TALASALITAAN
- bukambibig: sabi-sabi; usapan
- katipan: kasintahan
- pag-uulayaw: pagsasama ng magsing-irog
- luwat: itim sa ilalim ng mata
PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA 22
- Maria Clara
- Crisostomo Ibarra
- Tiya Isabel
- Padre Salvi
- Pedro
BUOD NG KABANATA 22
Mabilis na nagdaan ang tatlong araw na paghahanda sa nalalapit na kapistahan ng bayan ng San Diego. Naging bukambibig ng mga mamamayan ang pagdating nina Maria Clara at Tiya Isabel.
Sa mga usapa’y nakasama rin ang pangalan ni Padre Salvi. Ayon sa mga manong at manang, si Padre Salvi’y laging natitigilan at madalas magkamali sa kanyang pagmimisa. Napuna rin nila na nawalan ng ganang kumain ang pari, kaya lalo pang namayat at nanamlay ang katawan, ngunit ang ipinagtataka nila’y ang pagdami ng ilaw na nagliliwanag sa kumbento, kapag siya’y dumadalaw kina Maria Clara.
Ang mga usapa’y lalong sumigla nang makitang dumating si Crisostomo Ibarra. Ang binata’y tumuloy sa bahay ng katipan, at magalang na binati si Padre Salvi, na noo’y papunta rin kina Maria Clara. Ang pagkakatao’y naging mapagparaya sa pag-uulayaw ng dalawang magsing-ibig malapit sa bintanang nakaharap sa lawa.
Maria Clara: Susulatan ko na ang aking mga kaibigan, at gawan mo sana ng paraan na huwag makasama ang kura. Natatakot ako, mahal ko. Napupuna kong lagi niya akong tinititigan at kapag ako’y kinakausap ay marami siyang sinasabing hindi ko nauunawaan. Gawan mo ng paraan na huwag siyang maanyayahan.
Crisostomo Ibarra: Alam mo ang kaugalian dito sa atin. Naririto siya, at mainam naman ang pakikitungo sa akin.
Hindi nagluwat ang kanilang pag uusap, at ang kura’y dumating.
Crisostomo Ibarra: Yamang pista ang ating pinag-uusapan, kung mamarapatin ninyo, kayo’y aking inaaanyayahang dumalo sa salusalong idaraos bukas. Iyan po’y isang kasayahang inihahanda naming magkakaibigan.
Padre Salvi: Saan n’yo idaraos?
Crisostomo Ibarra: Ang ibig po ng mga dalaga’y sa batisang malapit sa gubat na malapit sa balete, kaya’t maagang maaga kaming tutungo roon nang huwag abutin ng araw.
Padre Salvi: Napakagandang pagkakataon, kaya’t tinatanggap ko, at upang patunayan sa inyo na ako’y hindi nagtatanim ng sama ng loob.
Saganap na ang dilim nang si Ibarra’y nagpaalam. Isang lalaki ang sumalubong kanya sa daan.
Pedro: Ginoo, hindi po ninyo ako kilala, ngunit dalawang araw ko na po kayong hinahanap.
Crisostomo Ibarra: May kailangan ba kayo sa akin?
Pedro: Ihihingi ko po lamang sana ng tulong ang aking asawa at mga anak. Ang aking mga anak ay nangawala at ang aking asawa’y nasiraan ng isip.
Crisostomo Ibarra: Ako’y nagmamadali. Sabihin ninyo habang tayo’y lumalakad.
At nawala sa kadiliman ng gabi ang dalawa.
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 22
- Ang maaring ipakahulugan ng liwanag sa kabanatang ito ay tungkol sa masayang pagdating ni Maria Clara at Tiya Isabel sa San Diego na nagdala ng kasiyahan sa mga taong naroroon. At muling pagkikita ni ng makasintahang si Ibarra at Maria Clara
- Ang dilim naman ay ang hindi komportableng pakikisalamuha ni Maria Clara kay Padre Salvi at ang paghingi ng tulong ni Pedro kay Crisostomo upang mahanap ang kanyang asawa at mga anak.