Talasalitaan
- Nagtanan – tumakas
- Quien vive – salitang espanyol na ang ibigsabihin ay ” Sino ang nariyan?”
- siyasat –pagtatanong, pagsasaliksik
- sunong– pagdadala ng anumang bagay na ipinatong sa ulo
- uhay- tangkay na kinaroroonan ng mga butil ng palay
- bulo- uri ng kawayan
Pangunahing Tauhan sa Kabanata
- Sisa
- Basilio
Buod ng Kabanata
Nang makita ni Sisa ang dugong umaagos sa noo ni Basilio’y halos napahiyaw si Sisa.
Sisa: Anak ko!
Basilio: Huwag kayong matakot, Inang. Si Crispi’y naiwan sa kumbento. Nagtanan ako sa kumbento, Inang. Nang kaladkarin ng sakristan mayor si Crispin, sinabayan ko ng talilis. Nagpadausdos ako sa lubid mula sa kampanaryo. Ayaw akong paalisin kung di ikasampu ng gabi. Nasalubong ko pagdating sa bayan ang ilang kawal, at nang sigawan ako ng quien vive, ako’y nagtatakbo. Kung ako’y pahuhuli sa kanila, malamang na ako’y paglinisin ng kuwartel at bugbugin pa.
Sisa: Diyos ko! Salamat at iniligtas mo s’ya.
Ipinakiusap ni Basilio na huwag sabihin ng ina ang sanhi ng pagkakasugat niya. Malungkot na isinalaysay ni Basilio sa ina na ang kapatid ay pinagbintangang nagnakaw ng ilang onsang ginto.
Napaiyak ang mag-ina. Inakala niya na ito’y pang-aapi sa kanila dahil sa sila’y dukha. Pagkatapos ng sandaling pananahimik ay inalok kumain ni Sisa ang kanyang anak. Tumangging kumain si Basilio at humingi na lamang ng isang basong tubig.
Sisa: Alam kong ayaw mo ng tuyo. Ipinaghanda kita ng masarap na pagkain, ngunit nang dumating ang iyong ama’y inubos na lahat. Kaawa-awa kong mga anak.
Nang mabatid ni Basilio na dumating ang kanyang ama’y siniyasat ang mukha at kamay ng kanyang ina.
Basilio: Hindi ba mabuting tayong tatlo lamang ang magsama-sama kayo, si Crispin at saka ako? Na
Isang malalim na buntong-hininga ang namulas sa mga labi ni Sisa upang hindi na lumawig ang usapan nila tungkol sa ama. Nanalangin si Basilio at nahigang kasiping ng kanyang ina.
Nanaginip si Basilio na pinapalo si Crispin ng kura ng malaking yantok sa tulong ng sakristan mayor. Nang wala nang magawang paraan si Crispin upang ipagtanggol ang sarili ay sinugod ang kura. Sa gayo’y kumuha ng tungkod ang sakristan mayor at binigyan si Crispin ng isang mariing palo sa ulo na ikinalugmok nito hanggang mawalan ng malay. Umiiyak si Basilio nang gisingin ni Sisa.
Basilio: Ako’y nanaginip, Inang.
Sisa: At ano ang napanaginipan mo? Sabihin mo anak, ako’y hindi makatulog.
Sinabi ni Basilio na napanaginipan niya ang isang bukiring mabulaklak, mga babae at batang may sunong na uhay ng palay, at iba pang hindi niya matandaan. Ipinagtapat niya na hindi na niya ibig pang magsakristan.
Basilio: Paglakas ko’y makikiusap ako kay G. Crisostomo na anak ni Don Rafael na ako lamang ang magpapastol ng kanyang mga baka at kalabaw. Maaaring turuan ni Mang Tasyo si Crispin, hindi ito namamalo. Maaari tayong payagan ni G. Crisostomo na makakuha ng kaunting gatas sa kanyang kalabaw. Gustung-gusto ni Crispin ang gatas. Kung aalagaan kong mabuti ang mga hayop ni G. Crisostomo, marahil ay bibigyan ako ng bulo.
Basilio: Mangunguha ako ng mga bungangkahoy upang ipagbili, at gagawa ako ng mga silo at patibong upang makahuli ng mga ibon, musang, at hihilingin ko sa kanyang pagkatiwalaan ng isang kaputol na lupang mapagtatamnan ko ng mais o tubo. Sa gayo’y hindi kayo mananahi hanggang hatinggabi. Maipadadala natin sa Maynila si Crispin upang mag-aral at ako ang tutustos sa kanyang gugugulin.
Maraming balak si Basilio at sa tagal ng kanilang pag-uusap, ay muling inantok. Napaluha si Sisa dahil sa hindi man lang pagkakabanggit ng anak sa kanyang ama.
Alam Mo Ba?
- Ang guardia civil ay katumbas ng mga pulis noong panahon ng Espanyol.
- Ang romantisismo ay isang pampanitikang pananaw na naglalahad ng pagpapahalaga sa kapangyarihan ng imahinasyon, na maaaring nakatuon sa isang minimithing pangarap. Sa pamamagitan nito ay nakatatakas ang isang indibidwal sa realidad at nagkakaroon ng sariling kalayaan. Tulad na lamang ng mga pangarap ni Basilio.
Mensahe at Implikasyon ng Kabanata
- Sa kabanatang ito si Basilio ay ipinakilala bilang isang mabuting kapatid kay Crispin at mapagmahal na anak sa kanyang inang si Sisa.
- Inilahad rin dito ang sulirining kanilang kinahaharap. Kung saan napagbintangan silang nagnakaw ng 2 onsa sa simbahan.
- Dahil siya ay bata rin wala siyang nagawa upang ipagtanggol ang kanyang kapatid na si Crispin kaya naman naiwan ito sa kumbento.
- Mahihinuha rin sa kabanata na may sama siya ng loob sa kanyang ama sapagkat hindi niya ito nabanggit sa lahat ng plano na nais niya.
- Si Basilio ay maaaring sumimbolo sa mga kabataang katulad n’ya na dahil sa kahirapan at hindi magandang reputasyon ng kanyang magulang ay hindi nabibigyan ng magandang pagtingin.
- Kaya naman sa kasalukuyan mahalaga na hindi madawit ang mga anak sa pagkakamali na nagawa ng kanyang magulang.