Noli Me Tangere Kabanata 18: Ang mga Nagdurusang Kaluluwa

Talasalitaan
  • plegarya- dalanginan
  • bakol – pagluluto ng manok sa kawayang sisidlan
  • pamindong- kasangkapang panlilim sa ilaw para isangga o ituon ang sinag nitó sa isang partikular na pook
  • katesismo- pagtuturò ng mga paniniwalang Kristiyano
  • dinatnan – matagpuan ang anuman o sinuman pagsapit sa isang pook.
Pangunahing Tauhan sa Kabanata
  • Sisa
  • Padre Salvi
Buod ng Kabanata

Nang makatapos magmisa si Padre Salvi, napansin ng lahat na matamlay siya at inakalang may sakit. Walang imik siyang umakyat sa kumbento. Naraanan niya ang ilang manong at manang na nangag-uunahan sa paghalik sa kanyang kamay ngunit hindi niya pinansin ang mga ito bagkus ay pinagpakitaan ng pagkayamot.

Si Manang Juana ang nagpasimula ng usapan at pagpapalaluan tungkol sa plenarya. Sinansala siya ni Manang Rufa at sinabi nito na isang plenarya lamang ay sapat na upang makahango ng isang kaluluwa sa purgatoryo. Isang manong ang sumali sa usapan at ipinagpalalo ang pagtatapon niya ng indulhensiya na halos natamo niya kahit na natutulog.

Napag-usapan kung sino ang nais ng mga manong at manang na magsermon sa kapistahan ng bayan. Sa gitna ng pagtatalo ay dumating si Sisa na sunung-sunong ang isang bakol. Matapos magbigay galang, tuluy-tuloy nang pumanhik si Sisa sa kumbento.

Kinakabahan si Sisa habang umaakyat ng hagdanan. Iniisip niya kung ano ang sasabihin sa kura upang maipagtanggol ang kanyang anak at mapaglubag ang galit ng pari. Malugod niyang binati ang dinatnang utusan at sakristan ngunit hindi naman siya nito pinansin gayundin ang tagapagluto’y nagpakita sa kanya ng panlalamig. Maingat niyang iniayos sa isang hapag ang kanyang dalang sariwang gulay.

Sisa: Si Crispin ba ay nasa sakristiya? Si Basilio ang nasa amin, ngunit si Crispin ay naiwan dito. Ibig ko sanang makausap ang aking anak.

Matandang babae: Totoo ngang naiwan dito ngunit nagtanan matapos makapagnakaw ng maraming bagay. Iniutos sa akin ng kura na ipagbigay-alam ko sa guwardiya sibil, kaya’t marahil ay naparoon na sa inyo upang hanapin ang mga bata.

Hindi nakapagsalita si Sisa sa narinig.

Matandang babae: Mabuting asawa kayo at masasama ang inyong anak tulad ng kanilang ama. Ang maliit ay magiging masahol pa sa ama.

Napaupo sa isang bangko at humagulgol ng iyak si Sisa sa paratang sa anak. Kinailangang ipagtulakan pa si Sisa bago napababa sa hagdanan. Tinakpan ng pamindong ang mukha at pinigil ang paghikbi. Matuling lumayo na wari’y may nais gawin.

ALAM MO BA?
  • Ang sakristiya ay silid na kalimitang nasa tabi ng sanktuaryo ng simbahan na nagsisilbing taguan ng mga gamit sa misa at silid-bihisan ng mga pari.
  • Ang indulgencia plenaria, sa simbahang Katoliko Romano ay nangangahulugang dasal o sakripisyong nagpababa sa parusang ipinataw sa naghihirap na kaluluwa sa purgatoryo.
  • Ang purgatoryo sa Doktrina Katoliko Romano ay tumutukoy sa pansamantalang kalagayan o pook para sa paglilinis sa mga kasalanang pinagsisihan at pinatawad na ngunit hindi pa pinagdurusahan nang sapat.

MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA

  • Dahil sa katayuan sa buhay ni Sisa tila hindi siya binigyan ng pansin ng mga tao sa loob ng simbahan.
  • Siya ay nakarinig rin ng hindi magagandang salita mula sa mga taong naroon. Dahil sa hindi magandang reputasyon na mayroon ang kanyang asawang si Pedro ay nadadamay siya at ang kanyang mga anak.
  • Para sa isang ina, masakit makarinig ng mga salitang hindi maganda patungkol sa iyong anak. Kaya naman ganito ang naramdaman ni Sisa.
  • Hindi naging matagumpay ang pakay ng pagtungo ni Sisa sa kumbento, hindi n’ya rito naratnan si Crispin. At sa isang ina tunay na mapagmahal, ang mawalay sa anak lalo pa’t musmos ay tila isang sigwa.
  • Ang pamagat ng kabanatang ito ay mga nagdurusang kaluluwa, ito ay maaaring magpakahulugan sa mga taong yumao na at naghihirap sa purgatoryo, maaari rin namang tulad ni Sisa na nagdurusa ang kaluluwa sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal na anak na si Crispin.