Noli Me Tangere: Elias at Salome

TALASALITAAN

  • Gayak – ayos, bihis
  • Malagim – nakakatakot na pangyayari
  • Sasa – dampa, kubo
  • Maikubli – magtago
  • Heroglipiko – isang paraan ng sinauang pagsulat sa Ehipto

PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA

  • Elias
  • Salome

BUOD NG KABANATA

Matutunghayan sa bahaging ito ng akda ang kuwento ng pag-ibig ni Elias. Matatandaang maagang umalis si Elias sa lugar na pinagdalhan niya kina Ibarra. Siya ay agad na tumuloy sa isang kubong pag-aari ng babaeng itinatangi ng kanyang puso- walang iba kundi si Salome.

Isang simpleng babae si Salome. Sa unang tingin ay hindi agad mapapansin ang kanyang angking kagandahan sapagkat wala siyang anumang gayak o alahas sa katawan maliban sa kanyang rosaryong itim na nakasabit sa kanyang leeg at suklay na yari sa talukap ng pagong.

Masayang-masaya ang dalaga sa pagdating ni Elias. Para sa kanya, ang hapon ang pinakamagandang bahagi ng kanyang araw sapagkat ito ang sandaling makakapiling niya si Elias. Magkaibigan man ang kanilang turingan sa isa’t isa ay madaramang may malalim na pag-iibigan sa kanilang dalawa.

Napansin ni Elias na umiyak ang dalaga. Ito ay sa dahilang malapit na niyang lisanin ang lugar na kanyang kinalakihan dahil hindi raw mabuti sa kanya ang manirahang mag-isa sa kubo. Naantig ang damdamin ng binata nang mabatid niya ito.

Ipinagtapat niya sa dalagang kung hindi lamang dahil sa kanyang naging malagim na karanasan at sa kanyang kalagayan sa kasalukuyan ay matagal na niyang pinakasalan ang dalaga. Naghari sa puso ni Elias na pahalagahan ang kanyang prinsipyo at ipagpatuloy ang kanyang misyon kung kaya pinayuhan niya si Salomeng pumunta sa Mindoro upang maghanap ng mapapangasawang tunay na karapat-dapat para sa kanya.

ALAM MO BA?

  • Ang kabanatang ito ay hindi talaga kabilang sa kabuoan ng nobela ni Rizal. Ayon sa tala , ang mga pahinang kinasusulatan ng kabanatang ito ay kasama sa manuskripto ng buong nobela ngunit ito ay mapapansin na sa sariling sulat kamay lamang ni Rizal.
  • Wala ring nakalagay na bilang sa tabi ng kabanata. Kung lilimiin ang nilalaman nito ay makikitang ito ay karugtong ng Kabanata 24 (Sa Gubat). Mababasa sa kabanata ang wagas na pagmamahalan ni Elias at Salome.

MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA

  • Hindi pangkaraniwan ang namagitang pag-iibigan kina Elias at Salome. Mahal na mahal nila ang isa’t isa ngunit dahil sa isang prinsipyo at isang misyong dapat taugunan ay nagawang isakripisyo ni Elias ang pag-ibig niya para sa dalaga.
  • Hindi man sila nagkatuluyan ngunit sa puso ni Elias naniniwala siyang higit na magiging maganda ang kinabukasan ng dalaga.
  • Patunay lamang ito na ang isang tunay na pag-ibig ay handang magtiis alang-alang sa kapakanan at kabutihan ng taong iyong minamahal.
  • Si Elias sa nobela ni Rizal ay larawan ng isang Pilipinong handang isakripisyo ang pansariling kaligayahan alang-alang sa kanyang prinsipyong pinaghahawakan.