bayan ang kaniyang inaalala sa kabila ng kaniyang sakit. Di nagtagal ay nagpaalam na rin si Don Filipo.

ALAM MO BA?

  • Daantaon nang malayo sa kasalukuyan ang sinulat ni Rizal. At gaya ng tinalakay ni Pilosopo Tasyo, “sumulong” na rin ang pag-unlad. Nasaksihan na ang kasigasigan ng pag-aaral sa kasaysayan, matematika, heograpiya, pisika, panitikan, at mga wika. Pangunahin sa edukasyon, pati na sa pananaliksik, ang mga institusyong relihiyoso tulad ng Ateneo de Manila University, University of Sto. Tomas, at De La Salle University, bukod pa sa mga eksklusibong mga paaralan ng mga babae. Gaya ng sabi ni Pilosopo Tasyo, “gumagabi na ang aming henerasyon at kailangan na kaming lumisan.”
  • Nagawang lunsaran ni Rizal ang dalawang nobela niya sa pagtuligsa sa mga institusyong relihiyoso at mga kasapi nito sa kanyang panahon. Sa pamamagitan ng mga tauhang prayle na sina Padre Damaso at Padre Salvi (Noli Me Tangere) at Padre Camorra, Padre Sybila, Padre Millon, at Padre Irene (El Filibusterismo), inilarawan niya ang mga kakulangan ng mga ito bilang tapapagturo sa mga Pilipino. Gayundin, ang mga paaralang pinatatakbo ng mga kura tulad ng Ateneo de Manila University at Unibersidad ng Sto. Tomas. Kahit na binanggit niya ang may kaisipang liberal na si Padre Fernandez, may impresyong hindi nakapasa sa sukatan ni Rizal ang kapraylehan at mga paaralan nito sa Pilipinas.

MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA:

  • Sa kabanatang ito ay binigyang diin ang naging usapan ni Pilosopong Tasyo at Don Filipino. Inilarawan din dito na si Tasyo ay may malubhang karamadaman na. Ibinalita rin ni Don Filipo na siya ay nagbitaw na sa pagiging tinyente na hindi sinang-ayunan ni Tasyo sapagkat ito daw ay hindi napapanahon.
  • Lumutang ang pagiging pilosopo ni Tasyo sa kabanatang ito ang kanyang karunungang taglay at mga matatalinhagang mga pahayag ukol sa mga bagay -bagay. Ayon sa kanya ang mga taong namulat sa katotohanan ay maaring maging isang ibong makalilipad ng mataas. Ang karunungan ang magiging sandata sa Kalayaan.
  • Ang edukasyon ay mahalaga upang makapagsarili at makalikha ng mga bagay o desisyon ang isang indibidwal na maaaring pakinabangan ng mamamayan. Ang pagsulong at pagbabago ay hindi mapipigilan. Ang tao ay patuloy na tumutuklas ng bagong karunungan.