Noli Me Tangere Kabanata 20: Pulong sa Bayan/ Tribunal

Talasalitaan
  • lapian- ikabit, pagdikitin
  • yamot – pakiramdam ng bahagyang galit
  • maringal- elegante, kahanga-hanga, engrande
  • kabesa- pinuno sa isang barangay
  • uyamin- panlilibak, pangmamaliit
Mga Pangunahing Tauhan sa Kabanata
  • Don Filipo Lino
  • Kapitan Basilio
  • Crisostomo Ibarra
  • Pilosopo Tasyo
Buong ng Kabanata

Nangakaupo at nag-uusap sa tribunal ang mga nagpupulong na mga kasapi ng dalawang lapian sa bayan; ang conserbador na pangkat ng matatanda, at ang liberal, na binubuo ng kabataan. Si Don Filipo ang pinuno ng Liberal.

Don Filipo Lino: Hindi ko naiibigan ang inuugali ng Kapitan. Tila ang layunin ay ipagpaliban ang pag-uusap sa gugugulin. Labing-isang araw na lamang ay pista na ng San Diego.

Miyembro: Ang Kapitan ay naiwan sa kumbento at sumangguni sa kurang may sakit.

Don Filipo Lino: Makinig kayo. Kaninang umaga, pinayuhan ako ni Tandang Tasyo. Mabuti mang mungkahi ang magmula sa inyo ay di sasang-ayunan ng matatanda dahil sa higit nilang kinayayamutan ang inyong pagkatao, kaya ang mabuti ay magmungkahi kayo ng isang bagay na ayaw ninyong manalo. Kapag natalo na ang mungkahing ito, ipamungkahi sa isa sa mga karaniwang kasapi ninyo ang ibig ninyong manalo, at siguradong pagtitibayin ng mga kalabang ibig bumigo sa inyo. Ngunit, ito’y dapat lamang na ilihim.

Dumating si Ibarra at ang guro. Sumunod ang Kapitan na mukhang mainit ang ulo, at tuluy-tuloy na naupo sa silya.

Kapitan: Mga ginoo, ang layunin ng pulong na ito’y upang pag-usapan natin ang mga bagay na makapagpapasaya sa pista ng San Diego at ang kaukulang gugugulin sa mga nasabing bagay.

Pagkatapos ng napakahabang pananalumpati ni Kapitan Basilio, na naging kalaban ni Don Rafael, sumunod na pinahintulutan ng Kapitan si Don Filipo.

Don Filipo Lino: Mga ginoo, tayo ay magkakaroon ng isang maringal na pistang bayan sa halagang 3,500 piso. Ang halagang ito’y gugugulin sa mga sumusunod: isang malaking dulaan sa liwasan ng bayan sa halagang 150 piso; isang komedyang magtatanghal sa loob ng pitong gabi sa halagang 200 piso bawat gabi o 1,400 piso; dalawang bomba at 200 kuwitis na ang halaga ng bawat isa’y piso o kabuuang 400 piso.

Halos magkagulo ang pulong dahil sa alos pag-uunahang makahingi ng pahintulot na magsalita. Nang matiwasay na ang pulong, isang batang kabesa ang humingi ng pahintulot makapagsalita.

Batang Kabesa: Iminumungkahi ko pong lumikha tayo ng mga makabagong palabas na hindi karaniwang nakikita araw-araw, at sikaping huwag lumabas sa bayan ang mga salaping gugugulin.

Mga miyembro: Magaling, mahusay na bata.

Batang Kabesa: At iminumungkahi ko pa rin na isang bahagi ng salapi ay iukol sa mga kapuri-puring gawain, tulad ng pagbibigay ng gantimpala sa mga batang magagaling sa pag-aaral, magdaos tayo ng mga katutubong palaro tulad ng palosebo, at ang dalawang banda ng musiko ay sapat na magpasaya sa ating bayan. Ang salaping lalabis ay itulong natin sa pagpapatayo ng isang paaralan, upang ang mga batang nag-aaral ay huwag makisuno sa kumbento ng simbahan.

Napagkaisahang sang-ayunan ang panukala ng batang kabesa, at uyamin ang tenyente mayor, ngunit ang Kapitan ay pinagpapawisan at hindi mapalagay.

Kapitan: Sang-ayon din ako, ngunit iba ang nais ng ating kura. Gusto ng kura anim na prusisyon, tatlong sermon, tatlong misa mayor, komedya na may awitan sa pagitan ng yugto. Ito ang mga ibig ng kura at ako’y nakatango na sa kanya.

Liberal: Bakit n’yo pa kami pinulong?

Konserbador: Bakit ninyo kami pinulong?

Kapitan: Iyan ang sasabihin ko sa inyo, ngunit naunahan ako ni Kapitan Basilio sa pagsasalita, kaya hindi ko naituloy.

Ang kabataan ay nagsialis, nilapitan naman ni Don Filipo ang Kapitan.

Don Filipo Lino: Alang-alang sa isang mabuting layon, nilimot ko ang sarili, ngunit kayo, nilapastangan ninyo ang sariling karangalan upang itaguyod ang isang masama.

Si Ibarra’y nagpaalam sa kasamang guro, ipinaalam na siya’y pupunta sa dulumbayan ng lalawigan upang lakarin ang isang balak.

Alam mo ba?
  • Ang tribunal noong panahon ng Espanyol ay tumutukoy sa lupon ng mga pinuno ng isang munisipyo. Ito rin ay tumutukoy sa pook na pinagpupulungan ng naturang lupon.
  • Ang kabesa ay pinaikling tawag sa cabeza de barangay noong panahon ng Espanyol. Siya ang namumuno sa isang pangkat ng mga mamamayang binubuo ng 50 hanggang 60 pamilya. Ang pangunahing gawain niya ay maningil ng buwis sa mga taong kanyang nasasakupan at magpasya at mag-ayos ng sigalot sa kanilang lugar.
Mensahe at Implikasyon ng Kabanata
  • Ipinakita sa kabanatang ito ang paghahanda ng mga lider ng bayan ng San Diego para sa nalalapit na kapistahan. Ito ang nahahati sa dalawang lapian. Ang Partidong Conservador at Liberal.
  • Ang mga Conservador ay binubuo ng matatandang lider napinamumunuan ni Kapitan Basilio ang Liberal naman ay binubuo ng kabataan na pinamumunuan ni Don Filipo Lino.
  • Ipinakita rin sa kabanata na hindi magkasundo ang Partido ng mga Conservador at Liberal sa kadahilanang ang dalawang grupo ay may kani-kaniyang mga prinsipyo at layuning pinahahalagahan.
  • Sa kasalukuyan ay laganap pa rin ang ganitong sistema sa ating bansa. Madalas na ang isang proyekto o programa ay hindi matagumpay na naipatutupad dahil hindi nagkakaisa ang papanaw ng mga partido. Isang malaking bagay sa ikasusulong ng isang samahan ang pagkakaisa at pagkakaroon ng isang tunguhin sa pag-abot sa isang layunin.