Noli Me Tangere Kabanata 55: Ang Kaguluhan

TALASALITAAN

  • hapunan –  Hulíng kinaugaliang pagkain sa hápon o bago matulog sa gabí.
  • bulwagan – Pinakamalaking silid sa isang bahay o gusaling tanggapan ng mga panauhin; malaking bukas na espasyo sa isang gusali.
  • paglusob – Pagtungo sa kinaroroonan ng anuman o sinuman upang makipáglaban, manlupig, mandakip, manamsam, atbp.
  • nasurot – Pagbanggit ng bagay na ibig isumbat sa kapuwa.
  • budhi – Pangkonsiyensiya.

MGA PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA

  • Padre Salvi
  • Crisostomo Ibarra
  • Maria Clara
  • Elias
  • Alperes

BUOD NG KABANATA 55:

Oras na noon ng hapunan ngunit ayaw kumain ni Maria Clara. Palakad-lakad naman si Padre Salvi sa bulwagan habang kumakain si Linares.

Napaupo sa sulok ang pari nang dumating ang ika-walo ng gabi dahil ito ang nakatakdang oras ng paglusob. Hindi naman alam ni Maria at Sinang ang gagawin.

Sa pagtunog ng kampana ay sabay-sabay silang nagdasal at siya namang pagpasok ni Ibarra. Nang tinangkang lapitan ni Maria si Ibarra ay nakarinig sila ng putok.

Si Padre Salvi ay nagtago sa likod ng haligi, si Tiya Isabel nama’y panay ang dasal habang ang magkaibigan ay nagyakapan na lamang. Narinig ng lahat ang putukan at sigawan sa kumbento. Sinarado nila ang pintuan at bintana nang nagpatuloy ang putukan.

Pinaakyat ng alperes ang kura kasama si Ibarra samantalang pumasok ang magkaibigan sa silid. Mabilis na naglakad si Ibarra patungo sa kaniyang bahay. Pagdating ay inutusan n’ya ang kaniyang katulong na ihanda ang kabayo. Itinago niya ang kaniyang maleta na may lamang mga salapi, mga kasulatan at larawan ni Maria sa gabinete at isinukbit ang dalawa niyang baril at isang balaraw.

Noong siya ay paalis na ay na karinig siya ng malakas na putok sa may pinto. Gusto man nitong lumaban ngunit mas pinili niyang bitawan sandata at buksan ang pinto.

Sa kabilang dako naman ay litong-lito ang isip ni Elias. Pinasok niya ang bahay ni Ibarra ngunit tila si nusurot ang kaniyang budhi sapagkat naalala niya ang sinapit ng kaniyang nuno at mga kamag-anak.

Pagpasok niya’y nakita niya ang katulong. Nagkunwari siyang umalis nang nalaman niya ang sinapit ni Ibarra at palihim na umakyat sa bintana patungo sa gabinete, kinuha ang baril, isinilid at inihulog niya sa bintana ang iba pa. Nang nakita niya ang pagdating ng mga sibil, isinilid niya ang mga larawan ni Maria sa isang supot at agad na pinaapuyan.

Nagpupumilit naman pumasok ang mga kawal. Mapilit ang mga ito kaya’t itinulak ng mga kawal ang katulong at mabilis na umakyat ngunit makapal na usok ang sumalubong sa kanila sa gabinete at nagkaroon ng malakas na pagsabog kaya dalidaling umatras at bumaba ng bahay ang mga kawal kasama na ang katulong.

MAHALAGANG MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA:

  • Ang kabanatang ito ay nagpakita ng kapanabikan o kasukdulan sa mga mambabasa. Mararamdaman dito ang pagtindi ng mga kaganapan tulad ng kaguluhang naganap. Ang bahaging ito ay hudyat pa lamang nang mas matitindi at kapanapanabik na mga pangyayari. Mas tataas pa ang interes ng mga mambabasa sa bahaging ito ng nobela.
  • Tila na sukol si Crisostomo sa isang sitwasyong wala siyang kinalaman at nagtagumpay naman si Padre Salvi sa kaguluhang nais niyang maganap.
  • Ang tunay na dahilan ni Padre Salvi sa pangunguna sa kaguluhang ito ay hindi hayagang binanggit sa nobela hinahayaang ang mga mambabasa ang mag-isip kung anon ga ba ang puno’t dulo ng galit o inggit niya kay Crisostomo. Ngunit ang tiyak sa lahat ay iisa sila ng taong minamahal at ito ay si Maria Clara.
  • Dahil sa paggawa ng isang kaguluhan maraming tao ang nadamay para lamang sa pansariling kapakanan.
  • Sa kasalukuyan maraming tao o may ilang mga tao ang nagtatago ng ingggit o hinanakit sa kanyang kapwa at kung ito ay maipon na saka lamang sasabog na tulad ng isang granada na magdadala ng gulo, takot at kapahamakan sa iba.