Noli Me Tangere Buong Kabanata 17: Si Basilio

HINDI pa halos nakakapasok ay napalugmok na si Basilio sa mga bisig ng ina. Nakadama ng labis na panlalamig si Sisa nang makitang nag-iisa si Basilio. Gusto niyang magsalita ngunit walang mabigkas. Ibig niyang yakapin ng nuong higpit ang anak ngunit wala siyang lakas. Ibig niyang umiyak ngunit walang luhang dumadaloy. 

Gayon man, nang makitang may dugo sa noo ni Basilio ay isang impit na sigaw ang kanyang nabitawan, “Mga anak ko!” 

“Huwag po kayong mag-alala, Nanay!” ani Basilio. “Nasa kumbento po si Crispin.” 

“Sa kumbento? Naiwan sa kumbento? Buhay ba si Crispin?” 

Tumingala si Basilio at tumango. 

Napabuntonghininga ang ina na parang naalisan ng mabigat na dagan ang dibdib. Umiiyak na niyakap at pinupog ng halik ang nagdurugong noo ng anak.  

“Buhay si Crispin! Iniwan mo siya sa kumbento! Pero bakit may dugo ka sa noo? Nahulog ka ba?” 

“Nang kunin ng sacristan mayor si Crispin ay sinasabing hindi ako puwedeng umuwi kundi alas-diyes ng gabi. Tumakas po ako. Sa bayan ay sinita ako ng mga civil at tinanong ng Quien vive? Nagtatakbo ako. Binaril nila ako at nadaplisan sa noo. Natatakot po akong mahuli nila. Paglalampasuhin ako at papaluin sa kuwartel, paris ng ginawa nila kay Pablo na may sakit hanggang ngayon.” 

“Diyos ko! Diyos ko!” pabulong na dalangin ng nanghihilakbot na ina. “Iligtas mo po siya!” 

Naghanap si Sisa ng basahan, kumuha ng tubig, suka, at pakpak ng gansa para gamutin ang sugat ng anak. “Naku! Isang pulgada pa at napatay ka na nila! Napatay nila ag aking anak! Hindi na nakaaalaala sa kanilang mga ina ang mga guardia civil na iyan!” 

“Nanay! Ang sabihin ninyo sa kanila ay nahulog lang ako. Hindi dapat malaman ng sino man na hinabol at binaril ako ng mga civil.” 

“Bakit naiwan sa kumbento si Crispin?” tanong ng ina matapos tapalan ang sugat ni Basilio. 

Saglit na tinitigan ng anak ang ina. Pagkatapos ay niyakap ito at ikinuwento ang tungkol sa binatang kay Crispin. Ngunit sadyang hindi banggitin ang ginawang pagpapahirap sa kapatid. 

“Si Crispin! Ang mabait kong anak!” himutok ni Sisa. “Pinagbibitangan nila si Crispin pagkat tayo’y mahirap . . . at ang mga dukha ay siya nilang pinagtitiis!”  

Unti-unti nang nauubos ang langis sa ilawan. Ilan sandali silang hindi umimik na mag-ina. 

“Kumain ka na ba? Hindi? May kanin tayo at tuyong tawilis.” 

“Wala po akong ganang kumain, Nanay! Inumin nalang po!” 

“Oo, Anak.” Malungkot na salo ng ina. “Alam kong wala kang hilig sa tuyong tawilis. Ipinaghanda ko kayong magkapatid ng masarap na hapunan pero dumating ang tatay n’yo! Kawawang mga anak ko!” 

 
“Dumating ang tatay?” tanong ni Basilio na tutok na tutok ang mga mata sa mukha ng ina. Lalo namang nagsikip ang dibdib ni Sisa sa tanong na iyon.  

“Dumating siya,” dugtong agad ng ina. “Ang sabi, pag nagpakabait daw kayo ay babalik siya at hindi na aalis sa ating piling.” 

“A!” nagngangalit ang mga bagang ni Basilio at tiim ang mga bibig. 

“Anak!” parang nakikiusap ang tinig ng ina. 

“Patawarin ninyo ako, Nanay!” mahinahon na sabi ni Basilio. “Pero hindi ba lalong mabuti kung tayong tatlo na lamang? Kayo, si Crispin, at ako? Umiiyak kayo, Nanay? O, sige . . . ituring na lamang ninyong wala akong sinabi!” 

Napabuntonghininga si Sisa. “Sige, Anak, . . . ayaw mo rin lang kumain ay matulog na tayo. Hatinggabi na.” 

Isinara ni Sisa ang pinto at bintana. Tinabunan ng abo ang baga sa kalan para huwag tuluyang mamatay at saka paluhod na nagdasal. 

Sa tabi ng kanyang ina natulog si Basilio. Nakararamdam siya ng magkahalong lamig at init. Pilit na ipinikit ang mga mata ngunit para pa rin ninyang nakikita ang kapatid na naiwan sa kumbento. Hindi nagtagal at inantok din siya hanggang sa tuluyang makatulog. 

Nanaginip ng masama si Basilio. Nakita niyang nag-uusap ang kura at sacristan mayor sa salitang hindi niya maintindihan. Palinga-linga naman ang luhaang si Crispin. Hinarap ito ng kura at binirahan ng sunod-sunod na palo. Dahil sa sakit ay nanlaban si Crispin. Nanipa. Sumigaw. Nabuwal sa kasasangga ng dumurugong mga kamay. Napasigaw ang kura at nabitiwan ang pamalong yantok. Nakakuha ng baston ang sakristan mayor at pinalo sa ulo ang bata. Nakabulagta na ang sugatang si Crispin ay pinagsisipa pa ng kura. Sigaw nang sigaw at pagulong-gulong si Crispin . . . ! 

Dahil sa pag-ungolay ginising ni Sisa si Basilio. “Binabangungot ka! Iyak ka nang iyak!” wika ng ina. 

“Masama ang panaginip ko, Nanay!” sagot ni Basilio na sinabayan ng balikwas. “Diyos ko! Sabihin ninyo, Nanay, na hindi totoo ito! Na ito’y isang panaginip lamang!” 
“Ano ang napanaginipan mo, Anak? Sabihin mo . . . hindi rin lang ako makatulog!” sunod-sunod na tanong ni Sisa nang makitang nahiga uli ang anak. 

Hindi ipinagtapat ni Basilio kung ano ang kanyang napanaginipan. Sinabi lamang niya na napanaginipan niyang silang mag-ina ay nanggapasan sa bukid. Nakatagpo nila sa bukid ang ilang babae’t lalaking may mga bakol na puno ng uhay ng palay . . . gayon din ang mga bata . . . ang iba pa ay hindi na umano niya natandaan. 

Hindi na nagpilit pang alamin ni Sisa ang iba pagkat ang totoo ay hindi naman siya naniniwala sa panaginip. 

“Nanay . . . may binabalak po ako ngayong gabi,” wika ni Basilio pagkaraan ng ilang sandali. 

“Anong balak?” tanong ni ina. 

“Aalis na po ako sa pagsasakristan, Nanay!” 

“Ano?” 

“Makinig po kayo, Nanay, . . . kararating po lamang ni Crisostomo Ibarra, anak ng nasirang si Don Rafael Ibarra, buhat sa Espanya. Sunduin po ninyo bukas si Crispin. Kunin ninyo ang sahod ko at ipakisabi sa kura na ayoko nang magsakristan. Pag magaling na ako ay makikiusap ako kay Don Crisostomo na gawin akong pastol ng kanilang baka at kalabaw. Si Crispin naman ay makapag-aaral kay Pilosopong Tasyo. Mabait na matanda iyon. Madalas kong nakikitang kung walang tao ay pumapasok siya sa simbahan. Lumuluhod at nagdarasal. Kapag pastol na ako ay sisikapin kong mapamahal ako sa may-ari ng mga hayop. Makahihingi tayo ng gatas, at baka bigyan pa tayo ng guya. Mamimitas ako ng prutas para iregalo kay Don Crisostomo o ipagbili sa iba. Paglaki ko, hihilingin kong bigyan nila ako ng lupang masasaka. Tatamnan ko ng tubo o mais para hindi na kayo napupuyat sa pananahi. Magiging Malaya ako. Araw-araw tayong magkakasalo sa pagkain. Ano po sa palagay ninyo, Nanay?” 

“Siyempre, ano pa ang sasabihin kundi oo!” sagot ni Sisa at niyakap si Basilio. 

Napansin ni Sisa na hindi man lamang nabanggit ni Basilio ang ama sa lahat ng kanyang mga binabalak. Lihim na nagdamdam si Sisa at napaluha. 

At muling nakatulog si Basilio.