Noli Me Tangere Kabanata 48: Ang Talinhaga

TALASALITAAN:

  • Ekskomulgado – Inalisan ng karapatang magtamasa ng mga kagalingang natatamo sa pamamagitan ng mga sakramento ng pagkakasapi sa simbahan na ginagawa sa Iglesya Katoliko Romano.
  • Balkon – Bahagi ng bahay sa ikalawang palapag o sa itaas pa na karaniwang sementado, walang bubong, bukás, at nilalagyan ng maraming halaman.
  • Nagulantang – Nagulat; nabigla; gitla.
  • Obrero –  Bawat isang manggagawa, trabahador.

MGA PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA

  • Crisostomo Ibarra
  • Maria Clara
  • Elias

BUOD NG KABANATA 48: Ang Talinhaga

Noong araw na iyon, masayang dinalaw ni Ibarra si Maria Clara sa bahay ng kapitan. Ibinalita niya sa kapitan at kay Tiya Isabel ang pagkakatanggal niya bilang isang ekskomulgado na siyang ikinatuwa nila.

Sa pag-akyat ni Ibarra sa balkon, nagulantang siya nang makitang magkasama sina Maria Clara at Linares sa gawing paanan habang nag-aayos ng mga bulaklak, dahilan din ng pagkabigla ni Linares at ng dalagang tila hindi makatayo dahil hindi pa siya masyadong magaling.

Ipinaalam ni Ibarra ang kaniyang dahilan sa pagdalaw at maagang umalis sapagkat nakita nito sa mukha ni Maria Clara ang lungkot at sinabing dadalaw muli kinabukasan. Hindi naman maalis ng dalaga ang kaguluhan sa kanyang puso’t isipan sa pag-alis ni Ibarra.

Napadaan si Ibarra sa itinatayong paaralan habang siya ay naglalakad. Sinabi niya kay Nol Juan at sa lahat ng taong naroroon na walang dapat ipagbahala dahil tanggap na muli siya sa simbahan. Inihayag ni Nol Juan kay Ibarra na hindi naman daw mahalaga ang pagiging ekskomulgado niya sapagkat sila naman ay isa rin sa mga ito.

Nakita ni Ibarra si Elias na waring may gustong ipaalam sa kaniya habang ito’y nagkakarga ng mga bato sa kariton kaya naman inutusan nito si Nol Juan na ibigay sa kaniya ang talaan ng mga obrero. Iminungkahi ni Elias na sila’y mamangka sa lawa upang doon pag-usapan ang isang mahalagang bagay.

Dumating si Nol Juan dala-dala ang listahan ng mga obrero subalit walang Elias na nakalista roon.

ALAM MO BA?

  • Ano ang ekskomunyon? Kapag nagkasala sa Simbahang Katolika ang isang kasapi nito (Katoliko), inilalapat ang parusang ekskomunyon (excomunion sa Espanyol o excommunion sa Ingles). Tinatawag namang ekskomulgado ang napatawan ng parusang ito. Ang ibig sabihin lamang nito, inihihiwalay ang “kaluluwa” ng isang nagkasalang Katoliko sa Simbahan o pangkat ng mga taong hindi sumusunod sa mga aral o doktrina ng simbahang Katolika.
  • Kahit ekskomulgado ang isang tao, itinuturing pa rin ito na Katoliko (di maaalis ang banal na tatak ng Espanyol). Gayunman, nagkasala sa paningin ng ibang Katoliko kaya karaniwan silang nilalayuan (at ipinagbabawal kausapin noong panahon ng Espanyol).

MAHALAGANG MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 48

  • Isa sa pinakamasakit na mangyari sa isang taong nagmamahal ang may makitang ibang kasama ang kanyang nobyo o nobya. Sa kabanatang ito tila naging talinghaga ang mga ikinilos ni Ibarra sa harap ni Maria at ganoon rin naman si Maria kay Ibarra.
  • Ang pag-ibig ay hindi madaling unawain. Sabi nga mabilis mahulog ang isang tao ngunit upang magtagal ito kailangan nilang piliin ang isa’t isa sa araw-araw ng kanilang pagsasama.
  • Maging totoo at tapat sa taong minamahal ano man ang nais iparating ng puso at isipan dahil sa bukas na ugnayan ay may pagkakaunawaan.
  • Nang makita naman ni Crisostomo si Elias sa kanyang ipinagagawang paaralan tila ito naging isang talinhaga na kanyang ipinagtaka. Ngunit ang ikinilos ni Elias sa kabanatang ito ay may kaugnayan sa susunod na kabanata.