Noli Me Tangere Kabanata 43: Mga Balak

TALASALITAAN

  • Dilag – magandang babae
  • Kumalma – walang kilos ; nakapahinga
  • Nakasaad – sabihin o banggitin.
  • Makuha ang loob – makasundo
  • Oportunista – tao na nagsasamantala sa pagkakataon para sa sariling kapakanan

PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA

  • Don Tiburcio
  • Donya Victorina
  • Kapitan Tiyago
  • Tiya Isabel
  • Linares
  • Maria Clara
  • Padre Salvi
  • Padre Damaso
  • Lucas

BUOD NG KABANATA 43: MGA BALAK

Nagpatuloy sa paglalakad si Padre Damaso sa silid ni Maria. Nag-aalala ito at naluluhang sinabi sa dilag na hindi ito papanaw.

Nabalot ng pagtataka ang silid at pagkagulat sa pinakita ng pari. Kanila ring naisip na mahal na mahal ni Padre Damaso si Maria Clara.

Bumaba na ang Padre at doon umiyak. Nang kumalma na ay ipinakilala na ng Donya si Linares sa padre.

Ipinaalam ng Donya na inaanak si Linares ni Carlicos na bayaw ni Padre Damaso. Iniabot na rin ni Linares ang sulat sa pari kung saan nakasaad na naghahanap siya ng magiging asawa at trabaho.

Sabi ni Padre Damaso ay madali lang makahahanap si Linares ng mga ito. Sa pag-aasawa nama’y sinabi nito na makikipag-usap ito sa kapitan na ikinalungkot naman ni Padre Salvi.

Sa kabilang banda, si Lucas naman ay nagpaawa kay Padre Salvi at pinilit pang umiyak upang makuha ang loob nito. Sabi nito na limang-daang piso lamang ang binigay ni Ibarra kapalit ng buhay ng kapatid nito.

Di naman natuwa ang pari sa ipinakitang kilos ni Lucas kaya pinagtabuyan niya ito. Walang nagawa ang bubulong-bulong na oportunistang si Lucas na napahiyang nilayasan ang pari.

ALAM MO BA?

  • May mga parirala o pangungusap sa isang salaysay na naglalaman ng punong kaisipan ng isang katha, tulad sa kabanatang ito. Pinag-iisa ng kaisipang ito ang lahat ng mga kailangang elemento sa isang salaysay. Sa dakong huli ng katha, malilinawan ng mambabasa kung ano talaga ang kaisipang nilalayon ng salaysay.
  • Ipinahihiwatig ang punong kaisipan ng mga sinasabi o iniisip ng isa o higit pang mga tauhan ng katha. May persona o nagsasalita na ang pinapaksa ay ang kaisipang iyon. Hindi rin maiiwasang makita ito sa tunggalian dahil ito ang motor na nagpapasulong sa mga pangyayari sa katha. Maraming may-akda na nagpapahiwatig ng punong kaisipan sa pamagat ng kanilang katha. Halimbawa’y sa kabanatang ito, ang pamagat ay “Mga Balak.”
  • Hindi agad maiisip ng mambabasa kung ano ang mga balak na iyon dahil hindi tuwirang sinasabi sa teksto. Ngunit kung susuriin ang mga sinasabi ng mga tauhan, mapag-iisip na ang mga balak ay naroroon. Halimbawa’y ang mga sinasabi ni Padre Damaso: (a) “Gusto niyang ihanap kita ng trabaho…at ng mapapangasawa”; (b) “Para kang dalaga… sige, ihahanap kita ng asawa!”; (c) Palakad-lakad ang kura, bumubulong: “Isang asawa, isang asawa!” Hanggang ang mga sinasabing ito ni Padre Damaso ay humantong sa ganito: “Halika nga, kausapin natin si Santiago.”

MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA

  • Ipinakita sa kabanatang ito ang lubhang pag-aalala ni Padre Damaso sa pagkakasakit ni Maria. Ipinagtaka ito ng mga taong naroroon. Makikita na sa ikinilos ni Padre Damaso higit sa inaanak ang turing niya kay Maria kundi isang tunay na anak.
  • Ang kabanatang ito ay pinamagang “Mga Balak” sapagkat ito ay puno ng pagpaplano sa mga iba pang mangyayari sa mga tauhan. Mga balak ni Padre Damaso para kay Maria at Linares, mga balak ni Lucas at Padre Salvi para kay Ibarra. Na sa mga susunod na kabanatang tatalakayin ay ating matutunghayan.