WALANG pinansing si Padre Damaso. Tuloy-tuloy siya sa kinahihigan ng maysakit at hinawakan sa kamay si Maria Clara.
“Maria,” buong lambing niyang wika na naluluha. “Maria, anak ko, hindi ka mamamatay!”
Nagmula ng mga mata si Maria Clara at nagtataka siyang tiningnan.
Hindi makapagpatuloy si Padre Damaso at iniwan niya ang dalaga. Umiiyak siyang parang bata. Lumabas siya sa terasa at ibinulalas ang sama ng loob sa paboritong mga halaman ni Maria Clara.
“Napakamahal niya ang kanyang inaanak!” naisip ng lahat ng nakamasid sa kanya. Si Padre Salving nakatingin din sa kanya ay tahimik, walang kakilos-kilos, at bahagyang nakapangagat-labi.
Nang bahagya nang matiwasay si Padre Damaso ay ipinakilala ni Donya Victorina si Linares sa kanya. Magalang na lumapit ang binata sa prayle. Tahimik siyang pinagmamasdan ni Padre Damaso mula ulo hanggang paa saka kinuha ang sulat na kanyang iniabot. Binasa niya nang tila hindi nauunawaan sapagkat nagtanong siya.
“At sino ka?”
“Si Alfonso Linares po, ang inaanak ng inyong bayaw!” nauuntol na sagot ng binata.
Umurong si Padre Damaso at pinakatitigang muli ang binata, nagliliwanag ang mukha ng tumayo.
“At ikaw pala ang inaanak ni Carlicos!” wika niya at niyapos si Linares. “Katatanggap ko pa lamang ng kanyang sulat, ikaw pala. Hindi kita namukhaan! Bweno, hindi ka pa nga ipinapanganak ng umalis ako sa Espanya. Hindi kita talagang nakilala.”
Napakahigpit ng pagkayayapos ni Padre Damaso sa binata kaya’t namula iyon kundi sa pagkapahiya ay sa kakapusan ng hininga. Tila lubos nang nalimutan ng prayle ang kanyang kalungkutan. Pagkatapos ng pagbabatian at pagbabalitaan ay nagtanong si Padre Damaso.
“Ngayon, ano ba ang gusto ni Carlicos na gawin ko para sa iyo?”
“Palagay ko po’y nabanggit niya iyon sa kanyang sulat,” bulong ni Linares.
“Sa kanyang sulat? Tingnan natin. Tama ka. Gusto niyang ihanap kita ng trabaho at isang asawa. Trabaho—madali iyon. Marunong ka bang bumasa at sumulat?”
“Nagtapos po ako ng abogasya sa Unibersidad Central sa Madrid.”
“Caramba! Mapaghanap ka pala ng kaso, gayon ba? Pero, wala sa tipo mo. Para kang kolehiyala. Pero, lalong mabuti. Ngayon, tungkol sa isang asawa… Hmmm. Isang asawa!”
“Hindi ako nagmamadali, Padre,” sagot ng nalilitong si Linares.
Subalit nagpalakad-lakad sa bulwagan si Padre Damaso, bumubulong-bulong: “Isang asawa, isang asawa!” Anyong hindi siya mapanglaw ni masaya. Nag-iisip siya ng malalim.
Pinanonood sila ni Padre Savli mula sa isang tabi.
“Hindi ko akalaing daramdamin kong mabuti ang bagay na ito,” malungkot na wika ni Padre Damaso sa sarili. “Ngunit sa dalawang masama’y pipiliin ang di kasamaan.”
Ngayon naman ay si Padre Salvi ang nagpapalakad-lakad na tulad ng dati ay nag-iisip.
Isang tinig na bumati ng magandang araw ang pumutol sa mahinay niyang paglalakad. Nagtaas ng ulo si Padre Savli at nakita niya si Lucas na magalang na bumati sa kanya.
Nag-uusia ang tingin ng kura kay Lucas.
“Padre, ako po ang kapatid ng lalaking namatay sa araw ng pista,” daing niyon.
“Ano ngayon?” halos di marinig na tanong ng kura.
“Padre,” himutok ni Lucas. “Galing ako sa bahay ni Don Crisostomo para huminigi ng bayad-pinasala. Sa simula ay hindi mabuti ang pakikiharap niya sa akin at sinabing ayaw niyang magbayad, pagkat kamuntik na siyang mamatay dahil sa kagagawan ng kaawa-awa kong kapatid. Nagablik ako kahapon, ngunit lumuwas na siya sa Maynila at iniwanan lamang ako ng limangdaang piso bilang abuloy. Ipinagbiling huwag na akong babalik sa kanya. O, Padre, limandaang piso, Padre…”
Sa simula’y interesadong nakikinig sa kanya ang kura. Unti-unti yaong ngumiti nang buong pagkasuklam at pagkutya sa nahiwatigang palabas. Kung nakita lamang siya ni Lucas ay tiyak na nagmamadali iyong lumayo.
“Ano ngayon ang ibig mo?” tanong ni Padre Salving tumalikod.
“O, Padre, alang-alang sa pag-ibig ng Diyos, sabihin n’yo sakin ang dapat kong gawin. Ang pari ay laging magbuting magpayo.”
“Sino ang nagsabi sa iyo n’yan? Hindi ka taga-rito”
“A, Padre, kilala po kayo sa buong lalawigan.”
Galit siyang nilapitan ni Padre Salvi at tinuro sa kanya ang lansangan. Namangha si Lucas.
“Umuwi ka’t magpasalamat kay Don Crisostomo ay hindi ka niya ipinabilanggo! Lumayas ka!”
Nalimutan ni Lucas ang kanyang mga pagkukunwari at bumulong:
“Ngunit akala ko’y…”
“Lumayas ka!” nanginginig na sigaw ni Padre Salvi.
“Ibig ko pong makita si Padre Damaso.”
“Abala si Padre Damaso. Lumayas ka na rito!” makapangyarihang ulit na pagtataboy ng kura.
Nanaog si Lucas na bumubulong:
Ang taong ito’y katulad din ng isang… kapag hindi siya nagbayad ng husto’y… ang sinumang magbayad ng husto’y…”
Lahat ay patakbong napalabas, pati na si Padre Damaso, Kapitan Tiago, at Linares dahil sa sigaw ng kura.
“Isang walang-hiyang palaboy na nagpapalimos at ayaw magtrabaho,” paliwanag ni Padre Salving dinampot ang kanyang sumbrero’t baston upang magbalik na sa kumbento.