MAHABA at maluwag ang bulwagan sa tribunal. Dito nagpupulong ang mga namumuno sa bayan at sa mga nayon ng San Diego. May mga larawang nakasabit sa dingding. Hindi kagandahan ang mga iyon at may kasagwaan ang paliwanag na mga salita. May nakapalamuti ring makalumang mga baril, sable, at patalim. Ito’y sandatang panugis sa mga tulisan at masasamang loob ng mga pulis-munisipyo roon. Sa isang dulo ng bulwagan na kinabitan ng pulang kurtinang maruni na ay nakasabit sa dingding ang larawan ng hari ng Esnpanya. Tinutunghayan ng larawan ang isang platapormang kahoy na kinapapatungan ng isang lumang silyon. Nakaharap dito ang malaking mesa na pinalibutan ng mga silya at bangko. Nakaupo at nag-uusap ang mga miyembro ng dalawang partido. Matatanda ang mha miyembro ng Partidong Conservador at kabataan naman ang bumubuo sa Partidong Liberal. Magkalaban kaya’t magka-bukod kung mag-usap-usap ang dalawang lapian.
“Nakapagdududa at nakawawala ng tiwala ang ikinilos ng kapitan,” sabi ni Don Filipo sa mga kaibigan. Siya ang tenyente mayor at lider ng partidong liberal. “Talaga yatang ayaw na niyang pag-usapan pa ang tungkol sa gugulin para sa pista. Aba’y labing-isang araw na lamang at pista na. Sa a-dose ng buwang kasalukuyan ang pista sa San Diego.”
“At ngayo’y nasa kumbento at kausap ng kura na di raw mapaparito pagkat may sakit,” puna ng isang kabataan.
“Hindi bale!” Sabi naman ng isa pa. “Handan a tayo. Huwag lang sang-ayunan ng nakararami ang balak ng matatanda.”
“Palagay ko’y hindi sasang-ayunan,” wika ni Don Filipo.”Ako ang maghahanap ng kanilang plano.”
“Ano? Ano ang gusto n’yong sabihin?” nagtatakang tanong ng mga nakikinig.
“Hindi naming kayo maintindihan, ginoo,” naghihinalang wika ng ibang kaharap.
“Makinig kayo,” bulong ni Don Filipo sa dalawa o tatlong kausap na malapit sa kanya. ”Nakasalubong ko kaninang umaga si Tandang Tasyo.”
“Ano ang sabi?”
“Sabi niya sa akin ay ito, ‘Mas galit sa inyo kaysa balak ninyo ang kalaban. Kaya, magmungkahi kayo ng planong ayaw ninyong maaprobahan. Tiyak na hindi nila pagtitibayin ang balak kahit na mahalaga pang tulad ng putong ng Obispo, pagkat kayo ang nagmungkahi. Kung talo na kayo ay saka na imungkahi ang gustong maaprobahan. Bayaang ang isang karaniwaang miyembro ng partido ninyo ang magharap ng balak. Pagtitibayin iyon ng kalaban ninyo para kayo hiyain. Pero, ilihim n’yo lang.”
“Baka…”
“Kaya nga ako ang maghaharap ng balak ng ating kalaban at gagawin ko iyong katawa-tawa.” Binalingan ni Don Filipo ang isang batang kabisa. “Kayo ang magmungkahi ng plano ng ating partido pagkatapos kong matalo,” anang Don.
Siyang pagpasok ni Ibarra at ng guro. Bumati ang dalawa sa mga naroroon ngunit hindi nakihalo sa kanilang usapan. Maya-maya’y dumating naman ang kapitan. Nahinto ang bulong-bulungan. Isa-isa nang nagsiupo ang mga naroroon at unti-unting natahimik ang lahat makaraan ang ilang sandal.
Umupo ang kapitan sa silyong nasa plataporma at apat o limang beses na umubo. Hinaplos ang buhok at mukha, ipinatong ang siko sa mesa pero inialis na muli. Umubo na naman. Inulit-ulit niya ang ganitong kilos.
“Mga ginoo,” sa wakas ay marahan niyang wika. “Pinulong ko kayo…,e …,e…, pista na ng San Diego sa a-dose ng buwang ito …,e …Ngayo’y ikalawang…,e…,e….” Sinadya niyang umubo nang sunod-sunod at nanahimiik pagkatapos.
Tumayo ang isang lalaki mula sa grupo ng Conservador. Apatnapung taong gulang na siya marahil at mukhang mayabang. Siya si Kapitan Basilio na naging kalaban ng yumaong si Don Rafael. Naniniwala ang nasabing kapitan na hindi na sumulong kahit isang hakbang man lamang ang mundo mula nang mamatay su Santo Tomas de Aquino. Hindi na rin daw umunlad, kundi umurong pa ang sangkatauhan mula nang iwan niya ang Kolehiyo ng San Juan de Letran.
Humingi ng pahintulot si Kapitan Basilio na unang makapagsalita dahil mahalaga ang paksang poag-uusapan.
“Hindi naman nangangahulugang ako ang pinakaimportanteng tagapagsalita at pinakawalang-kuwenta ang mahuhuli. Kaya lamang ay hindi maipagpapaliban ang aking sasabihin, at para mapag-isipan itong mabuo.” paliwanag niya.
Isa-isa niyang binaggit ang pangalan ng mga may-sinasabing naroroon nang pahintulutan siyang unang magsalita. Maligoy at mabulaklak ang kanyang mga pananalita. Panay ang paghingi niya ng paumanhin at pahintulot. Humaba ng humaba ang kaniyang talumpating wala namang kabuluhan at tinapos sa pagsasabing ang panahon ay ginto kaya’t dapat na iklian at liwanagin kundi ng ibang magsasalita ang kanilang sasabihin.
Ipinahayag ng kapitang nanggugulo sa pulong na puwede nang makapagsalit ang iba. Tumayo si Don Filipo nang walang ibang nangahas. Nagkindatan at nagsenyasan nang makahulugan ang mga miyembro sa Conservador.
“Inihaharap ko ang mungkahing badyet para sa pista,”sabi ni Don Filipo.
“Hindi matatanggap iyan!” magkakasabay na wika ng iba pa.
“Mga ginoo,” nangingiting wika ni Don Filipo. “Hindi ko pa naman naipapaliwanag ang balak na inihaharap ng kabataan. Natitiyak naming ang mahalagang proyektong ito ay magugustuhan ng lahat, kaysa sa ihaharap ng oposisyon.”
Lalong nakapaginit ng kalooban ng mga Conservador ang mapusok sa pahayag, kaya pinagkaisahang kalabanin ang nagmungkahi.
Nagpatuloy si Don Filipo, “Tatlong libo’t limandaang piso ang badyet para sa pista. Sa halagang ito ay makapagpapapista tayo nang higit sa nakita na natin dito at sa iba pang lalawigan.”
“Ow!” bulalas ng mga hindi makapaniwala, “Ang bayan ng A ay may badyet na 5,000 piso, ang kalapit-bayan ay may 4,000 piso. Hmmm . . . Kahambugan ‘yan!”
“Makinig kayo, mga ginoo, at makukumbinsi kayo,” walang pagkakabahalang patuloy ni Don Filipo. “Iminumungkahi kong magtayo ng isang malaking entablado sa plasa sa halagang 150 piso.”
“Kulang ‘yan!” matigas na tutol ng isang Conservador. “Gawin mong 160 piso.”
“Ginoong kalihim, ilista ninyong 200 piso para sa entablado,” utos ni Don Filipo. “Arkilahin din natin ang komedya sa Tundo upang magpalabas sa loob ng pitong gabing sunod-sunod. Dalawandaang piso isang gabi, 1,400 piso ang ilista ninyo. Ginoong kalihim, 1,400 piso.”
Gulat na gulat na nagkatinginan ang matatanda at kabataan, maliban sa mga nakaaalam ng sikreto.
Idinagdag ni Don Filipo ang balak para sa mga paputok. . . 200 bomba at 200 kuwitis na bawat isa’y dalawang piso, kaya ipinalista ang sanlibong piso para rito.
Hindi na nakapagpigil ang mga Conservador. Tumayo ang ilan at sumangguni sa mga kasamahan.
“Isa pa, para ipakita sa mga kanugnog-bayan na bukas ang palad natin at may perang gagastusin,” dugtong ni Don Filipo, inilakas niya ang boses at sinulyapan ang grupo ng Conservador.” Kumuha tayo ng apat na isponsor para sa dalawang araw na pista. Saka, 200 pritong manok, 100 relyenong kapon, at 50 litson ang ihagis natin sa ilog tulad ng ginagawa ni Sulla sa kapanahon ni Cicero. Kilala sila ni Kapitan Basilio.”
“Oo nga, tulad ni Sulla,” nasisiyahang wika ni Kapitan Basilio.
Nagitla ang madla nang gayon na lamang.
“Magsisipamisa rin lamang ang mayayaman na dala ang libo-libong piso, ang pinakamagagaling na sasabungin, baraha, at ‘yung ginagamit sa larong-Intsik ay magpasabog tayo nang labinlimang araw at gawing legal ang sugal.”
Nagtindigan ang kabataan bilang pagtutol. Naisip nilang nasisiraan na yata ng ulo ang tenyente mayor. Mainitan ang pagtatalo ng matatanda. Nadaig ang tinig ni Don Filipo ng mga pagsigaw na pagsasalita mula sa bawat sulok ng bulwagan.
“Hindi maaari!” sigaw ng may-prinsipyong Conservador. “Hindi ako makapapayag na maipagmalaki niyang siya ang nagpapista. Hindi! Bayaan n’yo kong makapagsalita!”
“Naloko tayo ni Don Filipo,” sabi naman ng mga Liberal. “Huwag nating botohan. Kumampi siya sa matatanda. Huwag nating botohan.”
Nanlambot ang kapitan, ngunit wala siyang ginawang anuman para payapain ang kaguluhan. Hinintay niyang magsiayos ang lahat. Humingi ng pahintulot na makapagsalita ang puno ng pulisya, pero nagtikom ng bibig at umupong muli na nalilito at hiyang-hiya.
Nagkaisa ang lahat ng tuligsain at kalabanin si Don Filipo, kaya’t nag urong siya ng kanyang mungkahi.
Tuwang-tuwa ang mga Conservador sa pagkatalo ng kanilang kalaban. Payapa na nilang tiningnan ang pagtayo ng isang kabisa na humiling na makapagsalita.
“Iminumungkahi kong magpalabas ng mga hindi karaniwang napapanood sa araw-araw. Sikaping huwag makalabas sa bayan natin an gating salapi, kaya huwag itong aksayahin sa walang kwentang mga paputok, kundi sa mga bagay na makabubuti para sa lahat.”
“Iyan nga!” sang-ayon ng kabataan. “Iyana ng ibig namin.”
“Magaling,” ayon din ng mga Conservador. “Ano ang mapapala natin sa pitong araw na komedyang mungkahi ng Tenyente Mayor? Ano ang mga matututunan natin sa hari ng Bohemya at Granada nan a nagpapapugot ng ulo sa kanliang mga anak na prinsesa, o nag-uutos na ibala sa kanyon ang mga iyon? Hindi naman tayo mga hari ni Barbaro, at kung tutularan sila’y baka mabitay pa tayo sa Bagumbayan. E, ano ba sa atin ang prinsesang solong nakikipaglaban sa mga prinsipe, o kaya’y naglalagalag sa mga bundok na parang kinukulam? Hindi ba mas mabuting magpalabas tayo ng mga dramang nagalarawan ng sariling kaugalian upang maunawaan at maiwasto ang ating mga bisyo’t kapintasan at mapahalagahan naman ang ating mga katangian?”
“Iyan nga!” sang-ayon muli ng mga Liberal.
“Tama siya,” nag-iisip na bulong ng ibang Conservador.
“Hindi ko naisip ‘yon,” bulong din ni Kapitan Basilio.
“Pero, paano ang gagawin ninyo?” tutol pa rin ng isang matanda.
“Madali ‘yan,” tugon ng batang kabisa. “Dala ko po rito ang dalawang komedya na tiyak na maiibigan ng mga maginoo at iginagalang nating katandaan. Lubhang kapuri-puro at nakalilibang ang mga ito. Ang isa’y may pamagat na Ang pagbabalal sa Kapitan. Ang ikalawa’y ang Mariang Makiling, siyam na yugto ang dulang ito at dalawang gabi ipalalabas. Makabago at makabuluhan ang mga palabas na ito saka hindi magastos. Mga karaniwang damit lamang kasi ang kailangan.”
“Sagot ko ang entablado,” masigasig na sabi ni Kapitan Basilio/
“Kung kailangan ang pulis sa drama ay puwede ang mga tuhan ko,” sabi naman ng puno ng pulisya.
“At ako, ako ang lalabas na matanda kung kailangan ninyo!” umaarteng tumayo ang isang Conservador.
Sumang-ayon na ang lahat matapos ang ilan pang diskusyon. Masigla sila maliban sa kapitan na pinagpapawisan at balisa. Hinaplos niya ang noo at nauutal na nagsalita.
“Payag din ako, pero…e …,” kinusot niya ang mga mata bago nagpatuloy, “ngunit iba ang gusto ng kura.”
“Ang kura ba o tayo ang gumagasta para sa pista?” mariing tanong ni Pilosopong Tasyo na nilingon ng lahat.
“Ano naman ang gusto ng Kura?” usisa ni Kapitan Basilio.
“Ang gusto ng kura’y anim na prusisyon, tatlong sermon, tatlong misa mayor. At kung may pera oa ay komedya sa Tondo at musikong pang-intermisyon.”
“Ayaw naming n’yon!” tutol ng kabataan at ng nakararaming Conservador.
“Iyon ang gusto ng kura at nangako akong matutupad iyon.”
“Bakit pa kayo tumawag sa pulong?”
“Para nga sabihin sa inyo.”
“Bakit hindi niyo sinabi agad?”
“Sasabihin ko n asana, ngunit nagsalita si Kapitan Basilio, at hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon….Dapat na masunod ang kura!”
“Dapat masunod ang kura!” ulit ng ilang matatanda.
“Kailangan siyang sundin kung hindi’y ibibilanggo tayong lahat ng alcalde.” Susog ng iba pang matatanda.
“Asikasuhin n’yong mag-isa ang pista,” bulalas ng kabataan habang nagsisitayo. “Babawiin naming ang aming abuloy.”
“Nagbigay na ang lahat ng abuloy,” sabi ng kapitan.
Nilapitan siya ni Don Filipo at buong kapaitang nagwika. “Magsakripiyo kayo para sa isang mabuting bagay. Nakapagsakripisyo na rin lang kayo para sa masama, at nasira ang lahat.”
Samantala’y kinausap ni Ibarra ng guro.
“May ipagbibilin ba kayo sa kapitolyo? Papunta ako doon ngayon.”
“May lalakarin ba kayo doon?”
“Mayroon!” mahiwagang sagot ni Ibarra.