NOBYEMBRE 10, bisperas ng pistang bayan ng San Diego. Masiglang nagising ang mga mamamayan. Kapapansinan ng sigla ang mga bahay, lansangan, simbahan, sabungan, at pati na ang kabukiran. Balot ng mga banderitas ang mga bintana ng bahay. May mga dekorasyon ang lahat ng tahanan. Mauulinigan ang mga tugtugin at ingay ng kuwitis sa paligid.
Sa mga bahay ng mayayaman ay karaniwang tanawin ang mga dalagang naghahanda ng mga prutas at minatamis sa kanilang hapag-kainan. Manhik-manaog ang mga utusang may dalang mga panghanda na inilalatag sa mga mesang napapalamutihan ng puting-puting mga telang mantel. Sa kabi-kabila ay maririnig ang masasayang tawanan at biruan.
Abalang-abala ang lahat sa paghahanda para sa kani-kanilang inaasahang mga panauhin, gaya ng magbubuhat pa sa ibang bayan, mga dayuhan, mga kaibigan— gayon din ang mga kaaway maging Pilipino o Kastila na kailangang estimahin at handugan ng pagkain para mangasiyahan. Naghanda rin ang mga maybahay ng mga serbesa, champagne, iba’t ibang alak, at pagkaing imported buhat sa Europa ngunit binili lamang sa Maynila. Walang pasalamat na hinihintay ang mga maybahay sa kanilang ginagawang pag-aabalang ito. Kasiyahan na nilang maubos ang handa kahit hindi sila matirhan. Kahit Nobyembre pa lamang noon ay sagana na sa mga handing dalandan, lansones, atis, tsiko, at manga. May mga hamon ding buhat Tsina at Europa. May mga relyenong pabo at atsarang bulaklak ng bungang-kahoy, gulay, at prutas na may iba’t ibang hugis na nakasilid sa mga garapon.
Sa isang panig ng bahay ay naroon ang mga kristal na ilawang minana pa sa mga ninuno. Nililinis ito at pinakikintab ang mga tansong paligid. Ang mga lamparang de gas ay inalisan ng pulang takip na ginawang proteksiyon laban sa mga langaw at lamok. Ang mga palawit na kristal at lubid ay umuugoy at kung humahampas sa aranya ay lumilikha ng kasiya-siyang tunog ng musika. Hinahabol ng mga bata ang liwanag na isinasaboy ng mga kristal na ito sa kabahayan. Inilabas din ang mga panapin at kurtina na maingat na ginantsilyo ng mga daliri ng dalaga. Mapananalamin sa kintab ang sahig ng kabahayan. Kahanga-hanga ang mga dekorasyong kurtinang sutla at husi sa mga pinto. Sa bintana ay may nakasabit na mga parol na papel o kristal. Napapalamutihan ng mga bulaklak ang mga plorerang nasa iba’t ibang panig ng kabahayan. May mga masetera rin ng halaman sa ibabaw ng patungang losa. Pati mga santo at imahen ay binihisan ng bago matapos pagpagan ng alikabok.
Makikita sa mga lansangan at sa iba’t ibang pook-pasyalan ang mga arkong kawayan na tinatawag na sinkaban. Sa paligid ng patyo ng simbahan ay nagtayo ng toldang inilalaan sa prusisyon. Nagtayo rin sa plasa ng isang entablado na pagdarausan ng komedya. Paminasan-minsan ay maririnig ang tunog ng kampana na sinasaliwan ng nakabibinging sagitsit at putok ng mga kuwitis.
Maririnig sa malayo ang masiglang tugtugan, at nagpanakbuhan ang mga bata upang salubungin ang mg abanda ng musiko sa labas ng kabayanan. Limang banda at tatlong orchestra ang kinasundo para magpasaya sa pista. Kabilang dito ang Banda Pagsanjan na pag-aari ng clerk of court o eskribano, ang tanyag na Banda San Pedro Tunasan na pinamumunuan ni Propesor Austria, ang kilalang Kabo Mariano. Hinahangaan ng lahat ang kanyang martsa sa libing na pinamagatang “The Willow.” Kung may pormal na pagsasanay lamang o nakapag-aral ang musikong ito, inaakala ng marami na lalo siyang makapagbibigay ng karangalan sa kanyang bansa dahil sa kanyang likas na talino.
Pumasok sa kabayanan ang mga banda na sinusundan ng nagkakatuwaang mga batang ang iba ay nakasuot ng punit-punit, may hubad, at may nakasuot naman ng salawal ng kanilang ama. Sinasabayan nila ng huni ang tugtuging ipinaririnig ng mga banda.
Sa kabilang dako, paroo’t parito naman ang mga karetela, kalesa, at mga karwaheng may lulang makikipamista at mga sugarol o sabungerong may hawak na manok at supot ng salaping pamusta.
“Ang komandante ay tumatanggap ng singkuwenta pesos isang gabi,” bulong ng isang pandak na matabang lalaki sa mga bagong dating. “Darating din si Kapitan Tiago. Maglalagay siya ng montehan. Magdadala si Kapitan Joaquin ng labingwalong libong piso. Magkakaroon din ng liampo. Ang magbabangka sa sugal ay ang intsik na si Carlos. Sampung libo ang kanyang puhunan. May malalakas ding sugarol na darating buhat sa Tanawan, Lipa, Batangas, at maging mula sa Santa Cruz. Malaking sugalan ito. O, heto ang tsokolate. Ngayon ay hindi na tayo tatalunin ni Kapitan Tiago tulad ng ginawa niya noong isang taon; tatlong misa lamang ang kanyang ipinangbabayad. May agimat ako sa sugal na yari sa cacao. A, siyanga pala… kumusta ang pamilya?”
“Mabuti po naman,” sagot ng mga panauhin. “Kamusta naman po si Padre Damaso?”
“Magsesermon sa umaga si Padre Damaso at makikipagsugal sa atin sa gabi.”
“Mabuti kung gayon. Samakatwid ay walang peligro?”
“A, ligtas tayo! Ligtas na ligtas! At isa pa, si Carlos na Intsik ay maglalagay!” at nagbilang pa ng salapi sa kamay ang matabang pandak.
Sa labas ng bayan, nasipagbihis ng kanilang pinakamahuhusay na damit ang mga namumuwisan. Magreregalo sila ng matatabang manok, baboy-ramo, usa at mga pabo o pato sa mga kapitalistang may-ari ng kanilang sinasakang lupa. Ang iba naman ay nagkakarga ng mga panggatong, prutas, at mamahaling mga orkidya. Ang mga maybahay ay nagdedekorasyon naman sa kanilang bahay.
Ngunit ang pinakamahalagang pangyayari ay nagaganap sa isang mataas-taas na kapatagan sa di kalayuan sa bahay ni Ibarra. Abalang-abala ang mga manggagawa sa paghahanda ng pundasyon ng itatayong bahay-paaralan. Umiingit ang mga kalo. Nakapangingilo ang tama ng talim ng piko sa tinitibag na mga bato. Umaangil ang mga pako sa pukpok ng martilyo. Isang pangkat ng mga tao ang naghuhukay.
“Dito ‘yan! At iyon naman ay doon! Konting bilis!” sigaw ng isang pandak na matandang lalaki na mukhang matalino. Medyo nakasandig siya sa isang mahabang panukat na kinakabitan ng tansong tunton na may taling pisi. Siya ang katiwala ng konstruksiyon, si Maestrong Juan, arkitekto, kontratista, mason, karpintero, tagapalitada, manggagawa ng susi, pintor, tagatibag ng bato, at kung minsan ay eskultor din.
“Kailangang matapos natin ito ngayon. Walang trabaho bukas pista opisyal… at samakalawa naman ay dakilang pagbubukas na! Konting bilis!”
Binalingan niya ang ilang nagtitibag ng bato. “Tamang-tama lamang ang gawin ninyong butas para sa silindrong ito! Kasama niyan ang pangalan natin!”
Sa lahat ng kanyang nakausap ay pare-pareho halos ang kaniyang sinasabi— nang may sanlibong beses na!
“Hindi pa ninyo alam kung ano ang ating itinatayo, ha? Bweno… ito ay paaralan, at kailangang ito ay maging isang modelo… tulad ng nasa Alemanya, o mas higit pa roon! Isang tanyag na arkitekto ang gumawa ng plano, at ako ang namamahala sa proyekto. Tama! Ito ay magiging parang palasyo; may hardin sa gitna tatlong fountain, may mga naghanay na puno sa gilid… at may munting gulayan na mapagtatamnan ng mga bata para walang maaksayang oras. Tingnan ninyo ito… Nakakita na ba kayo ng malalim na pundasyon? Tatlong metro at animnapu’t limang sentimentro. Magkakaroon ng tinggalan ang paaralang ito, silid sa ilalim at silid-parusahan para sa mga salbaheng bata— sa tabi mismo ng palaruan at gym para marinig nila ang kasiyahan ng mababait. Nakikita ba ninyo ang pook na iyon? Iyon ang magiging palaruan— pook na takbuhan at lundagan ng mga bata. Doon naman ang hardin ng mga babae. May mga upuan, duyan, laruan ng luksong-lubid, fountain, mga hawla ng ibon, at iba’t iba pa! Malaking proyekto ito!”
Pinagkuskos ni Maestro Juan ang kanyang mga kamay. Magiging tanyag siya! Darating ang mga dayuhan at makikita ang paaralan. Itatanong nil, “Sinong dakilang arkitekto ang gumawa nito?” At sasagot ang mga tao. “Aba, hindi n’yo ba kilala? Imposible naman yatang hindi ninyo naririnig ang pangalang Maestro Juan! Malayongmalayo siguro ang pinanggalingan ninyo!”
Taglay sa isip ang kasiya-siyang gunitang ito, nilibot ni Maestro Juan ang paligid at sinuri pati kaliit-liitang bagay. “Sobra ang dami ng kahoy na iyan,” sabi niya sa lalaking siyang lider ng pangkat. “Tatlong piraso lamang ang kailangan para panukod at tatlo rin pang-alalay,” aniya.
“Kayo naman,” sagot ng lider ng pangkat na nakangiti. “Habang dinadagdagan natin ng kahoy ay lalong gaganda at hahangaan ito. Sasabihinng mga taong makakakita. ‘Talagang pinagbuhusan ng isip at pagod ito!’ Balak ko pang lagyan ng mga dekorasyong halaman at bulaklak. Kayo na mismo ang magsasabing hindi kayo nagkamalisa pagkuha sa akin! Pupurihin kayo ni Ginoong Ibarra!”
Nasisiyahang napangiti si Maestro Juan at tumango-tango.
Sa di-kalayuan, isang guro at may tatlumpung batang lalaki ang gumagawa ng korona at nagtali ng mga banderitas sa mahabang kawayang nababalot ng puting tela na sumusuporta sa dalawang arkong pinagsanib ng mga dahon ng saging. “Pagbutihin ninyo ang pagguhit ng mga letra,” payo niya sa mga nagsusulat.
Darating ang gobernadora, mga pari, at maaaring pati ang gobernador-heneral mismo! Naririto raw siya sa probinsya. Kapag nakita nilang maganda ang pagkakaletra ninyo ay maaaring purihin kayo.”
“At bibigyan kami ng pisara?” “Puwede! Pero kundi man, si Ginoong Ibarra ay nakaorder na ng isa sa Maynila. May iba’t ibang bagay pang darating bukas para ibigay sa inyo bilang gantimpala. O, sige… Ibabad ninyo ang bulaklak na iyan sa tubig. Bukas natin gagawing pumpon.
Magdala pa kayo ng maraming bulaklak! Kasiya-siya sa mata ang mga bulaklak.”
“Magdadala bukas ang tatay ko ng mga water lily at isang basket ng sampaguita.”
“Ang tatay ko naman ay magdadala ng tatlong karitong buhangin.”
“Nangako naman ang tiyuhin ko na siya ang magsusuweldo sa titser,” dugtong naman ng pamangkin ni Kapitan Basilio.
Ang plano ni Ibarra ay nagtamo ng ganap na suporta ng lahat halos ng tagaroon. Nakiusap ang kura paroko na siyang mag-isponsor sa proyekto at siya pa mismo ang nagbasbas sa paglalatag ng panulukang-bato, isang seremonyang gaganapin sa huling araw ng pista. Nakikimi pang luampit ang pari kay Ibarra at nagalok na ibibigay sa binate ang lahat ng halagang matatanggap na abuloy sa bawat misa hanggang sa mayari ang paaralan. Bukod ditto, ang mayaman ngunit kuripot na si Sister Rufa ay nagboluntaryong manghihingi siya ng abuloy sa bayan kapag kinapos ang pondo, sa kondisyong babayaran ang kanyang gastos sa paglalakad at pagkain.
Nagpasalamat sa kanya si Ibarra at sinabing “Hindi tayo makaiilak ng sapat sa paraang iyon. Hindi naman ako napakayaman para makayang gastusan ang inyong magugugol… at saka ang gusaling ito ay hindi simbahan. Isa pa, hindi ko ipinapangakong itatayo ko ang paaralang ito sa gastos ng iba.”
Ang kabataang lalaki, mga estudyanteng taga-Maynila na nakikipamista, ay humanga kay Ibarra at ginawa nila itong modelo. Ngunit gaya ng karaniwang nangyayari, ang natutularan ng mga tagahanga ay ang maliliit na bagay na ginagawa ng kanilang modelo… karaniwan pa nga ay ang mga kapintasan nito. Kabilang sa mga napansin at nagaya ng mga tagahangang ito ang paraan ng pagtatali ni Ibarra ng kurbata, hugis ng kanyang kuwelyo, at may ilan naming nakapansin sa bilang ng butones ng kanyang tsaleko at amerikana.
Waring ganap nang naparam ang malagim na pangamba ni Pilosopong Tasyo.
Minsan ay naungkat ito ni Ibarra subalit sinagot siya ng matanda ng “Alalahanin mo ang sinabi ng dakila nating makatang Baltazar.” At ipinagpatuloy niya. Kung ang isalubong sa iyong pagdating
Ay masayang mukha’t may pakitang giliw,
Lalong kaingata’t kaaway na lihim…
Ang mga ito at iba pang mga bagay na isasalaysay ang nagaganap sa bisperas na ito ng pista.