Noli Me Tangere Buong Kabanata: Elias at Salome

NATAGPUAN sana ng mga guardia civil ang hinahanap nila kung nagtuloy lamang sila bago lumubog ang araw sa kubo sa tabi na batis.  

Nasa gitna iyong ng kawayanan at mga puno ng sasa. Ang dingding ng kubo ay pawid at kawayan na may dekorasyong palaspas at artipisyal na bulaklak mula sa Tsina. Isang sangang hitik sa Ilang-ilang ang pumapasok sa bukás na bintana at nagsasabog ng bango sa kubo. May mga manok na palakad-lakad sa bubong at mayroon din namang nakikipag-agawan sa pato,pabo, at kalapati sa mga butil ng bigas at mais sa lupa.  

Isang batambatang dalaga ang makikitang nananahi ng makulay na blusa sa balkonaheng kawayan. Simple ang kanyang suot ngunit maganda at malinis. Wala siyang ano mang alahas sa katawan, maliban sa rosaryong itim na nakasabit sa leeg at suklay na yari sa talukap ng pagong.  

Kaakit-akit siya sapagkat bata,mapungay ang mata,maganda ang ilong at makipot ang bibig. Masigla ang kanyang mukha. Sa unang tingin ay hindi masasabing maganda. . . tulad ng isang ligaw na bulaklak na di pinapansin at tinatapak-tapakan lamang. Ngunit ang kanyang kagandahan ay mapapansin lamang kung tititigang siyang mabuti. 

Paminsan-minsan ay tumatanaw siya sa batis. Titigil ng pananahi at tatalasan ang pandinig ngunit  pagkatapos at muling babalik sa pananahi na nagbubuntung-hininga. 

Nang may marinig siyang nga yabag ay biglang nagliwanag ang kanyang mukha. Binitawan ang tinatahi at tumayo. Inayos ang damit at nakangiting naghintay sa tabi ng hagdan.  

Nagliparan ang mga kalapati at nagsihuni ang mga pato nang sumulpot ang isang lalaking may pasang mga panggatong at isang buwig ng saging. Inilapag iyon sa sahig at iniabot sa dalaga ang isang bangus na pumapasag pa.  

Nakatitig ang dalaga sa lalaki habang inilagagay sa palangganang punô ng tubig ang isda. Pagkatapos ay naupo sa tabi ng walang kibong si Elias ay nagpatuloy sa pananahi.  

“Akala ko’y sa batis ka magdaraan,” pagbubukas ng usapan ng dalaga 

“Hindi maaari, Salome,” mahinang tugon ni Elias  

“May patrulya roon ang mga guardia civil! May makakakita roon sa akin.” 

“Diyos ko!” pabuntung-hiningang sambit ni Salome. 

Matagal-tagal silang hindi nag-imikan habang patuloy  naman sa pagaspas ang mga dahon ng kawayan. 

“Nasiyahan kabang mabuti?” tanong ng dalaga. 

“Sila lamang! Nasiyahan silang mabuti.” 

“Ikwento mo nga ang nangyari. Para na rin akong nakasama sa iyo.” 

“Namangka sila. . .nangisda. . . nagkantahan at. . .” parang malayo ang iniisip ni Elias. 

Hindi na napigil ni Salome ang kanyang sarili. Tinitigan niyang mabuti ang binata. 

“Elias parang malungkot ka.” 

Lumuha si Salome. “Alam ko! Malungkot ang buhay mo. Nangangamba ka na baka mahuli ka nila?” 

Bahagyang napangiti si Elias. 

“May kailangan ka ba?” patuloy ng babae. 

“Kaibigan na kita, hindi ba?” patanong na sagot ng lalake. “At kapwa tayo mahirap.” 

“Kung gayon ay anong nangyayari sa iyo?” 

“Madalas mong sabihin sa akin,Salome,na hindi ako palakibo.” 

Yumuko ang dalaga at nagpatuloy sa pananahi. Pagkatapos ay muling nagtanong na pilit ipinapahalata sa tinig ang pagtatampo.  

“Marami ba kayo?” 

“Marami sila.” 

“Maraming mga babae?” 

“Marami.” 

“Sino-sino ang. . .mga dalaga. . .ang magaganda?” 

“Hindi ko sila kilalang lahat. May isang. . .’yong nobya ng mayamang binata na kararating lamang mula sa Europa,” ani ni Elias.  

“A… alam kona. ‘Yong anak ng mayamang si Kapitan Tiyago? Balitang-balita ang kanyang ganda!” 

“Talagang maganda! Napakaganda,” sagot naman ni Elias at huminga ng malalim. 

Saglit siyang sinulyapan ni Salome bago muling yumuko. 

Kung hindi lamang abala si Elias sa pagtingin sa iba’t-ibang hugis ng ulap ay napansin sana niyang umiiyak si Salome, pati ang dalawang patak ng luhang tumulo sa tinatahi. Tumayo si Elias.  

“Paalam na, Salome. Gabi na, at sabi mo nga ay hindi magandang makita ng mga kapit-bahay na inaabot ako ng gabi rito. Ngunit. . .umiiyak ka! Hindi mo maikukubli ‘yan sa mga ngiti! Umiiyak ka, Salome!” 

“Ha? A… e… oo!” nakangiti ngunit may luhang wika ng dalaga. “Nalulungkot din kase ako, e!” 

“At bakit ka naman nalulungkot?” 

“Sapagkat hindi magtatagal at iiwan ko na ang pook na itong aking sinilangan at nilakhan,” tugon ng dalagang nagpapahid ng luha. 

“Ngunit bakit?” 

“Hindi tamang mamuhay ako nang nagiisa. Titira ako sa aking mga kamag-anak sa Mindoro. Malapit ko nang mabayaran ang mga utang na iniwan ng namatay kong ina. Malapit na rin ang pista at matataba na ang aking mga manok at pabo. Ngunit sa pag-alis ko sa bahay na ito ay para ko na ring naiwan ang kalahati ng aking sariling katauhan. . . ang mga bulaklak, ang halamanan, ang mga kalapati! Ang susunod na unos,  

baha. . .at maaanod sa batis ang aking bahay!” 

Natinag ang damdamin ni Elias. Hinawakan sa kamay si Salome, tinitigan sa mga mata, at saka nagtanong. 

“May narinig ka na bang nagsabi ng masama laban sa iyo?Wala? Tinangka ko bang pagsamantalahan ka? Alam mong hindi. Samakatwid. . .maaaring sawa ka na sa pakikipagkaibigan sa akin kaya gusto mo na akong iwan. . . ”  

“Huwag kang magsalita ng ganyan! Kung magagawa ko nga lamang bang magsawa ng pakikipagkaibigan sa iyo!” putol ng dalaga. “Hesus, Maria! Araw at gabi ay wala akong naisip kundi ang oras ng pagdating mo sa hapon. Alam mo, bago pa kita nakilalal, noong buhay pa ang aking ina, ipinalalagay kong ang umaga at gabi ang pinakamabuting nagawa ng Diyos. Mahal ko ang umaga sapagkat sumisikat ang araw at nagpapakinang sa tubig ng batis na kinagagalakan ng aking ama. Ikinasasaya kong makitang nananariwa ang aking mga bulaklak, ang mga dahon na nilanta ng maghapon. Parang binabati ako nga magandang umaga ng mga kalapati at manok ko. . . Sasakay ako sa aking munting bangaka matapos maglinis ng bahay upang magtinda ng tanghalian sa mga mangigisda, at bibigyan nila ako ng kanilang huli. Mahal ko rin naman ang gabi sapagkat nakapapamahinga ako mula sa maghapong gawain at tahimik na makapangangarap sa lihim ng kawayanang ito. . . sa musika ng kanilang mga dahon ay nalilimot ko ang katotohanan. Mahal ko ang gabi sapagkat ibinabalik niya sa akin ang aking ina na maghapong nasa sugalan. Ngunit buhat ng makilala kita ay nawala na ang pang-akit sa akin ng umaga at gabi. Ang hapon na lamang ang naging maganda para sa akin. Kung minsan, iniisip ko lamang ang umaga upang paghandaan ang pagsapit ng maligayang hapon, at ang gabi naman ay para pangarapin at ikasaya ang alaala ng damdaming hindi ko dating nadarama. Kung magiging ganito na lamang sanang palagi. Alam ng Diyos na maligaya ako sa aking kalagayang ito. Wala na akong ibang nanaisin pa. Hindi ko kinaiingitan ang mayayamang dalaga, ngunit. . .” 

“Ngunit ano?” 

“Wala! Hindi ko sila kinaiingitan habang nasa akin ang pakikipagkaibigan mo!” 

“Salome,” mapait na tugon ni Elias. “Alam mo naman ang malupit kong nakaraan at alam mo ring hindi ko kasalanan ang aking mga kasawiang ito. Kung hindi lamang sa malagim na pangyayaring nagiging sanhi para sisihin ko ang pag-iibigan ng aking ama’t ina. . . kung hindi lamang sapagkat ayokong danasin ng aking magiging mga anak ang dinanas naming magkapatid at patuloy kong dinaranas ngayon, sana’y asawa na kita sa mata ng Diyos may ilang buwan na ang nakaraan. . .at maninirahan tayo sa pusod ng gubat na malayo sa sangkatauhan. Ngunit dahil na rin sa pag-ibig kong ito sa iyo at sa ating magiging anak kaya’t isinumpa kong magwawakas sa akin ang masamang kapalaran ito. Tama ang pasiya mong manirahan sa iyong mga kamag-anak. Limutin mo ako. Limutin mo ang pag-ibig na hibang at walang halaga. Marahil, doon ay makatatagpo ka ng karapat-dapat sa iyo.” 

“Elias!” pahikbing wika ni Salome. 

“Unawain mo ako! Kung buháy ang kapatid kong babae ay sasabihin ko rin sa kanya ang sinabi kong ito sa iyo. Wala akong hinanakit sa iyo. . .ni masamang iniisip. Bakit kita paghihinakitan? Paniwalaan mo ako. Magtungo ka sa kamag-anak mo. Limutin mo ako. Wala kang kasama rito kundi ako. Kung mahuli nila ako ag mapag-iisa ka. . . at kung malaman pa nilang kaibigan ka ni Elias ay mapag-iisa ka sa habang panahon. Samantalahin mo ang iyong kabataan at kagandahan. Mag-asawa ka sa iba. Wala ka pang karanasan sa pamumuhay ng mag-isa.” 

“Sana ay sumama ka sa akin.” 

“Iyan ay imposible,” iiling-iling na wika ni Elias. “Lalo na ngayon. Hindi ko pa nakikita ang hinahanap ko. Imposible. At ngayon ay nawalan ako ng kalayaan.”  

Ikinuwento ni Elias ang nangyari nang umagang iyon. 

“Hindi ko hiniling sa kanyang iligtas niya ang buhay ko; ipinagpapasalamat ko ang ginawa niya sa akin; ngunit tumatanaw ako ng utang na loob sa diwang nag-udyok sa kanya para gawin iyon at kailangan kong magbayad. Sa Mindoro at sa iba pang lugar ay mananatili ang nakaraan at tiyak na matutuklasan.”  

“Kung gayon,” may pag-aalalang wika ni Salome, “pag-alis ko ay dito kana tumira. Ang kubong ito ang magpapagunita sa iyo tungkol sa akin. Hindi pa ako mag-aalala na tangayin ito ng hangin o alon. At kung iisipin ko ang pook na ito, ang alaala mo at alaala ng tahanan ko ay magiging isa. Dito ka matulog. . .sa tinulugan ko at pinangarapan. Sa gayon ay para na ring kasama mo ako. . .katabi . . . ” 

“O!” bulalas ni Elias na halos mamilipit ang mga bisig. “Tinuturuan mo akong makalimot.” Kumislap ang kanyang mga mata ngunit saglit lamang. Kumawala sa pagkakahawak ng babae at mabilis na umalis, hanggang sa makubli sa gubat. 

Inihatid siya ng mga tingin si Salome na walang kakilos-kilos sa pag-ulinig sa mga hakbang at yabag na papalayo