MAG-IIKAPITO na ng umaga nang matapos si Padre Salvi ang pangulo at huling misa na patungkol sa mga kaluluwa.
“May sakit yata ang pari,” wika ng mga manang. “Matamlay siya ngayon. Wala ang datin niyang sigla.”
Walang imik na hinubad ng pari ang abito. Lumabas sa sakristiya at umakyat sa kumbento. Naraanan niya sa ibaba ang walong babae na nakaupo at isang lalaking palakad-lakad na naghihintay sa kanya. Sumalubong sila pagkakita sa pari para magmano ngunit hindi iniabot ni Padre Salvi ang kamay.
Gustong alamin ng grupong iyon kung sino sa tatlo kina Padre Damaso, Padre Martin, at coadjutor ang napili ni Padre Salvi para pabigkasin ng sermon sa pistang bayan.
Masayang nagkuwentuhan ang grupo habang hinihintay ang tawag ni Padre Salvi. Pinag-uusapan nila ang mga paraan kung paano sila mag-kakamit ng indulgencia plenaria o kapatawaran sa naghihirap na mga kaluluwa sa purgatoryo.
Nagpaparamihan sila ng nakamit na indulgencia at nagpapalaluan sa isa’t isa kung sino ang higit na may mabisang paraan para magkaroon ng maraming-maraming indulgencia. Para sa mga madasalin noon, isa lamang indulgencia ay katumbasna ng kapatawaran para sa higit pang sanlibong taon ng paghihirap sa purgatoryo . . .
Matagal-tagal na rin silang nag-uusap nang dumating si Sisa na may sunong na bakol. Matapos bumati sa mga manang ay nagtuloy ito sa kumbento.
Malakas ang kaba ni Sisa habang pumapanhik ng hagdan. Iniisip niya kung ano ang dapat niyang sabihin sa pari para maalis ang galit nito at kung paano niya ipagtatanggol ang anak. Hindi pa sumisikat ang araw nang umagang iyon ay namitas na si Sisa ng pinakamagagandang gulay sa kaniyang taniman. Matapos isilid sa bakol ay nilagyan niya pa ng dekorasyong bulaklak. Nanguha rin si Sisa ng mga talbos ng pako na alam niyang hilig ng kura na gawing ensalada. Isinuot niya ang pinakamahusay niyang damit at nanaog na sunong ang bakol. Hindi na niya ginising pa si Basilio.
Marahan ang kanyang mga hakbang habang umaakyat. Tinalasan niya ang pandinig sa pagbabakasakaling maulingan ang tinig ni Crispin.
Nang walang marinig o makitang sino man ay nagtuloy si Sisa sa kusina. Nilinga niya ang palibot. Binati niya ang nakitang mga utusan at mga sakristan ngunit hindi siya pinansin.
“Saan ko ilalagay ang mga gulay na ito?” tanong niya na ipiniagwalang-bahala ang hindi pagpansin sa kanya.
“Kahit saan diyan!” sagot ng kusinero na hindi man lang tinanaw ang dala ng babae. Inaalisan ng balahibo ng kusinero ang isang manok.
Maingat na inilatag ni Sisa sa mesa ang talong, ampalaya, patola, sarsalida, at mga talbos ng pako. Pinatungan niya ng mga bulaklak ang gulay at at pagkatapos ay pangiting nagtanong sa isa sa mga utusan ng inaakalang mas mabuting kausapin kaysa sa kusinero. “Puwede po bang makausap ang pari?”
“May sakit,” mahinang tugon ng utusan.
“Si Crispin po? Nasa sakristiya po ba?”
May pagtatakang sumulyap sa kanya ang utusan.
“Si Crispin?” ulit nito na nakakunot ang noo. “Wala ba sa bahay ninyo? Gusto pa yata ninyong pagtakpan?”
“Si Basilio po ang nasa amin. Pero si Crispin ay naiwan dito!” sagot ni Sisa. “Gusto ko siyang makita . . .”
“Naiwan nga siya rito,” anang utusan. “Pero matapos magnakaw ay tumakas. Pinapunta ako ng kura sa kuwartel para isuplong sa mga guardia civil. Siguro ay nasa bahay na ninyo sila para hulihin ang inyong mga anak.”
Nagtakip ng tenga si Sisa. Ibinuka ang bibig na parang may gustong sabihin ngunit wala isa mang salitang lumabas.
“Wala kayong mapapala sa ganyang klaseng mga anak,” pasumbat na wika ng kusinero. “Mabuti kayong maybahay pero ang mga bata ay sa ama nagmana. Pag-ingatan ninyo ang maliit at baka maging mas masama pa kaysa inyong asawa.”
Pabagsak na napaupo sa bangko ang humahagulgol na si Sisa.
“Huwag kayong manangis dito!” bulyaw ng kusinero. “May sakit ang pari. Doon kayo magpalahaw sa kalye!”
Nanaog ang umiiyak na si Sisa na halos ipagtulakan ng mga naroroon.
Nang nasa kalye na ay nagpalinga-linga, pagkatapos ay matuling lumakad na parang may nabuo nang pasya sa isipan.