Noli Me Tangere Kabanata 50: Ang mga Kaanak ni Elias

TALASALITAAN

  • tenedor de libros – Táong may hawak ng aklat-talaan ng pananalapi o ang pumapasok at lumalabas na salapi sa isang bahay-kalakal.
  • bahay-kalakal – Gusaling pangnegosyo.
  • nuno – Ang pinagmulan ng isang mag-anak o pamilya.
  • nahatulan – Desisyon, sentensiya, husga.
  • marangya – Pagbili ng anumang hindi gaanong kailangan, para sa sariling kasiyahang loób.
  • baybayin – Gilid; pampang o tabi ng ilog o dagat; dalampasigan.
  • kuta – Pook na kanlungan o taguan.
  • makikianib – Pakikiisa o pagsang-ayon sa kuro-kuro o simulain ng iba.

PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA

  • Elias at Ibarra

BUOD NG KABANATA 50: Ang Kaanak ni Elias

Binanggit ni Elias ang kanyang pinagmulan kay Ibarra upang malaman nito na kabilang din siya sa mga sawimpalad.

May anim napungtaon na ang nakalilipas nang naging isang tenedor de libros ang kanyang nuno sa isang bahay-kalakal. Siya ay naninirahan sa Maynila kasama ang asawang buntis at anak na lalaki. Ito’y ipinadakip dahil sa isang kasong hindi niya ginawa at dahil walang pambayad ay pinag papalo na lamang ito at hiniya sa buong bayan. Namundok na lamang sila noong gumaling ang nuno at doon na isinilang ang kanilang anak na siya ring namatay. Dahil sa mga kamalasang natatanggap, nagpakamatay ang kaniyang nuno. Ang kanyang nunong babae ay nagdadalang tao nung mga panahong iyon.

Nahatulan din ang buntis na asawa dahil sa pagkamatay ng nuno at nang makalabas ito’y nanirahan sa kalapit na lalawigan. Siya’y nanganak ng kambal. Ang isa ay lumaking tulisan na pinaghihiganti ang mga kamalasang natamo ng kanyang pamilya at kalauna’y nakilala siya bilang Balat.

Di nagtagal ay namatay naman ang kanilang ina. Dahil dito’y tumakas ang bunso at namasukang obrero sa Tayabas. Naging masipag ito at pagkalipas ng panahon ay napaunlad ang kabuhayan. Doon niya rin na kilala ang babaeng iniibig at kalauna’y naging kabiyak. Ito ay nagdalang tao. Bago makulong ang lalaki ay nanganak ng kambal ang kanyang asawa na pinangalanan niyang Elias at Concordia. Nakulong ito sa kadahilanang nalaman ng pamilya ng kanyang asawa ang kanyang nakaraan.

Namatay ang ina noong bata pa lamang ang kambal. Nagkaroon ng marangya at maayos na pamumuhay ang kambal. Nakalaya ang kanilang ama at ito ay naging tauhan sa kanilang tahanan. Naging malupit ang lalaking anak dito at ‘di nagtagal nalaman ng kambal na ito pala ang kanilang kaawa-awang ama. Namatay ang kanilang ama at ang dalawa ay naghinagpis dahil sinisisi nila ang kanilang sarili.

Sumunod na nasawi si Concordia na siya ring naghihinagpis dahil naman sa pagpapakasal ng kasintahan sa iba. Nabalitaan na lamang ito ni Elias nang lumipas ang anim na buwang nawawala ang kapatid na nahanap na lamang ang bangkay sa baybayin ng Calamba.

Dahil dito, si Elias ay nagpa gala-gala sa iba’t-ibang lalawigan dahil sa mga bintang tungkol sa kanya na hindi naman niya ginagawa. Dito na natapos ang salaysay ni Elias.

Nagpalitan pa ng pananaw sina Elias at Ibarra at nang makarating na sa baybayin ay nagpaalam na si Ibarra at binilin kay Elias na siya ay limutin at huwag babatiin kung sakaling magkitang muli.

Si Elias ay bumalik na sa kuta ni Kapitan Pablo at sinabi na kung ‘di rin lamang mamamatay ay tutupad sa kanyang pangako na makikianib sa sandaling ipasiya ng pinuno na dumating na ang oras ng pakikibaka sa mga Kastila.

ALAM MO BA?

  • Mabangis, malagim, at nakapanlulumo ang paglalarawan ni Rizal sa pinagdaanang buhay ng pamilya ni Elias.
  • Waring hindi nasiyahan si Rizal bilang manunulat na ilarawan lamang sa dalawa niyang nobela (Noli at Fili) ang kagandahan at kalinisan ng kalooban (sa mga eksena nina Ibarra at Maria Clara), dangal at kabutihan (sa kaso ng Mataas na Pinuno), kababaang loob at kabanalan (sa panig ni Padre Florentino) at tamis ng kabataan at ideyalismo (sa pag-ibig ni Isagani kay Paulita Gomez). Isinalaysay rin ang kabilang mukha ng mga nobela, tulad ng paglapastangan sa bangkay ng ama ni Crisostomo, pagmamalupit kay Crispin, at pagkabaliw at pagkamatay ng ina nitong si Sisa na inilibing sa sementeryong pinagsunugan ng bangkay ni Elias, ang nakatatakot na pinagdaanang buhay ng espinghe sa palabas sa Quiapo, ang paglalarawan sa mga huling sandali ng kahibangan ni Kapitan Tiago bago sumapit sa kanya ang kamatayan, at iba pang tagpo.
  • Sa pagsulat niya ng dalawang nobelang ito, impluwensyado si Rizal ng Naturalismo, isang kalakarang pampanitikan na pinakasukdulan ng Realismo. Dito, layunin ng kalakarang ito na magpakita ng di piniling representasyon ng realidad, isang piraso ng buhay na likas at walang bahid ng husga ng sino man, ng pisikal kaysa moral o rasyonal na mga katangian ng tao. Masasabi pang inilalarawan ang tao sa sandali ng kanyang kahinaan, sa mga sandaling hindi niya hawak ang kanyang kapalaran.

MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 50

  • Sa kabanatang ito ay isinilaysay na ni Elias ang mga kadahilanan kung bakit siya napabilang sa mga inuusig. Tunay na hindi maganda ang sinapit ng kanyang pamilya at ng iba pa niyang mga kasamahan kaya naman mas alam niya na kailangan ng pagbabago ng kanilang bayan.
  • Madarama rin sa kabanata ang mga hinagpis ni Elias habang isinasalaysay niya ang kanyang buhay, pero naramdaman din natin ang tibay ng kanyang kalooban sa pagharap sa kanyang nakaraan at sa pagpupursige niyang magkaroon ng reporma sa pamahalaan upang magkaroon ng liwanag ang kanyang kinabukasan at kinabukasan ng bawat Pilipino.
  • Kadalasan kapag tayo ay nasusukol ng sunod-sunod na problemang dumarating ay napakadali para sa atin ang sumuko, kung minsan ay tinatakasan natin ang problema. May mga pagkakataon pang ikinahihiya natin ang mga mapapait nating nakaraan, nagiging dalahin natin ito at nagiging dahilan kung bakit hindi tayo maka-usad usad sa buhay. Sa mga ganitong pagkakataon nakatutulong ang paghingi at pakikinig sa payo ng mga taong malalapit sa atin.