Noli Me Tangere Kabanata 14: Baliw o Pilosopo

Talasalitaan:

  • Pilosopo – taong mapanuri sa mga bagay-bagay
  • Nabalo – lalaking namatayan ng asawa
  • Pangamba – pag-aalala
  • Dupikalin – patunugin ang kampana
  • Purgatory – sa doktrinang Katoliko Romano, pansa-mantalang kalagayan o pook para sa paglilinis ng kaluluwa sa pamama-gitan ng pagpurga sa mga kasalanang pinagsisihan at pinatawad na ngunit hindi pa pinagdusahan nang sapat

Mga Pangunahing Tauhan sa Kabanata

  • Don Anastacio o Pilosopong Tasyo
  • Mga Sakristan, Crispin at Basilio
  • Aling Doray

Buod ng Kabanata

Isang matandang lalaki ang malimit makitang palibut-libot sa mga lansangang waring walang tiyak na patutunguhan.

Kilala siya bilang Don Anastacio, na lalong kilala na Pilosopo Tasyo. Sa mga mangmang, siya’y Mang Tasyo o Baliw. Mayaman ang kanyang ina. Siya’y pinag-aral sa Colegio de San Jose. Dahil sa katalinuhan, pinatigil siya ng ina sa pag-aaral sa pangambang makalimot siya sa Diyos.

Pinili niya ang mag-asawa kaysa sundin ang ina na magpari. Di pa man natatapos ang isang taon, nabalo siya at naulila. Itinuon na lamang niya ang sarili sa pagbabasa ng mga aklat hanggang sa mapabayaan niya ang kanyang mga minanang kayamanan.

Nang hapong iyon matatalim kidlat ang gumuguhit langit. Nalimutan na niya ang mahiwagang pagkawala maputing bungo ng kanyang mahal na asawa na itinago niya ilalim ng tuyong damo sa paanan ng krus.

Guro: Tila masaya kayo Don Anastacio? May balak pa yata kayong maligo?

Mang Tasyo: Higit doon ang hinihintay ko kapag gumuguhit ang matatalim na kidlat at kulog na maaaring pumatay ng mga tao at makasunog ng bahay.

Guro: Bakit hindi ninyo hilinging magunaw ang mundo?

Don Anastacio: Makabubuti nga ito sa lahat, sa inyo at sa akin. Iminungkahi ko sa bawat kapitang bumili ng panghuli ng kulog. Ako’y pinagtawanan at sa halip, ay bumili ng bomba, kuwitis at mga paputok at bumayad pa sa pagpapatunog ng mga kampana gayong natuklasan ng marurunong na lubhang mapanganib tugtugin ang kampana kapag may unos.

Nagtungo sa simbahan si Mang Tasyo. Nakita niya ang dalawang sakristan. Ang isa’y magsasampung taong gulang at ang isa’y magwawalo naman.

Mang Tasyo: Sasama ba kayo sa akin? Ipaghahanda kayo nang masarap na hapunan ng inyong ina.

Basilio: Ayaw po kaming paalisin ng sakristan mayor. Pagkatapos daw po ng ikawalo at saka kami makauuwi. Hinihintay rin po namin ang sahod upang may magasta si Ina.

Natungo sa kampanaryo ang magkapatid upang dupikalin ang kampana para sa mga kaluluwa kaya’t nagbilin si Mang Tasyo sa kanila.

Mang Tasyo: Mag-iingat kayo. Huwag kayong lalapit sa kampanaryo kapag kumikidlat.

Lumabas ng simbahan si Tasyo at nagtuloy sa may kabayanan. Nagtuloy siya sa bahay ng mag-asawang Don Filipo Lino at Gng. Teodora Viña. Magiliw na sinalubong siya ng mag-asawa at ikinuwentong nagtungo sa libingan ni Don Rafael si Ibarra. Nagkibit lamang ng balikat ang pilosopo nang may pagwawalang-bahala.

Aling Doray: “Hindi ba ninyo dinaramdam ang mga nangyari?”

Mang Tasyo: Bakit hindi? Isa ako sa anim na taong nakipaglibing. Ako’y hindi kasang-ayon sa pagsasalin ng kabantugan. Kung sakaling iginagalang ko ang ama ay dahil sa karangalang tinamo ng anak at hindi ang anak dahil sa karangalang tinamo ng ama. Ang sinuma’y marapat magtamo ng parusa o gantimpala ukol sa kanyang ginawa at hindi dahil sa ginawa ng iba.

Aling Doray: Nabatid ni Aling Doray na hindi nagpamisa si Mang Tasyo patungkol sa namatay na asawa. Ipinabatid ni G. Filipo na si Mang Tasyo’y hindi naniniwala sa purgatoryo.

Mang Tasyo: Mabuti ang purgatoryo sapagkat naaalala ng mga buhay ang mga patay at nag-uudyok sa mga tao upang mamuhay nang mabuti. Ang tanging nakapagpapasama ay ang mga pagpapakalabis. Ang purgatoryo’y hindi nabanggit ni Moises at ni Hesukristo at wala rin ito sa Bibliya at sa Santong Ebanghelyo. Noong unang panahon, batid ng mga Kristiyanong makakaharap nila ang Diyos. Hindi ko pa alam kung ano ang gagawin sa akin ng Diyos, ngunit ako’y nakahanda sa Kanya anuman ang ihatol. Ako’y hindi makapaniwalang tanging mga Katoliko lamang ang makaliligtas.

Tumindig si Mang Tasyo at maya-maya’y nanaog at tinungo ang lansangan kahit hindi tumitila ang ulan. Matatalim na kidlat at palakas na sigwa ang sumalubong sa kanya.

Alam Mo Ba?
  • Ang pilosopiya ay hango sa dalawang salitang Griyego na philos o “pag-ibig” at sofia na ang kahulugan ay “karunungan.” Kaya naman ang pilosopiya ay pagmamahal sa karunungan. Ito ang pag-aaral ng mga pangunahing prinsipyo at konsepto ng partikular na sangay ng kaalaman.
  • Ang tinyente mayor ay tawag o ranggo ng isang opisyal sa munisipyo noong panahon ng mga Kastila. Ito ang pangalawang pinuno at humahalili sa gobernadorcillo.
Mensahe at Implikasyon ng Kabanata
  • Sa kabanatang ito ay ipanakikilala si Pilosopong Tasyo. Kung saan ang tingin sa kanya ng iba ay isang baliw ang iba naman tinuturing siyang isang pilosopo.
  • Makikita rin sa kabanata na malaki ang pagpapahalaga ni Pilosopong Tasyo sa karunungan. At malalim siyang mag-isip at magbigay ng kanyang mga opinyon sa mga bagay- bagay na kanyang nakikita sa kanyang paligid.
  • Sa kasalukuyan mayroon pa ring mga tao na katulad ni Pilosopong Tasyo na napagbibintangan na isang baliw dahil sa kanilang kakaibang paraan ng pagkilos at pag-iisip.
  • Ganun pa man, hindi nakabubuting gawin ito sa isang tao, na bansagan silang baliw o nasisiraan ng bait dahil sila’y naiiba. Ang kailangan nila ay pagtanggap at pag-unawa sa kanilang mga kakaibang katangian.