TAMA si Ibarra. Si Padre Damaso nga ang sakay ng karwaheng nasalubong niya na papunta sa bahay ni Kapitan Tiago. Dinatnan ng pari sina Maria Clara at Tiya Isabel na pasakay sa karwahe. Tila wala sa loob na tinapik ni Padre Damaso sa pisngi ang dalaga.
“Saan ang lakad?” tanong niya.
“Kukunin po namin sa kumbento ang mga gamit ko,” sagot ng dalaga.
“Aha!” pabulong na wika ng prayle. “Tingnan natin kung sino ang mas malakas! Tingnan natin!” At pumanhik siya sa bahay.
“Nagkakabisa siguro ng sermon,” sabi ni Tiya Isabel. “Sakay na, Maria,” dugtong pa. “Tatanghaliin tayo.”
Sa itaas, nang makapanhik si Padre Damaso ay sinadyang hindi iabot ang kamay kay Kapitan Tiago. Kung hindi pa yumukod ang huli ay hindi pa makahahalik sa kamay ng prayle.
“Santiago!” matigas na tinig ng pari. “May mahalaga tayong pag-uusapan! Tayo na sa opisina mo!”
Balisang sumunod si Kapitan Tiago kay Padre Damaso na siyang nagsara ng pinto matapos silang makapasok sa silid.
Samantala…
Matapos makapagmisa ay umalis agad si Padre Sibyla at nagpunta sa kumbento ng kanilang korporasyon sa Maynila.
Umakyat at kumatok sa silid. “Tuloy!” mahinang sagot ng nasa loob.
“Pagalingin nawa kayo ng Diyos!” bati ng batang Dominiko sa matandang pari na nakaupo sa tumba-tumba.
Payat at may sakit ang matandang pari. Naninilaw ang balat at nanlalalim ang mga mata.
Napabuntonghininga ang may sakit. “Ipinapayong magpaopera raw ako. Pero, Hernando…sa edad ko bang ito’y paoopera pa ako?”
Nagtaas ng ulo si Padre Sibyla. “Ano naman ang pasiya n’yo?” tanong niya.
“Hintayin na lang ang kamatayan! Hirap na hirap na ako…ngunit marami ring akong pinahirapan. Dapat lang akong magbayad ng utang ko!” anang maysakit. “Siyanga pala, kumusta? Ano ang balita?”
“Tungkol sa bilin n’yo ang ipinarito ko!”
“Anong nangyari?”
“Hindi totoo ang bali-balita tungkol kay Ibarra. Mabuti siyang tao at maginoo.”
“Iyan ba ang paniwala mo?”
“Nagsimula po kagabi ang alitan!”
“Bakit? Paano?”
At ikinuwento ni Padre Sibyla ang pagsasagutan nina Padre Damaso at Crisostomo Ibarra.
“Ikakasal na po pala ang binata sa dalagang anak ni Kapitan Tiago,” ani Padre Sibyla. “Nag-aaral sa kumbento ng ating korporasyon ang dalaga at si Ibarra naman ay mayaman. Hindi niya gugustuhing may makagalit, pagkat makasisira iyon sa kanyang kinabukasan at kayamanan.”
Tumango-tangong parang nasisiyahan ang may sakit.
“Pareho tayo ng paniwala. Dahil kay Maria Clara at kay Kapitan Tiago. Si Ibarra’y buong-buong magiging kapanalig natin. Kung hindi man, mas makabubuti kung ipapasiya niyang maging kaaway natin!”
Nagtatakang napatingin si Padre Sibyla sa matanda.
“Para sa kabutihan ng ating korporasyon,” naghihirap sa paghingang wika ng may sakit. “Pinili ko ang pag-atake sa atin kaysa mga papuri at pambobola ng mga nasuhulan natin.”
“Sa palagay ba n’yo’y…”
“Dapat mong malaman na makapangyarihan lamang tayo habang pinaniniwalaan. Kung inaatake tayo, iisipin ng gobyerno na ginagawa lamang ang gayon pagkat hadlang tayo sa paglaya ng bayan kaya kailangan tayong manatili sa tungkulin.”
“Halimbawa po namang may magkainteres sa ating mga nakakamit?” Kung may maglakas-loob na…”
“Kaawa-awa siya pag nagkagayon!”
Kapwa sila di umimik.
“Ang totoo’y kailangan naman talagang kalabanin tayo para makita ang ating kamalian, para tayo lalong mapabuti. Nalulunod tayo sa pananahimik nila at labis na papuri. Hindi natin alam ay pinipintasan tayo ng marami. Darating ang araw na babagsak tayo gaya ng pagbagsak natin sa Europa. Wala nang salaping papasok sa ating simbahan. At pag mahirap na tayo ay sino pa ang maniniwala sa atin?”
“Hus! May natitira pa naman tayong mga asyenda at mga bahay at lupang paupahan…”
“Mawawalang lahat iyan, gaya rin ng pagkawala sa Europa! Ang masakit ay tayo pa mismo ang magiging dahilan ng pagkapahamak natin! Halimbawa ay ang taon-taong pagpapataas natin ng buwis. Inatake ko na ang bagay na iyan. Napipilitan tuloy ang mga Indio na sa ibang lugar bumili ng mga bukirin. Gumising tayo, pagkat namumulat na rin ang bayan…”
Di nagtagal at nagpaalam na si Padre Sibyla.
Sa kabilang dako ay natapos naman ang pag-uusap nina Padre Damaso at Kapitan Tiago sa ganito:
“Nasabi ko na sa iyo ang lahat. Alam mo na ang gusto ko,” mariing wika ng Pransiskano bago umalis. “Naiwasan sana natin ang lahat kung nakipag-usap ka lamang sa akin… kung hindi ka nagsinungaling. Sana ay huwag nang maulit ang ganito. Paniwalaan mo ang ninong ni Maria Clara!”
Balisang nagpalakad-lakad si Kapitan Tiago nang makaalis si Padre Damaso. Pagkatapos ay nagtuloy sa silid-dalanginan. Pinatay niyang isa-isa ang may sinding mga kandila at lampara.
“May panahon pa at mahaba pa ang lalakbayin,” naibulong sa sarili.