Talasalitaan:
- Yungib – natural na hukay o silid sa ilalim ng lupa at may bútas na maaaring pagdaanan ng papasok
- Naninindigan – isang masigasig na pagkilos o paglaban para sa isang simulain, paniwala, patakaran, at katulad
- Masaklap – kabiguan
- Inakusa – pinagbintangan
- Sedula – katibayan ng pagbabayad ng buwis at nagsisilbi na ring paraan upang makilála ang mayhawak.
MGA PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA
- Elias
- Kapitan Tiyago
BUOD NG KABANATA 45: ANG MGA PINAG-UUSIG
Sa isang yungib sa kagubatan ay nagkita na si Elias at Kapitan Pablo. Anim na buwan din silang hindi nagkita at may dalawang linggo na rin ang nakalipas nang malaman ni Elias ang sinapit ng Kapitan.
Malapit ang dalawa sa isat-isa kaya minabuti ni Elias na ayain ang matandang kapitan na itinuring niya ng ama sa kanilang lupain.
Tinanggihan ni Kapitan Pablo ang paanyaya ni Elias dahil naninindigan siya na ipaghiganti ang masaklap na nangyari sa kanyang mga anak sa kamay ng mga dayuhan.
May tatlong anak ang matanda, dalawang lalaki at isang babae. Ang anak niyang dalaga ay pinagsamantalahan at ang kaniyang anak na lalaki ay nag-imbestiga sa nangyari. Nagpunta ito sa kumbento ngunit tila nagkaroon umano ng nakawan doon kaya naman pinagbintangan ang kanyang anak na lalaki.
Habang pinapahirapan ang anak ng matanda ay hindi manlang nagawang pigilan ito. Natakot ito dahil sa kagustuhang magkaroon ng payapang buhay. Wala ring nangyari sa kura na nalipat lamang sa ibang lugar.
At ang isa naming anak na lalaki ay inakusahan ng paghihiganti dahil sa pagkaiwan sa sedula. Pinahirapan ito at di nagtagal ay kinitil ang sariling buhay.
Para sa Kapitan ay wala nang mahalaga sa kanya kundi ang ipaghiganti ang sinapit ng kanyang mga anak.
Naintindihan ni Elias ang matanda dahil ito rin ang gusto niyang gawin ngunit mas pinili nitong manahimik na lang.
Sinabi din ni Elias sa Kapitan ang naging pagkikita at pagkakaibigan nila ni Ibarra. Ipinakilala niya rito ang katangian ni Ibarra at ang sinapit ng pamilya nito dahil sa mga pari.
Naniwala naman si Kapitan Pablo sa kakayanan ng binatang si Ibarra. Kakatagpuin ng mga tauhan ng Kapitan si Elias upang malaman ng matanda ang sagot ni Ibarra.
Kung sakaling sumang-ayon si Ibarra ay magkakaroon ng katarungan ang kanilang mga hinaing ngunit kung hindi naman ay nangako si Elias na sasama sa kanilang layunin.
ALAM MO BA?
- Ang mga pinag-uusig ay maibibilang ng mga awtoridad noong panahon ng Espanyol (o Amerikano man) na remontados, cimarrones, ladrones monteses, malhechores, o tulisanes. Pinalilitaw ng mga namumuno noon na ang mga ito’y Indio na naninirahan sa labas ng pueblo o malalaking bayan, ayaw pasakop sa simbahan at dapat na ibilanggo, gawing mapayapang Kristiyano at kung tumutol, dapat lipulin dahil panganib sa nakararami. Ganito ang naging kapalaran ng mga kumontra o ayaw pailalim sa kapangyarihan ng mga awtoridad na Espanyol noon.
- Sa pagtatayo ng mga permanenteng pamayanan ng mga Espanyol sa Pilipinas (1565), naging problema sa kolonyal na mga administrador nito ang konsolidasyon ng mga kalat-kalat, iba-ibang etnikong grupo sa hiwa-hiwalay na mga kapuluan o arkipelagong ito.
- Ang populasyon noon ay kailangang kolektahan ng mga buwis, binyagang Kristiyano, at kontrolin para sa seguridad ng mga Espanyol. Itinayo ng mga Pransiskano ang pueblo noong 1580 at naging opisyal ito noong 1582 sa tinawag na plano, ang reduccion. Ayon kay Agoncillo, ang ganitong pamayanan na may estrukturang poblacion-barrio-sitio ay “abot ng tunog ng mga kampana ng Simbahan.”
- Sa mga ganitong pamayanan nagtayo ang mga Indio ng mga bahay (karaniwang pawid o kugon ang bubong) sa paligid ng mga kumbento. Sa mga baryo, may mga visita, kuha ang pangalan mula sa paminsan-minsang pagdalaw rito ng mga pari upang magmisa.
- May mga sitio namang nabuo na malapit sa mga bukid, ngunit kadalasan, kapag nakapag-ani na, bumabalik na sa poblasyon o baryo ang mga magsasaka o pamilya nito. Sa ganoong kaayusan ng komunidad, tinawag na mga “taong labas” ang ayaw pasakop sa estruktura ng pamayanang ipinasunod sa mga Indio ng mga Espanyol.
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 45
- Sa kabanatang ito ipinakilala ang mga grupo ng tao na itinuturing na mga api. Mga taong nawalan na ng tiwala sa pamamalakad ng pamahalaan at ng simbahan. Mga taong nais makamit ang kalayaan at katarungan sa kanilang sariling bayan.
- Hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pa ring mga taong katulad nila. Lalo na ang mga Pilipinong hindi nakakamit ang hustisyang nararapat para sa kanila. Kaya naman hanggang sa kasalukuyan, may mga grupo o pangkat pa ring tumutuligsa sa kabaluktutan ng sistema sa ating bansa.