HABANG isinasabong ni Kapitan Tiago ang kanyang lasak, si Donya Victorina naman ay namamasyal sa kabayanan upang personal na makita kung paano pinangangalagaan ng mga tamad na Indio ang kanilang bahay at lupang sakahan. Magara ang kanyang bihis. May mga laso pa at palamuting artipisyal na bulaklak ang kanyang suot na damit upang pasikatan ang mga probinsyanong ito at ipakotaa kung paano kababa ang kanilang pagkatao kung ihahambing sa kanya. Nakahawak pa siya sa kamay ng kanyang pilay na asawa habang tila paboreal na naglalakad sa lansangan ay pinagtitinginan ng humahangang mga mamamayan. Nasa hulihan nila si Pinsang Linares.
“Napakapangit naman ng mga bahay ng Indiong ito,”bulalas ni Donya Victorinang nakalabi. “Paano kaya sila nakapaninirahan dito? A, kailangang maging Indio ka nga muna bago mo magawa ang gayon. At ang sasama ng kanilang ugali, puro mayayabang! Nasalubong na tayo ay hindi man lang nag-alis ng sumbrero. Sige nga, pukpukin mo sa sumbrero na tulad ng ginagawa ng mga pari at opisyal ng guardia civil! Turuan mo ng urbanidad!”
“Paano kung pukpukin din nila ako?” tanong ni Dr. de Espadaña.
“Bakit, hindi ka ba lalaki?”
“Pe-pero… pilay ako!”
Yamot na si Donya Victorino. Lubak-lubak ang kalye ar punong-puno na ng alikabok ang laylayan ng kanyang damit. Bukod dito, ang maraming dalagang nakasalubong nila ay hindi man lamang nagpahalata ng paghanga sa suot niyang magarang damit. At nagkaroon pa ng lakas ng loob na sigawan siya ng kutsero ng karwaheng sinasakyan ni Sinang at ng pinsan nito para patabihin at hindi masagasaan.
“Tingnan mo ang bastos ng kutserong iyon! Isusumbong ko siya sa amo niya para maturuan ng leksiyon!” Pagkatapos ay hinarap ng babae ang asawa. “Tayo nang umuwi!”
Dahil sa takot na siya ang harapin ni Donya Victorina ay bahag ang buntot na sumunod ang lalaki.
Nasalubong nila ang tenyente at nagbatian sila. Ngunit ito ay lalo lamang nagpasiklab sa galit ni Donya Victorina. Bukod sa hindi nabati nang may paghanga ang suot niyang damit ay parang nang-iinsulto pa ang tingin ng opisyal.
“Hindi ka dapar nakipagkamay sa isang tenyente lamang,” sabi ng babae sa asawa nang malayo-layo na sila. “At saka medyo tinikwas lamang niya ang kanyang helmet samantalang ikaw naman ay nanghubad na ng sumbrero. Wala kang kaalam-alam sa protocol!”
“Pe-pero siya ang komandante rito!”
“E, ano? Bakit, tayo ba ay mga Indio?”
“Palagay ko’y tama ka nga,” pag-amin ng lalaki para maiwasan na lamang ang away.
Napatapat sila sa bahay ng opisyan. Tulad ng dati ay nakadungaw si Donya Consolacion. Nakapranela at nananabako. May kababaan ang bahay. Nagkatitigan sila. Walang kakurap-kurap si Donya Victorina. Si Donya Consolacion naman, ang musa ng guardia civil, ay nanunukat ang tingin. Pinagmasdan mula ulo hanggang paa ang nasa ibaba. Lumabi at pagkatapos ay umingos at dumura. Nagsiklab si Donya Victorina. Bumitiw sa inaalalayang pilay na asawa at sinugod ang tapat ng bintana. Nanvangatal sa galit na hindi makapagsalita. Nilingon siya ni Donya Consolacion at saka dumurang muli na parang nanghahamon.
“Bakit, Donya?” tanong niya. “Ano’ng nangyari sa iyo?”
“Puwede ang ipaliwanag ninyo, Senyora, kung bakit ganiyan ang tingin ninyo?” wika ni Donya Victorina. “Naiingit ba kayo?”
“Ako? Naiingit? At sa iyo?” palibak na tugong patanong din ni Donya Consolacion. “A, oo… naiingit ako sa kulot mo?”
“Tayo na, iha…,” wika naman ng doktor. “Huwag mo na siyang pansinin!”
“Bayaan mong turuan ko ng leksiyon ang hampaslupang walanghiyang ito,” galit na galit na wika ni Donya Victorina sabay tulak sa lalaki na muntik nang mapasubson. Pagkayapos ay hinarap si Donya Consolacion at binantaan:
“Kilalanin mo munang mabuti kungsino ang kausap mo! Baka akala mo ay kung sino lang akong probinsyana o babaeng kaladkarin ng mga sundalo! Sa bahay namin sa Maynila, pagtenyente lang ay hindi nakakapasok. Pinaghihitay lang namin sa pinto!”
“Aba, ipagpaumanhin ninyo, Senyora Punyeta! Maaaring hindi nga nakapapasok sa bahay ninyo ang mga tenyente, pero puwede ang mga pilantod na tulad niya!” At itinuro ang pilay na doktor saka sinabayan ng malakas na halakhak.
Susugod sanang paaakyat si Donya Victorina ngunit nahadlangan siya ng mga bantay na sundalo. Samantala ay kumakapal na ang bilang ng mga nag-uusyosong mga tao sa kalye.
“Pakinggan mo ako! Akong mataas at marangal na tao ay mapagpapakababang makipag-usap sa iyo! Gusto mo bang labhan ang mga damit ko? Babayaran kita! Akala mo yata ay hindi ko alam na isa ka lamang labandera!”
Gimbal sa galit napatayo si Donya Consolacion. Lubha siyang nasaktan nang mabanggit ang salitang labandera!
”At sa palagay mo kaya naman ay hindi namin alam kung akong klaseng tao ka at ang mga kasama mo? Bistado ka na! Ipinagtapat na sa akin ng asawa ko. Senyora… iisa lamang ang lalaki sa buhay ko. Pero ikaw, ilan? Maraming lalaking dahil sa gutom ay kakainin ang tira-tirahan ng lahat! Pwe!”
Sapol na sapol si Donya Victorina sa patutsadang iyon ni Donya Consolacion. Naglilis siya nv manggas, idinakot ang kamao, at nagngangalit ang mga ngiping sumigaw:
“Baboy! Bumaba ka rito at dudurugin ko ang marumi mong bunganga! At ikaw, hindi ba isang batalyong sundalo ang kasiping mo sa pagtulog? Nang ipanganak ka ay puta ka na!”
Biglang nawala sa bintana si Donya Consolacion. Walang ano-ano ay humahangos na pababa sa hagdan na hawak ang latigo ng asawa.
May luhang namagitan si Don Tiburcio. Gayon may ay nagpang-abot din sana ang dalawang babae kung hindu dumating ang tenyente.
“Mga ginang! Don Tiburcio!”
“Dapat mong turuan ang asawa mo. Ibili mo siya ng magagandang damit! Kung wala kayong salapi, magnakaw kayo sa nga tao yamang may mga sundalo kayo!” sigaw ni Donya Victorina.
“Narito na ako sa ibaba, Senyora. Bakit ayaw mo pang durugin ang bunganga? Panay daldal lang pala ang kaya mo, Senyora Punyeta!”
“Ginang!” Sigaw ng galit na galit nang tenyente. “Pasalamat ka’t nagugunita ko pang isa kang babae. Kung hindi ay baka natadyaksn na kita!”
“Te-ten-yente!”
“Tama na! Doktor na pilantod! Magsalawal ka muna!”
Halos hindi mapinta o maisatitik ang mga alimura at tungayawan ng apat. Nabisto ang mga itinatagong lihim. Insultuhan, sigawan. Nabunyag ang katotohang kay-tagal na nalingid. Ang ikinukubling baho ng isa’t isa. Walang naiintindihan ang mga nakikinig sa mga pinagsasabi ng apat ngunit nasisiyahan sila sa panonood. Sa kasawiang-palad ay dumating ang kura paroko at siyang namagitan sa awayan.
“Mga ginoo… mga ginang! Mahiya kayo! Tenyente!”
“Huwag kang makialam dito, santo-santitong pari!” anang tenyente.
“Don Tiburcio, utang na loob… iuwi mo na’ng asawa mo! Mga ginang, magsitigil na kayo!”
Sa mga magnanakaw na iyon mo iparangal ang ganyan!” wika ni Donya Victorina.
Ngunit sa wakas ay naubusan na rin ng mga tungayaw at alimura ang apat kaya’t napilitang magsitigil. Palipat-lipat si Padre Salvi sa magkabilang panig. Kung may reporter lamang sana noon!
“Babalik tayo sa Maynila at sasangguniin natin ang gobernador-heneral,” wika ni Donya Victorina sa asawa. “Hindi ka lalaki! Sinasayang mo lamang ang pantalon mo!”
“Pe… pe… pero iha, pa… paano ang mga s… s… sundalo? Pilay pa ako!”
“Dapat kong hinamon ng duwelo ang tenyente. Barilan … Eskrima… o kaya ay …” at tingnan ng babae ang pustiso ng asawa.
“I… i… iha! Kailan may ay hindi ako nakahawak ng bar… bar…!”
Hindi na pinayagan ni Donya Victorinang matapos ang sasabihin ng lalaki. Mabilis na sinunggaban ang pustiso sa bibig nito. Inihagis sa kalye at pagkatapos ay tinadyakan hanggang sa madurog. Mangiyak-ngitak ang doktor at nagpupuyos naman sa galit ang babae nang dumating sila sa bahay ni Kapitan Tiago. Dinatnan nilang nakikipag-usap si Linares kina Sinang, Maria Clara, at Victoria at walang kaalam-alam sa nangyaring away. Ni hindi ipagtaka ni Linares ang pagdating ng kanyang pinsan. Si Maria Clara naman ay nakahilig sa silyon.
“Pinsan,” simula ni Donya Victorina. “Hamunin mo ng duwelo ang tenyente at kung hindi ay…”
“Pero… bakit?” nagtatakang tanong ni Linares.
“Hamunin mo ng duwelo kung ayaw mong ibulgar kong lahat kung sino ka talaga!”
“Pero Donya Victorina!”
Nagkatinginan ang tatlong dalaga.
“O, ano? Ininsulto kami ng tenyente. Pati ikaw, sinabi kung sino ka! Ang punyetang senyora naman ay bumaba na hawak ang latigo. At ito, ang isang ito ay pumayag namang painsulto. Lalaki pa naman!”
“Naku, may away pala ay hindi tayo nakapanood,” bulalas ni Sinang.
“Nalunok ng Doktor ang pustiso sa suntok ng tenyente,” salo naman ni Victoria.
“Babalik na kami sa Maynila at ikaw ay maiiwan dito para hamunin ng duwelo ang tenyente… kung ayaw mong ipagtapat ko kay Don Santiago na panay kasinungalingan ang sinabi mo sa kanya.”
“Pero, Donya Victorina… Donya Victorina,” wika ng nababahalang si Linares at lumapit pa sa babae. “Huminahon kayo. Huwag ninyong ipaalaala sa aking…” At pabulong pang idinugtong: “Konting lamig. Huwag na kayong magkalat… dito pa naman!”
Sa pagkakataong ito dumating si Kapitan Tiago buhat sa sabungan. Pagod at pabuntu-buntong-hininga. Natalo ang kanyang tinali.
Hindi na binigyan pa ni Donya Victorina ng panahong muling makapagbuntong-hininga ang matanda. Sa ilang salita ay isinalaysay niya ang pangyayari, ay siyempre pinalitaw na siya ang nasa katwiran.
“Alam ba ninyong hahamunin siya ni Linares ng duwelo? Kapag hindi ay huwag ninyong ipakakasal ang inyong anak sa kanya. Kung duwag siya, wala siyang karapatan kay Clarita.”
“Aha! Pakakasal ka pala sa lalaking iyon?” tanong ni Sinang na unti-unting pinamumuuan ng luha sa mga mata. “Sabi ko na nga ba’t mapaglihim ka… Salawahan!”
Putlang-putlang biglang napaangat ang ulo ni Maria Clara at may panghihilakbot na napatingin sa ama, kay Donya Victorina, at kay Linares. Namula ang binata, nagbaba ng tingin si Kapitan Tiago, at nagpatuloy naman sa pagsasalita ang donya.
“Tandaan mo, Clarita… Huwag kang pakakasal sa lalaking duwag. Baka pati aso ay insultuhin ka.”
Hindi sumagot ang dalaga at nakiusap sa mga kaibigan na samahan siya sa silid. Parang wala siyang lakas na magtungo roong nag-iisa. Tinulungan siya ng dalawa sa pagtayo. Inalalayan siya sa baywang. Habang lumalakad ay nakasandig ang kanyang ulo sa balikat ng magandang si Victoria. Nagtuloy sila sa silid.
Nang gabi ring iyon ay naghanda na sa pag-alis ang mag-asawang Espadaña. Ibinigay kay Kapitan Tiago ang bayaring na umaabot sa libo-libong piso, at kinabukasan, maagang-maaga pa, ay nagpahatid na sa Maynila na lulan ng karwahe. Nakaatang sa balikat ni Linares ang tungkuling paghihiganti.