TALASALITAAN
- Indio – Dáting tawag ng mga Español sa mga katutubong Pilipino noong panahon ng kanilang pananakop sa Pilipinas.
- Nakadungaw – Pagtingin sa labas o pagpapakita ng sarili mula sa bintana, barandilya o anumang katulad nitó, ngunit ang gawing itaas lámang ng katawan ang nakikita o nakalabas.
- Musa – Babaeng karaniwan ay may angking kagandahan na nahirang o nahalal na patnubay ng isang kapisanan.
- Gipit – Wala nang magawang paraan upang malunasan ang kinasusuungan.
- Nanunukat ang tingin – nanunuri, minamasdan mula ulo hanggang paa
MGA PANGUNAHING TAUHAN NG KABANATA
- Don Tiburcio
- Donya Victorina
- Alperes
- Donya Consolacion
- Padre Salvi
- Kapitan Tiyago
- Maria Clara
- Linares
BUOD NG KABANATA 47: Ang Dalawang Donya
Habang maingay sa sabungan ang mag-asawang Donya Victorina at Don Tiburcio ay namasyal upang makita ang pamamahay ng mga indio.
Hindi nagustuhan ng Donya ang ‘di paggalang sa kanya ng mga dumadaan kung kaya’t inutusan ang asawang mamalo sa mga ito. ‘Di ito sinunod ni Don Tiburcio at dinahilan nito ang kanyang kapansanan.
Napatapat sila sa bahay ng opisyal. Tulad ng dati ay nakadungaw si Donya Consolacion. Nakapranela at nananabako. May kababaan ang bahay. Nagkatitigan sila. Walang kakurap-kurap si Donya Victorina. Si Donya Consolacion naman, ang musa ng guardia civil, ay nanunukat ang tingin. Pinagmasdan mula ulo hanggang paa ang nasa ibaba. Lumabi at pagkatapos ay ngumiwi at dumura. Nagsiklab si Donya Victorina. Bumitiw sa inaalalayang pilay na asawa at sinugod ang tapat ng bintana. Nangangatal sa galit na hindi makapagsalita. Nilingon siya ni Donya Consolacion at saka dumurang muli na parang nanghahamon. Nagkasakitan at nag-away ang dalawang Donya at pilit na dinadamay ang kanilang mga asawa.
Kinuha ni Donya Consolacion ang latigo at akmang tatamaan si Donya Victorina ngunit hinarang na ito ng kanilang mga asawa.
Dahil sa kaganapan ay nabulahaw ang taong bayan at dumating na rin ang kura. Dahil sa init ng away ay nasabihan ito ng mapagbanal-banalang Carliston.
Di sinunod ni Don Tiburcio ang utos ng kanyang asawa na hamunin ng barilan ang alperes dahilan ng pananakit na naman nito sa kanya.
Ilang sandali lang ay nakarating sa bahay ni Kapitan Tiyago ang mag-asawang de Espadaña.
Di pa natapos dito si Donya Victorina at inutusan niya si Linares na hamunin ang alperes at kung hindi ay lalabas ang tunay niyang katauhan.
Hindi malaman ni Linares ang gagawin kaya humihingi na lamang ng paumanhin sa Donya at sabay naman sa pagdating ng Kapitan.
Agad sinalubong ito ng Donya. Sinabi nito ang nangyari at pinahiya si Linares dito. Sinabi nito na ‘di bagay si Maria Clara sa isang duwag.
Dahil sa mga narinig mula sa Donya ay nagpahatid na sa silid si Maria Clara. Dala ang ilang libong piso na salaping bayad ni Kapitan Tiyago sa panggagamot ni Don Tiburcio kay Maria Clara ay umalis na ang mag-asawang de Espadaña.
Samantala, si Linares ay hindi matahimik sa gipit nitong sitwasyon.
ALAM MO BA?
- Ipinakikita sa panahon ng Espanyol na inaasahan ng mga babaeng ipagtatanggol sila ng kalalakihan. Saan ba matutunton ang tradisyong ito? Nang panahong ang mga barbaro naglunsad ng pagsalakay at mga pandarambong sa mga estadong pamayanan (city states) sa Europa, nakaranas ng mga pagdukot, pang-aalipin, at panggagahasa ang kababaihan.
- Lubhang humiwa nang malalim sa budhi ng tao ang ganitong pagtampalasan ng tao sa kanyang kapwa kaya nagkaroon ng baligtad na reaksyon ang panitikan sa Europa.
- Isinilang ng mga akda sa Inglatera ang mga tauhang mabubuting babae at lalaki. Pangunahin dito si Sir Thomas Malory, sa kanyang Morte Darthur (Death of Arthur), isang kalipunan ng romantikong mga alamat na sinulat at tinapos niya sa bilangguan sa ikasiyam na taon (1469-1470) ng pamumuno ni Haring Edward ng Inglatera (1469-1470).
- Naglingkod si Sir Malory noong kabataan niya kay Richard Beauchamp, Earl ng Warwick (isa sa limang ranggo ng mahaharlika sa lipunan ng Inglatera noon) na itinulad sa Kabalyero ni Geoffrey Chaucer (1340-1400) sa mga salaysay nitong ang Ama ng Pagkamagalang. Kilala si Sir Malory sa kanyang pagkatha kay Haring Arthur at ang maginoo nitong mga kabalyero na gumalang sa kababaihan.
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA
- Kung sa na unang kabanata ay nagpakita ng isang sabong ang kabanatang ito ay tila isang sabong rin ng dalawang Donya na nagpapataasan ng kanilang sarili. Kilala ang dalawang donyang ito sa pagiging mapagpanggap at pagtakwil sa kanilang pagka-Pilipino.
- Nakakalungkot lamangdahil hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pa ring tulad nila na pipiliing itakwil ang kanilang sariling pagkakakilanlan magkaroon lamang ng posisyon at titulo sa lipunang kanilang kinalalagyan.
- Dahil sa pagtatalong ginawa ng dalawang donya maging ang mga taong walang kinalaman dito ay nadamay tulad na lamang ni Linares.
- Mayroong mga tao na kapag naging kaaway mo ay tila magiging kaaway mo na rin ang mga taong malalapit sa kanya.
- Mas mainam na kung may hindi pagkakaunawaan ay ayusin lamang ito sa masinsinang pag-uusap upang wala ng mga taong madamay pa.
SIPI NG NOLI ME TANGERE BUONG KABANATA 47: ANG DALAWANG DONYA