Noli Me Tangere Kabanata 41: Dalawang Panauhin

Talasalitaan:

  • Malumanay – mahinahon, marahan
  • Panatag – kampante, payapa
  • Markadong disgrasya – hindi magandang kapalaran, minanang kasalanan
  • Anas – bulong, mahinang pagsasalita
  • Kinantyawan – tukso, buyo, udyok

Mga Tauhan:       

  • Ibarra
  • Elias
  • Lucas

Buod ng Kabanata 41: Dalawang Panauhin

Lubhang magulo ang isip ni Ibarra, kaya sa halip na matulog, nagpunta na lamang siya sa kanyang laboratoryo. Inabot siya ng madaling-araw sa pag-eeksperimento. Ginamitan niya ng mumunting piraso ng kawayan at iba pang elemento ang tinitimpla niyang kemikal. Saka niya inilagay sa mga bote, sinulatan ng numero, at sinarhang mabuti.

Ibinalita ng isang katulong ang pagdating ng isang magbubukid. Pinapasok ni Ibarra ang hindi kumikibong si Elias.

“Ipagpaumanhin ninyong pinaghintay ko kayo. Abala ako sa aking eksperimento.”

“Hindi ko kayo gustong abalahin,” sagot ni Elias. “Nagpunta ako rito, una, para itanong kung may kailangan kayo sa Batangas; ikalawa, para sabihin sa inyo ang isang ‘di magandang balita.”

Nagtatakang tumingin kay Elias si Ibarra.

“May sakit ang anak na dalaga ni Kapitan Tiago,” malumanay na sabi ng piloto. “Hindi po naman malubha.”

“Yon na nga ang ikinatatakot ko. Alam n’yo ba ang sakit niya?” Sinabi ni Elias na nilalagnat si Maria Clara at sinundan iyon ng pagpapaalam.

“Salamat sa inyo’t maligayang paglalakbay,” sabi ng binata. “Payagan ninyo akong magtanong sa inyo. Paano n’yo napigil ang gulo kagabi?”

Panatag si Elias. “Madali po lamang. Ang namuno sa panggugulo kagabi ay magkapatid na lalaking may ama na napatay sa palo ng mga gwardya sibil. Isang araw, pinalad akong mailigtas sila sa mismong gwardya sibil na nakadisgrasya sa kanilang ama. Bilang pagtanaw ng utang na loob, nakinig sila sa pakiusap ko at inako pa nila ang pag-awat sa iba.”

“Ang magkapatid na anak ng napatay sa palo…?” ulit ni Ibarra.

Halos anas lamang ang sagot ni Elias. “Kapag markado ng disgrasya ang isang pamilya, dapat nang mawala ang lahat ng miyembro niyon. Abo lamang ang matitira kapag tinamaan ng kidlat ang isang punungkahoy.”

At nagpaalam na si Elias. Nang mapag-isa, hindi na payapa ang mukha ni Crisostomo. ang bigat ng kalungkutan sa kanyang mukha.

“Ako… ako ang sanhi ng pagkakasakit niya!” naibulong ni Crisostomo saka nagbihis at mabilis na nanaog ng bahay.

Sa ibaba, pinigil siya ng magalang na pagbati ng isang maliit na lalaking nakaitim na may malaking peklat sa pisngi.

“Ano ang kailangan ninyo?”

“Senyor… ako po si Lucas, kapatid ng taong namatay kahapon.” “Nakikiramay po ako sa inyo. Ano na po ngayon?”

“Senyor, gusto ko lang pong malaman kung magkano ang ibabayad ninyo sa pamilya ng aking kapatid.”

“Ibabayad?” Hindi niya napigil ang pagkainis. “Saka na natin pag-usapan ‘yan… magbalik kayo mamayang hapon. Nagmamadali lang ako!”

Ngunit iginiit ng lalaki ang sadya. Naubos ang pasensya ni Ibarra. Kinantiyawan siya nito dahil sa kawalan niya ng panahon.

“Magbalik kayo mamayang hapon, magaling na lalaki. May bibisitahin akong may sakit!” pinigil na ni Ibarra ang sarili.

“Dahil sa isang may sakit, nakalimutan n’yo ang isang patay. Dahil ba mahirap lang kami?” Tinitigan ito ni Ibarra at pinutol ang iba pang sasabihin nito. “‘Wag n’yong subukan ang pasensya ko!”

Sa pagtalikod ni Ibarra, naiwan si Lucas, nakatingin sa binata, halatang may matinding poot.

“Alam kong apo ka ng taong nagbilad sa aking ama sa init ng araw. May dugo ka ngang kapareho ng sa kanya!”

Mayamaya’y nag-iba ang tono. “Pero kung magbabayad ka nang husto, kaibigan tayo.”

ALAM MO BA?

May aksyon sa kabanatang ito na tinatawag na pagbibigay-babala o foreshadowing. Upang hindi magulat ang mga mambabasa at maging kapani-paniwala ang mga susunod na pangyayari sa dakong huli ng nobela, kailangan ang ganitong paglalagay ng aksyon. Halimbawa’y sinabi ni Elias kay Crisostomo na magtutungo siya sa Batangas. Tiyak, may gagawin siya sa Batangas na kaugnay ng mga aksyong matutunghayan sa mga susunod na kabanata. Gayundin ang pagkakasakit ni Maria Clara na ibinalita ni Elias kay Crisostomo. Saan hahantong ang pagkakasakit ng dalaga? At lalo na ang wari’y pagbabanta kay Ibarra ni Lucas nang hindi agad ito binayaran ng binata hinggil sa pagkamatay ng kapatid nitong nabagsakan ng derik. Ang mga pagbibigay babalang ito ay parang aninong magiging katotohanan sa susunod pang kabanata.

MAHALAGANG MENSAHE

  • Sa kabanatang ito ipinakita ni Elias ang kanyang totoong pagmamalasakit kay Ibarra. Kung saan siya’y naghatid ng balita tungkol sa kalagayan ng kasintahan nitong si Maria.
  • Ngunit sa kabila ng ipinapakita ni Elias kay Ibarra ay mayroon pa rin siyang lihim na motibo sa binata. Na maaaring maging daan si Ibarra sa pagsasakatuparan ng kanyang mga balak.
  • Sa ikalawang panauhin naman ipinakita ang motibo ni Lucas na paghingi ng salapi dahil sa kamatayang sinapit ng kanyang kapatid at pagbabanta na rin sa buhay ni Ibarra.
  • Sa kasalukuyan ay mayroon pa ring taong katulad ni Elias at ni Lucas. Isang taong magpapakita ng kabutihan sa iyong harapan ngunit mayroon naman palang mang binabalak.
  • Tulad naman ni Lucas may mga taong gagamitin ang pananakot, pamimilit o dahas makuha lamang ang nais o layunin.