Noli Me Tangere Kabanata 11: Ang Makapangyarihan

TALASALITAAN:

  • pangingilin – abstinensya, sa mga bagay na nagdadala ng makamundong kasiyahan.
  • pag-aayuno – hindi pagkain sa itinakdang panahon
  • alkalde mayor – punong-bayan
  • magkapingki – magkalaban
  • humalili – pumalit

PANGUNAHING TAUHAN:

Padre Salvi, Alperes, Donya Consolacion

BUOD NG KABANATA: Ang mga Makapangyarihan

Pinakamayaman man sa bayan ng San Diego si Don Rafael at siya’y iginagalang ng lahat, ngunit hindi siya ang makapangyarihan.

Hindi rin si Kapitan Tiago kahit na madalas siyang ipasalubong sa orkestra kung dumarating. Ang katotohana’y madalas siyang pagtawanan at palihim na tawaging “Sakristang Tiago. Lalong hindi ang kapitan ng bayan sapagkat siya’y hamak na utusan lamang na maaaring kagalitan ng alkalde mayor.

Ang kapangyarihan ng kura sa San Diego’y halos kapareho ng kapangyarihan ng Papa ng Batikano, at ang Alperes ng guwardiya sibil ay sa hari ng Italya. Madalas magkapingki ang dalawang makapangyarihan sapagkat nagpapaligsahan sa taglay na kapangyarihan.

Si Padre Bernardo Salvi ang humalili kay Padre Damaso nang ito’y maalis sa San Diego. Siya ay bata pa, payat, at masasakitin. Hindi siya nananakit gaya ni Padre Damaso. Mahilig siya sa pangingilin at pag-aayuno.

Ang Alperes ay popular din ngunit sawimpalad dahil sa pagkakapag-asawa kay Donya Consolacion. Labis ang pagsisi ng Alperes kaya’t upang maipaghiganti ang kanyang kasawian ay laging naglalasing, pinahihirapan ang mga sundalo sa gitna ng matinding init ng araw, at sa tuwina ay binubugbog ang asawa.

Kapag namataaan ni Padre Salvi na pumasok ng simbahan ang Alperes ay palihim niyang inuutos sa sakristang isara ang pinto ng simbahan upang walang makalabas at sisimulan ang mahabang sermon. Upang makaganti sa kura, ipahuhuli naman ng Alperes ang alife o sakristan.

Ngunit kahit na ganito ang tunay na palagayan ng kura at ng Alperes, sila ay nagkakamayan at magalang na nag- uusap sa tuwing sila ay nagkikita.

Samantala, si Donya Consolacion ay nagkakaroon lamang ng pagkakataong makapanungaw sa bintana kung natutulog nang mahimbing ang Alperes sa labis na pagkalasing o pagkapagod kung tanghali. Patutungo siya sa durungawan nang nakapranelang bughaw at may sumpal na tabako sa bibig. Panlilisikan niya ng mga mata ang kinaiinisang kabataan at kukutyain ang mga nagdaraang dalaga na di alintana ang sariling mukha.

Alam mo ba?

  • Ang kasiki na tinatawag ding cacique ay mga kinikilalang matataas at makapangyarihang taong nagmamay-ari ng malalawak na lupain.
  • Ang Alperes ang pinuno ng pulisya ng isang bayan noong panahon ng Espanyol. Ang kanyang posisyon ay katumbas ng pangalawang tenyente at mas mataas kaysa sarhento.

Mensahe at Implikasyon ng Kabanata 11

  • Sa kabanatang ito ipinakilala ang mga makapangyarihang mga tao sa San Diego.
  • Atin ring natuklasan na ang alperes at ang kura ng simbahan ay hindi madlas na magkasundo dahil na rin sa pag-aagawan ng kapangyarihan. Kaya naman ito ang dahilan kung bakit silang dalawa ang itinuturing na pinakamakapangyarihan.
  • Marahil ay hindi sila pareho ng pananaw sa pamamalakad ng lipunang kanilang nasasakupan.
  • Ito na rin ang dahilan kung bakit malinaw na isinasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas taong 1987 Artikulo II, Seksyon 6 ” Na hindi dapat labagin ang pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado.” Sapagkat ang dalawang ito ay may tiyak na magkaibang gampanin sa bansa.