Maagang kumalat sa buong bayan ang balitang maraming nakitang ilaw sa nagdaang gabi sa loob ng sementeryo.
Sinabi ng pinuno ng V.O.T. ang mga nakitang nakasinding kandila at inilarawan ang mga hugis nito at laki. Ngunit hindi niya matiyak ang bilang, bagaman nakabilang siya ng mahigit dalawampu. Hindi maatim ni Hermana Sipa ng Cofradia del Santisimo Rosario na isang kasapi ng kalabang kapisanan ang tanging nakakita sa gayong biyaya ng Diyos. Kahit hindi nakatira sa malapit, nakarinig diumano si Hermana Sipa ng mga daing at hinagpis, at waring nakilala pa ang tinig ng ilang tao na noong araw ay kaniyang kakilala… subalit alang-alang sa kawanggawang kristyano, hindi lamang niya pinatawad kundi ipinagdasal pa at inilihim ang kanilang pangalan, at dahil ditto’y ipinahayag ng lahat na isa siyang Santa incontinenti. Ang totoo, wala naming talas ng pandinig si Hermana Rufa, ngunit hindi niya matiis na narinig iyon ni Hermana Sipa at hindi niya. Dahil ditto, nanaginip siyang maraming kaluluwa ang humarap sa kaniya, at hindi lamang mga patay kundi maging buhay. Hinihingi ng mga kaluluwang naghihirap ang bahagi ng kaniyang mga indulhensya, na masinop niyang itinatala at iniipon. Maari niyang sabihin ang mga pangalan sa mga nagmamalasakit na kamag-anak at isang munting limos lamang ang hinihiling niya upang matulungan ang Papa sa mga pangangailangan nito.
Halos inabot ng mga palo at aglahi ang isang kabataan, pastol ang Gawain, na nangahas tumiyak na wala siyang nakita kundi isang ilaw lamang at dalawang lalaking nakasalakot. Nabigo siya kahit sa pagsumpa na naroon at kasama niyang saksi ang kaniyang mga kalabaw at makapagpapatunay sa kaniyang sinabi.
“Mas marunong ka pa ba kaysa tagapangalaga at mga manang? O parakmason ka at erehe?” wika nila sa kaniya at tiningnan siya nang masama.
Umakyat ang kura sa pulpito at muling nagsermon tungkol sa Purgatoryo, at muling lumabas sa kanilang taguan ang mga piso upang ibayad sa isang misa.
Ngunit iwan natin ang mga kaluluwang naghihirap at pakinggan natin ang pag-uusap nina Don Filipo at Tandang Tasio, na may sakit, sa kaniyang mapanglaw na munting bahay. Ilang araw nang hindi nakababangon sa kanyang higaan ang pilosopo o baliw, dahil inihihiga ng isang panghihina na mabilis ang paglubha.
“Ang totoo, hindi ko malaman kung babatiin kayo dahil tinanggap na ang inyong pagbibitiw. Noon, nang walang pakundangang ayaw pakinggan ng gobernadorsilyo ang nais ng nakararami, wasto ang pagbibitiw. Ngunit ngayong nakikipaglaban kayo sa Guwardiya Sibil, hindi ito nakabubuti.Kailangang manatili sa katungkulan kapag panahon ng digma.”
“Oo, ngunit hindi kapag ipinagbibili ng pinuno ang sarili,” sagot ni Don Filipo. “Batid na ninyong pinawalan ng gobernadorsilyo kinaumagahan ang mga sundalong ipinahuli ko at walang ginawang anumang hakbang. Kapag walang pahintulot ang nakatataas sa akin, wala akong magagawa.”
“Kayo, kung nag-iisa, wala; ngunit kung kasama ng iba pa, marami. Sinamantala sana ninyo ang pagkakataong ito upang magbigay ng halimbawa sa ibang mga bayan. Nasa ibabaw ng katawa-tawang kapangyarihan ng gobernadorsilyo ang karapatan ng bayan. Simula sana iyon ng isang magandang leksiyon at sinayang ninyo ang pagkakataon.”
“At ano kaya ang magagawa laban sa kinatawan ng mga pansariling kapakanan? Tingnan ninyo si Ginoong Ibarra, kailangan niyang pailalim sa mga paniniwala ng karamihan. Akala ba ninyo’y naniniwala siya sa ekskomunyon?”
“Hindi gayon ang inyong kalagayan. Ibig magtanim ni Ginoong Ibarra at upang magtanim, kailangang yumukod at sumunod sa tinatamnan. Ang tungkulin naman ninyo ay yumanig at upang makayanig, kailangan ang lakas at pusok. Bukod ditto, hindi dapat isiping laban sa gobernadorsilyo ang labanang ito. Ang dapat na parirala’y laban sa sinumang nagmamalabis sa kaniyang lakas, laban sa sinumang gumagambala sa katahimikan ng bayan, laban sa sinumang nagkukulang sa kaniyang tungkulin. At hindi kayo nag-iisa, sapagkat hindi na tulad ng nakaraang dalawampung taon ang bayan ngayon.”
“Ito ba ang paniniwala ninyo?” tanong ni Don Filipo.
“At hindi ba ninyo ito nadarama?” tanong ng matandang humilig sa higaan. “A, dahil hindi ninyo nakita ang nakaraan, hindi ninyo napag-aralan ang bias ng pagdating ng mga Europeo, ang pagpasok ng mga bagong aklat, at ang daloy ng mga kabataan patungong Europa. Pag-aralan ninyo at paghambingin ang mga sumusunod. Totoong umiiral pa ang Real y Pontifica Universidad de Sto. Tomas na may napakadudunong na kaguruan, at bihasa pa ang ilang intelihente sa pagpapanukala ng mga pagbubukod-bukod at pagtarok sa mga hiwaga ng eskolastisismo. Subalit saan kayo makatatagpo ngayon ng mga kabataang metapisiko n gating panahon, may sinaunang kaalaman, pinahihirapan ang utak at namamatay nang namimilosopo sa kung saang sulok ng probinsiya ngunit ni hindi maunawaan ang mga katangian ng ente at hindi malutas ang suliranin ng esensiya at eksistensiya—mga dalumat na napakatatayog kaya nalilimot natin an gating sariling pangangailangan, ang ating eksistensiya at sariling buhay? Tingnan ninyo ngayon ang kabataan! Umaapaw sila sa sigla sa pagtanaw sa higit na malawak na abot-tanaw. Nag-aaral sila ng kasaysayan, Matematika, Heograpiya, Panitikan, Agham, Pisika, mga Wika, lahat ng mga bagay na kinatatakutan nating marinig at parang erehiya noon gating panahon. Ipinahayag ng pinakamalayang mag-isip noong panahon ko na mababa ang mga larangang ito kaysa mga kategorya ni Aristoteles at batas ng silohismo. Ngunit saw akas, naunawaan na ng tao na tao siya, itinigil na niya ang pagsusuri sa kaniyang Diyos, ang pagtarok sa hindi malirip, sa hindi Makita, at iniwan na ang paggawa ng batas ukol sa mga guni-guni ng kaniyang utak. Naunawaan na ng tao na isang malawak na daigdig ang namana niya at maaari niyang pangibabawan. Sawa na sa gawaing walang kabuluhan at mapangahas, yumuyuko siya at sinusuri ang lahat ng nakapaligid. Masdan ninyo ngayon kung paano isinisilang ang ating mga makata. Unti-unting binubuksan sa atin ng mga Musa ng kalikasan ang kanilang kayamanan at nagsisimulang ngumiti sa atin upang pasiglahin ang ating paggawa. May mga unang bunga na ang mga pagsubok sa agham; kailangan lamang ngayong pahinugin ang mga ito sa panahon. Hinuhubog ang mga bagong abogado sa mga bagong molde ng Pilosopiya ng Batas, nagsisimulang magningning ang ilan sa gitna ng dilim na nakapaligid sa ating hukuman, at ibinabadya ang isang pagbabago sa lakad ng panahon. Pakinggan ninyo kung paano nagsasalita ang kabataan. Dalawin ninyo ang mga sentro ng karunungan at ibang mga pangalan ang umaalingawngaw sa mga dingding ng mga paaralan, doon na ang tanging narinig naming noon ay Sto. Tomas, Suarez, Amat, Sanchez, at iba pang mga idolo ng aking panahon. Bigo ang pagsigaw ng mga fraile sa pulpit laban sa pagkawala ng moralidad. Nakakatulad lamang sila ng tinderang nagsisisigaw laban sa kabaratan ng mga mamimili at hindi napupunang bilasa na’t hindi pakikinabangan ang kaniyang tinda. Bigo ang pagpapahaba ng galamay ng mga kumbento upang sugpuin ang mga bagong diwain sa mga bayan. Paalis na ang mga Diyos. Maaaring pahinain ang mga ugat ng isang punongkahoy ang mga nakasandig ditong halaman, subalit hindi nito mapuputulan ng buhay ang mga ibang umiimbulog, tulad ng mga ibon sa kalangitan.”
Masigla ang pagsasalita ng pilosopo; maningning ang kaniyang mga mata.
“Gayunman, maliit ang bagong binhi,” pasubali ng Don Filipo na hindi makapaniwala. “Kapag pumasok ang lahat, maaaring mainis ang kaunlarang binili nating napakamahal.”
“Maiinis? Sino ang iinis? Ang tao, ang sakiting unanong iyan ang iinis? Sa kaunlaran, sa makapangyarihang anak ng panahon at Gawain? Kailan nangyari ito? Sa pagsisikap pigilin ito, naisusulong pa nga ito ng pananampalataya, ng bibitayan, at ng apoy. E pur si muove. ‘Gayunman, gumalaw ito,’ sabi ni Galileo noong pilitin siya ng mga Dominiko na ipahayag na hindi umiinog ang mundo. Angkop na angkop ang pangungusap niya sa kaunlaran ng tao. Maaaring magahis ang ilang kalooban, masakripisyo ang ilang indibidwal ng mga nasawi’y sisibol ang mga bago’t malusog na supling. Tingnan ninyo ang mga Peryodiko! Gaano man kaatrasado nito naisin, nakahahakbang din pasulong kahit hindi ibigin. Hindi makatakas sa batas na ito kahit ang mga Dominiko; kaya tumutulad sa mga Heswita, ang mahigpit nilang kalaban, sa pagdaraos ng pista sa kanilang mga kumbento, sa pagtatayo ng mga munting dulaan, sa paglikga ng mga tula sapagkat hindi naman kulang sa talino. Bagaman naniniwala silang nasa ikalabinlimang siglo sila, nauunawaan nilang may katwiran ang mga Heswita, at may bahagi pa sila sa hinaharap ng mga kabataang tinuturuan nila.”
“Ayon sa inyo, kasama ng kaunlaran ang mga Heswita?” namamanghang tanong ni Don Filipo. “Bakit kung gayon sila’y kinakalaban sa Europa?”
“Sasagutin ko kayo sa paraan ng mga sinaunang eskolastiko,” tugon ni pilosopo na muling humiga at ibinalik ang anyong mapangutya. “Maaaring sumama sa kaunlaran sa tatlong paraan—sa unahan, sa tagiliran, at sa hulihan pinapatnubayan ito ng una; pinababayaan ng ikalawa na dalhin sila; nagpapahila naman ang mga ikatlo at ganoon ang mga Heswita. Nais sana nilang pangasiwaan ang kaunlaran subalit nakita nilang malakas ito at may ibang tinutungo, kaya sumuko sila, minabuting sumunod kaysa masagasaan o maiwan sa daan sa gitna ng dilim. Ngayon, tayo sa Filipinas ay humahakbang ng mga tatlong siglo ang pagkahuli sa sasakyan. Halos hindi pa tayo nakakalabas sa Edad Medya. Dahil ditto, kahit nasa hulihan sa Europa, kinakatawan ng mga Heswita ang kaunlaran kapag tiningnan mula rito sa Filipinas. Utang sa kanila ng Filipinas ang mga bagong silang na pagtuturo sa Agham pangkalikasan, ang kaluluwa ng siglo XIX, kagaya ng pangyayaring utang sa Dominiko ang Eskolastisismo, na patay na, sa kabila ng pagpanig ni Leon XIII. Walang Papa na maaaring bumuhay muli sa pinatay na ng sentido kumon… Ngunit saan na ba tayo napunta?” tanong niyang iniba ang himig. “Pinag-uusapan natin ang tunay na kalagayan ng Filipinas. Oo, pumapasok tayo ngayon sa panahon ng labanan, ang ibig ko palang sabihin, kayo. Dapat nang ituring na gabi an gaming salinlahi. Paalis na kami. Sa labanan, nasa isang panig ang nakaraan, na mahigpit na nakahawak at nangungunyapit, habang nagtutungayaw, sa mabuway na kastilyo feudal; at kalaban ang hinaharap, na maririnig sa malayo ang awit ng tagumpay kasabay ng ningning ng bukang liwayway, naghahatid ng Mabuting Balita buhat sa ibang bayan… Sino ang masasawi at malilibing sa dumadagundong na pagguho?”
Huminto ang matanda, at dahil nakitang nag-iisip na nakatingin sa kaniya si Don Filipo, ngumiti ito at nagwika: “Halos nahuhulaan ko ang inyong iniisip.”
“Siya nga ba?”
“Iniisip ninyong baka namamali ako,” aniyang ngumiti nang malungkot.
“May lagnat ako ngayon, at maaaring magkamali ako. Homo sum et nihil humani a me alienum puto. ‘Tao ako at walang nauukol sa tao na banyaga sa akin,’ wika ni Publius Terentius. Subalit kung bibigyan ng pagkakataong mangarap, bakit hindi mangarap ng nakalulugod sa mga huling sandal ng buhay? Pagkaraan ng lahat, hindi ako nabuhay kundi sa pangarap lamang! May katwiran kayo, pangarap! Walang inisip an gating kabataan kundi pag-ibig at layaw. Higit pang panahon at punyagi ang iniuukol sa paglinlang at paghalay sa isang dalaga kaysa pag-iisip sa kabutihan ng kanilang bayan. Dahil naman sa pangangalaga sa bahay at sa pamilya ng Diyos, nakakalimutan ng mga kababaihan ang kanilang sarili. Masigasig lamang sa bisyo’t magigiting na kahihiyan ang ating kalalakihan. Namumulat ang kamusmusan sa karimlan at kalakaran; pinalilipas ng kabataan ang pinakamabubuti nilang taon nang walang mithiin; at baog, nagsisilbi lamang na halimbawa ang katandaan upang sumama ang kabataan. Malugod akong mamamatay. Claudite jam rivos, pueri. ‘Tabunan ang mga hukay, mga bata,’”
“May nais ba kayong gamut?” tanong ni Don Filipo upang baguhin ang takbo ng pag-uusap na nagpalamlam sa mukha ng maysakit.
“Hindi nangangailangan ng gamut ang mamamatay. Kayong maiiwan ang mangangailangan. Ipasabi ninyo kay Don Crisostomo na dalawin ako bukas dahil may mahalagang bagay akong sasabihin sa kaniya. Sa loob ng ilang araw, aalis na ako. Nasa karimlan ang Filipinas!”
Makaraan ang ilang sandal pang pag-uusap, mabigat ang loob at naninimdim na nilisan ni Don Filipo ang tahanan ng maysakit.