Noli Me Tangere Kabanata 23: Ang Piknik

TALASALITAAN

  • baklad: panghuli ng isda
  • sinaliwan: sinabayan
  • napapandaw: bitag panghuli ng isda
  • punyal: patalim
  • nakadukmo:nakasubsob ang mukha sa bisig
  • nakatarak: nakabaon na patalim
  • mapusok: kilos na hindi pinag-iisipan

PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA 23

  • Crisostomo Ibarra
  • Maria Clara
  • Tiya Isabel
  • Elias
  • Mga Kaibigan ni Maria Clara

BUOD NG KABANATA 23

Sumakad ang magkakaibigan patungong lawa nang hindi pa nagtitilaukan ang mga manok sa madaling araw. Kasama ni Maria Clara si Sinang, ang pinsan niyang masayahin; si Victoria, ang laging walang imik; si Iday na may kagandahan; at si Neneng, na maganda at palaisip. Ang mga biruan ng mga dalaga’y natigil. Narinig nang dumarating ang langkay ng mga lalaki, nangaglalakad sa himig ng isang tugtugin. Nag-abot ang dalawang pangkat.

Dalawang malalaking bangkang magkatali ang dinatnan nila sa lawa. Ang mga bangka ay nagagayakan.

Ang bangkero ay isang binatang may matikas na anyo, matipunong pangangatawan, maitim, mahaba ang buhok at sa damit niyang kamisa Tsino ay maaaninag ang mga siksik na laman sa kanyang mga bisig.

Pagkaagahan ay tumuloy sila sa baklad ni Kapitan Tiago. Ipinahanda ni Tiya Isabel ang sinigang para sa mahuhuling isda kay Andeng. Upang huwag silang mainip ay nahilingang umawit si Maria Clara. Kinuha niya ang alpa at sinaliwan ang sariling awit.

Sinabi ni Andeng na ang sabaw ay luto na at kailangan na lamang ng mga isdang isasahog. Mabilis na umakyat sa ibabaw ng baklad ang magbibinatang anak ng isang mangingisda. Sabik na sabik ang lahat sapagkat inaasahan nilang maraming huli dahil sa limang araw nang hindi napapandaw ang baklad na yaon. Ngunit buwaya pala ang nahuli ng baklad.

Soon nila nakitang tumayo ang nagsasagwan ng bangka, kumuha ng isang mahabang lubid, umakyat sa pabahay ng baklad at tumalon sa tubig. Lahat ay nangamba, at walang kibuang nakamasid sa tila paglalaban ng dalawang lakas sa ilalim ng tubig. Si Ibarra’y kumuha ng punyal at humanda upang tumulong.

Lumitaw sa tubig ang ulo ni Ibarra at ng pilotong hila-hila ang buwaya na laslas ang tiyan at nakatarak ang punyal sa lalamunan.

Elias: Iniligtas ninyo ang aking buhay

Crisostomo Ibarra: Mapusok kayong lubha, at sa muli ay huwag ninyong bibiruin ang tadhana.

Naging masigla silang muli. Ang magkakasama ay lumunsad sa baybayin ng gubat na pag-aari ni Ibarra at inihanda ang kanilang mga pagkain sa lilim ng isang malaking puno na nasa tabi ng isang malinaw na batisan.

MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 23

  • Likas sa mga kabataan ang pagiging mahilig sa mga kasiyahn o pagtitipon. Kagaya na lamang sa kabanatang ating nabasa. Na ang magkakaibigan ay nagtungo sa lawa upang magkaroon ng isang salu-salo.
  • Makikita rin sa kabanata ang pagpapahalaga ng mga kabataang Pilipino noon sa pakikipagsalamuha sa kanilang mga kaibigan. Hindi rin maipagkakaila ang paraan ng pagdidisiplina ng mga magulang noon sa kanilang mga anak na dalaga kung paano kumilos sa harap ng mga binata.
  • Makikita rin ang pagkamapusok ni Elias sa kabanatang ito kung saan hindi siya nagdalawang isip na sagupain ang buwaya. Buti na lamang at nailigtas siya ni Crisostomo sa kapahamakan.
  • May mga pagkakataon na ang mga kabataan ay nagiging padalos-dalos sa desisyon na kanilang ginagawa kaya naman madalas na ito ay nauuwi sa kanilang kapahamakan. Kaya naman bago magdesisyon sa isang bagay mahalagang pag-isipan ito ng paulit-ulit.