TALASALITAAN
- tanglaw: liwanag; ilaw
- umusig: pagsisiyasat
- bagting: lubid; tali
- patyo: harapan ng simbahan na nababakuran
- liwasan: malawak na lupain na pinapasyalan
PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA
- Nol Juan
- Padre Damaso
- Kapitan Tiyago
- Crisostomo Ibarra
- Pilosopong Tasyo
BUOD NG KABANATA 26 BISPERAS NG PISTA
Ika-10 ng Nobyembre ang bisperas ng pista sa bayan ng San Diego. Nang araw na iyon, ang durungawan ng bawat tahana’y napapalamutian ng mga bagting na kayong may iba’t ibang kulay, ang pagsambulat ng kuwitis sa papawiri’y naghahatid ng kaaliwan at kagalakan, at ang tugtugin ng banda ng musiko’y nagbabadya ng maghapong kasiyahan.
Ang masayang lansangan ng San Diego ay tinayuan ng “singkaban” o arkong kawayan. Nag-aayos sila sa paligid ng patyo ng simbahan ng isang malaking tolda na tinutukuran ng kawayan na pagdarausan ng prusisyon. Nagtayo rin sila ng malaking entablado sa liwasan ng bayan na pagpapalabasan ng komedya ng Tundo. Ang kampana ay madalas dupikalin at kasunod nito ang pumapailanlang na kuwitis sa papawirin.
Masayang sinalubong ng mga bata ang limang banda ng musiko at tatlong orkestra nang pumasok sa bayan. Kasunod na dumating ang mga kalesa, karumata, at mga karwaheng sakay ang mga makikipamista, mga kamag-anak, kaibigan, at mga di-kilalang tao.
Dumating din ang mga kilalang tahur. Nangunguna rito si Kapitan Tiago na siyang magbabangka, si Kapitan Joaquin na may dalang 18,000 piso at ang Tsino na si Carlos na may puhunang sampung libong kanyang ilalagay sa liam-po. Ang Alperes ay may 50 piso na gugugulin gabi-gabi. Si Padre Damaso ang napiling magsermon sa umaga at ang bangkero naman sa gabi.
Sa isang dakong malapit sa bahay ni Ibarra, abalang abala ang mga manggagawa sa pagyari ng katangang sementong pagtatayuan ng bahay-paaralan. Pinagmamadali ni Nyor Juan ang mga manggagawa. Paulit ulit siyang nagbabalita sa mga taong lumalapit.
Nol Juan: Nababatid ba ninyo ang aming itatayo? Ito’y isang malaking paaralan. Para sa mga batang lalaki ang isang panig at ang ikalawa ay para sa mga babae. Magiging kauri ito ng mga makabagong paaralan sa Alemanya.
Nol Juan: Naghandog ng tulong kay Ibarra ang lahat ng maykaya, hiniling ng kurang siya ang gawing padrino at siya rin ang magbabasbas sa paglalagay ng unang bato sa huling araw ng pista.
Tila napapawi nang lubusan sa isipan ni Ibarra ang mga nakatatakot na mga palagay ni Mang Tasyo, at ang mga ito’y kanyang nasabi sa matanda ngunit tinugon siya nito ng hango sa aral ni Balagtas.
Mang Tasyo: Kung ang isalubong sa iyong pagdating ay masayang mukha’t may pakitang giliw, lalong pag-ingata’t kaaway na lihim.
ALAM MO BA?
- Ang salitang bisperas ay mula sa salitang Espanyol. Ang literal na kahulugan nito ay visperas, na ang ibig sabihin ay “maraming bisperas”. Samantalang asimilisadong anyo nito sa wikang Filipino, ito ay tumutukoy sa parehong bilang isahan o maramihan.
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 26
- Sa kabanatang ito ay ipinakita kung paano pinaghahandaan ng mga taga-San Diego ang kanilang kapistahan lalo na ang mga mayayamang pamilya. Kapansin-pansin na sila ay namumuhay sa karangyaan. Katulad ng pamilya ni Kap. Tiyago, dahil sa pagiging likas na mahilig sa pagpapasikat at dahil sa kanyang pagmamalaking siya ay laking Maynila ay piniling maging marangya at nakahihigit sa lahat sa kanyang ginagawang paghahanda.
- Sa kasalukuyan ang higit na mabuting dapat na matutuhan ng mga kabataan ay mamuhay ng payak o simple. Higit na naising tumulong sa kapwa lalo na sa mga pinakanangangailangan.
- Hindi naman masamang maghangad ng maraming salapi at mga bagay ngunit sa kabila nito mas hangarin ang magkaroon ng mapagkumbaba at matulungin puso.