TALASALITAAN:
- sawimpalad – Pagmamalabis, pagmamaltrato, o paghamak sa sinumang nása mababang kalagayan; kawawang kalagayan.
- Tulisan – Magnanákaw o bandidong nanghaharang sa mga lansangan.
- naglisaw – Pagpabalik-balik ng mga táong may masamang gawain; walang tigil na paggalaw ng marami.
- panlunas – Anumang bagay na nagpapagalíng sa may sakít.
- sariling tatak – pagkakakilanlan
- palagay – Ang inaakala ng sinuman tungkol sa anumang bagay.
MGA PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA
- Elias at Ibarra
BUOD NG KABANATA 49: Ang Tinig ng mga Pinag-uusig
Hindi pa lumulubog ang araw nang sumakay si Ibarra sa bangka ni Elias sa lawa. Mukha siyang inis, agad namang humingi ng paumanhin si Elias.
Ayon sa binata, nakasalubong niya ang alperes na gusto siyang makausap. Nag-alala ito na baka makita nito si Elias kaya’t nagdahilan na lamang ito at naalala rin niya ang pangakong pagdalaw nito kay Maria Clara.
Sinabi na ni Elias ang kaniyang pakiusap kay Ibarra at ‘di na nag-aksaya ng panahon. Siya ang sugo ng sawimpalad ayon sa kaniya. Ipinaliwanag niya ang napagkasunduan nila ng Kapitan Pablo, ang puno ng mga tulisan at sinubukan ding ipahayag ang kahilingan ng mga sawimpalad at humingi ng pagbabago.
Iniisip ni Ibarra na kung gagamitin niya ang pera upang hingin ang tulong ni Kapitan Heneral at kaniyang mga kaibigan sa Madrid ay lalo itong makasasama sa kanilang plano imbis na makabuti.
Baka naman malagay sa disgrasya ang mga mamamayan kung mababawasan ang kapangyarihan ng sibil.
“Kaligtasan ng mga bayan!” May himig ng pait ang tinig ni Elias. “Maglalabinlimang taon nang pinangangalagaan ng mga guardia civil ang mga bayang ito, at tingnan ninyo … may mga tulisan pa rin. Nababalitaan natin na nilulusob nila ang mga bayan at hinaharang ang mga tao sa lansangan. Patuloy ang nakawan at patuloy ring hindi nahuhuli ang mga magnanakaw. Laganap ang krimen at malayang naglisaw ang mga kriminal samantalang ang tahimik na mga mamamayan ay hindi. Tanungin po ninyo kahit sinong tapat na mamamayan kung mapupuri nila ang guardia civil. Kung itinuturing nilang tagapagtanggol sa halip na mapanggipit at malupit na higit pang mapaminsala kaysa sa mga tulisan.
Sabi pa niya na upang malunasan ang isang sakit ay ang sakit mismo ang gamutin, hindi lamang sintomas dahil kung malala na ang sakit ay kailangang ilapat ang panlunas kahit na ito’y mahapdi.
Nagdebate and dalawa pa tungkol sa mabuting gawi ng simbahan at kung bakit nanunulisan ang mga mamamayan laban rito.
Maaaring sabihin ninyo sa akin na kahit may kasiraan ang ating kasalukuyang relihiyon ay mas mabuti naman ito kaysa sa dati. Naniniwala ako at sumasang ayon sa inyo. Ngunit napakamahal ng pananampalatayang ito. Ipinagpalit natin ang ating sariling tatak, ang ating kalayaan. Dahil dito ay ibinigay natin sa mga pari ang ating pinakamabubuting bayan, ang mga bukirin, maging ang naimpok natin sa pamamagitan ng pagbili sa mga panindang pangrelihiyon, mga produktong dayuhan na inaangkat natin. Binayaran natin ang mga iyon kaya’t nakaganti na tayo. Binanggit ninyo sa akin ang proteksiyong ibinibigay ng religious orders sa mga mamamayan laban sa mga unang mananalakay na Kastila na may ganap na kapangyarihan noon sa buhay at ari-arian ng mga Indio.
“Oo, kaibigan, batid kong nagtiis ka, isa kang sawimpalad. Kaya’t madilim para sa iyo ang hinaharap. Naiimpluwensiyahan nito ang iyong pag-iisip. May pag-aalinlangan tuloy ako sa iyong mga ipinahayag. Kung mauunawan ko lang sana ang iyong mga motibo, kung malalaman ko lamang ang iyong mga naging karanasan…”
“Maaaring magbago ako ng isip kung malalaman ko. Batid ninyong hindi ako naniniwala sa mga palagay lamang.” Wika ni Ibarra.
Kahit mahal ng dalawa ang kanilang bayan, hindi nagkasundo ang dalawa sa pakiusap ni Elias kaya naman sinabi nitong umasa na lamang sa Diyos ang mga sawimpalad.
ALAM MO BA?
- Nang ipasya ng Espanya na sakupin ang Pilipinas, nagtayo ang mga Espanyol ng mga pueblo o mga sentro ng pamamahala ng gobyernong lokal, simbahan, gayundin ang palengke at iba pang kailangan ng populasyon sa palibot nito.
- Kung ang mga Pilipino noon (tinatawag na Indio) ay magbubukid sa malalayong lugar, umaalis sila sa pueblo kung umaga at bumabalik doon kung gabi. Ang mga hindi nakatira sa pueblo ay itinuturing ng awtoridad at ng Simbahan noon na “taong-labas” o ayaw pasakop sa awtoridad ng mga Espanyol. Sila ang mga inuusig at ipinalalagay na tulisan. Ganyan din ang turing sa mga rebeldeng Pilipino ng mga Amerikanong pumalit sa mga Espanyol sa pananakop sa buong kapuluan.
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 49
- Sa kabanatang ito ay hinayag na ni Elias ang kanyang dahilan bakit kailangan niya ang tulong ni Ibarra. Si Elias ang nagsilbing tagapagsalita ng mga tong katulad niya. Mga taong tila nalimutan na ng pamahalaan, mga taong nakaranas ng kasawiaan at kaapihan sa sariling bayan.
- Maraming ganitong grupong matutukoy nang partikular na dapat pag-ukulan ng pag-aaral at pag-unawa. Ang ibang mga grupo’y may karaingan sa pamahalaan na hindi agad nabibigyan ng pansin, tulad ng mga di nagkakamit ng katarungan, nawawalan ng pag-asang malunasan ang kanilang karalitaan, at naghihimagsik dahil sa nakikitang pagsasamantala ng ilang mga pinuno sa kaban ng bayan.
- May mga mamamayang Pilipino sa ngayon na masasabi nating “mga taong-labas.” Kung nakatira man sila sa mga sentro ng populasyon, sumasanib lamang sila sa karamihan upang hindi makilala at makaiwas madakip bunga ng kanilang mga nagawang krimen. Kapag nakilala’t tinutugis na sila ng pamahalaan, nagtatago na sila sa mga kasukalan, sa mga lugar na hindi agad agad nararating ng mga awtoridad.
- May mga hindi naniniwala sa sistemang ginagamit ng pamahalaan sa paglutas sa mga pambansang problema at hindi nabibigyan ng pagkakataong makilahok sa mga pagkilos tungo sa pagpapagaan sa bumibigat na kalagayan ng sambayanan.
SIPI NG NOLI ME TANGERE BUONG KABANATA 49: TINIG NG MGA PINAG-UUSIG