Noli Me Tangere Kabanata 39: Si Donya Consolacion

TALASALITAAN

  • kolorete – kosme-tikong pampaganda o pampapulá sa pisngi.
  • mal-edukado – walang pinag-aralan
  • nagdili-dili – pag·di·dí·li pag-iisip nang mabuti
  • ibinunton – itinuon ang atensyon, pagbibigay ng pansin sa ibang bagay
  • yamot – pagkaramdam ng bahagyang gálit, karaniwang dulot ng labis na paghihintay, hindi pagtupad ng kausap, at katulad

PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA

  • Donya Consolacion
  • Alperes
  • Sisa

BUOD NG KABANATA 39: SI DONYA CONSOLACION

Asawa ng alperes si Donya Consolacion na nagpipilit magmukhang banyaga sa pamamagitan ng kolorete sa mukha at pagsasalita sa wikang Kastila. Lubhang mataas ang tingin nito sa kanyang sarili at tingin niya ay mas kabighabighani siya kay Maria Clara.

Si Donya Consolacion ay dating labandera na nakapag-asawa ng isang kawal na naging Alperes ngunit ang ugali nito ay tulad sa mga mal-edukado.

Sa araw na iyon ay iniutos ng Donya na ipasara ang kanilang bahay sa kabila ng kaalam na tatapat ang prusisyon sa kanila. Buong araw siyang galit sa asawa sa ‘di pagpayag sa pagsisimba. Alam niya rin naman na ikinahihiya siya ng asawa bukod pa ang lantarang pag-alipusta at pagmura nito sa kanya.

Nagdidili-dili ang Donya ng marinig ang tinig ni Sisa mula sa kulungan. Dalawang raw na siyang kulong roon. Sa wikang Kastila ay inutusan niya si Sisa na umakyat ngunit dahil sa hindi niya ito naintindihan ay ‘di niya sinunod ang utos ng Donya.

Nagalit si Donya Consolacion at ibinuntong kay Sisa ang lahat ng galit nito sa asawa. Nilatigo niya ito at inutusang umawit ang kawawang baliw. Napasigaw man sa sakit ay wala paring ginawa si Sisa.

Sa yamot ng Donya ay inutusan niya ang gwardiya sibil na paawitin si Sisa. Sinunod naman ito ng babae at kinanta ang Kundiman ng Gabi. Sa pagkaantig ng damdamin ng Donya ay nakapagsalita ito sa wikang Tagalog na ikanagulat ng gwardiya. Agad naman niya itong napansin kaya pinaalis niya ang gwardya.

Hinarap na naman ng Donya si Sisa at inutusang sumayaw ngunit sa kadahilanang hindi ito naintindihan at nilatigo na naman siya nito.

Dahil dito ay nabuwal si Sisa at nahubaran ng damit kasabay rito ang pagdurugo ng kanyang sugat. Ito’y nadatnan ng alperes at nagalit ito sa nasaksihan.

Dahil dito’y inutusan niya ang isang kawal na bihisan at pakainin si Sisa, alagaan, at gamutin din ang mga sugat. Nakatakdang ihatid si Sisa kay Ibarra kinabukasan kaya naman siya’y inalagaan ng alperes.

ALAM MO BA?

  • Isa ang feminismo sa mahahalagang kalakaran sa pagbasa at pagsulat ng mga akdang pampanitikan. Dito napag-ukulan ng pag-aaral ang patriyarkal na pagtingin sa kababaihan o pagpapalagay na mababa ang pagtingin ng lipunan sa mga babae.
  • Sa mahigit na tatlong dekada, binago ng pananaw na iyan ang tingin sa kababaihan kaya nauso ang mga akdang ipinakikipaglaban ng mga babaeng tauhan ang kanilang mga karapatan. Halimbawa ng mga karapatang iyan ang kalayaan sa pagkilos, sa pagsasalita, sa pagpapasya, at sa pagpapaunlad ng sarili.
  • Hindi na ngayon pantahanan lamang ang mga babae, hindi na bulag sa pagsunod sa kalalakihan at hindi na tinatanggap ang kaaba-abang kapalarang sumapit sa kanila. Ang pagbabagong ito sa pananaw sa panitikan ay nakaimpluwensya sa maraming babae, lalo na iyong mga nakapag-aral at nakapagmasid sa mga pagbabago sa kanilang paligid.
  • Gawing halimbawa si Donya Consolacion. Nagrebelde siya sa asawa. Kahit masaktan, lumalaban siya sa alperes. May mga sanhi ang marahas niyang kaasalan na mababatid kung pag-aaralan ang pakikitungo sa kanya ng alperes. Matutuklasan ito sa kritikal na pagtingin kay Donya Consolacion.

MENSAHE AT IMPLIKASYON

  • Sa araling ito ay ipinakita kung anong uri ng relasyon mayroon ang mag asawang Donya Consolacion at ang Tenyente. Dahil hindi sila magkasundo sa maraming bagay at hindi nila naipadadama ang pagmamahal at pag-aalaga sa isa’t isa ay madalas silang mag-away na parang nagsasabong na manok. Ang ganitong senaryo sa pagitan ng mag-asawa ay mahirap matagalan kung magpapatuloy.
  • Noon hanggang ngayon ay maraming mag-asawa ang katulad nina Donya Consolacion at tenyente ang hindi nagkakasundo. Kaya naman sa kasalukuyan ay pinag-uusapan kung dapat bang gawing legal ang divorce sa Pilipinas.
  • Hindi rin maganda ang ginawang pagmamalupit ni Donya Consolacion sa kapwa n’ya babaeng si Sisa.