Noli Me Tangere Kabanata 30: Sa Simbahan

TALASALITAAN:

  • masangsang – amoy na labis at sumi-sidhing bango
  • gala – masayáng okasyon o natatanging palabas.
  • kuliling – tunog na likha ng maliit na batingaw
  • pulpito – nakataas na es-truktura sa loob ng simbahan na gina-gamit kung nagsesermon ang pari 
  • palibak – puna na may layuning tahasang maliitin at insultuhin ang pinapaksa 

MGA PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA 30

  • Padre Damaso
  • Pilosopong Tasyo
  • Mga kilala at makapangyarihang tao sa San Diego

BUOD NG KABANATA 30 SA SIMBAHAN

Punung-puno ng tao ang simbahan. Nagtutulakan ang bawat isa at sumisiksik upang makalapit sa agua bendita.

Napakainit sa loob ng simbahan. Hindi ka halos makahinga sa masangsang na amoy mula sa katawan ng mga taong pinapawisan. Kailangang marinig nila ang sermon sapagkat 250 piso ang ibabayad ng bayan doon.

Mang Tasyo: Dalawandaa’t limampung piso para sa sermon? Talaga ngang napakayaman ninyo. Ikatlong bahagi na iyon ng ibabayad sa komedya para sa tatlong gabi.

Ang sermong ito’y walang kinalaman sa komedya. Isang libo man ang singili’y ibabayad din namin sapagkat ang kaluluwa ng nakikinig sa sermon ay tutuloy sa langit at ang sa mga nanunuod sa komedya ay sa impiyerno.

Nasa isang sulok si Ibarra samantalang si Maria Clara’y nasa isang reserbadong upuang malapit sa altar mayor. Nakaupo si Kapitan Tiago sa hanay ng mga makapangyarihan.

Dumating ang alkaldeng kaalakbay ang buo niyang kagawad sa simbahan. Ang alkalde ay nakagala, may banda ni Carlos III, at nakasabit ang limang medalyang pangkarangalan.

Nagsimula ang misa. Tumayo ang lahat nang marinig ang kuliling ng kampanilya at awit ng koro. Dumating din ang pinakahihintay ng lahat, ang sermon ni Padre Damaso.

Pumasok si Padre Damaso na kasunod ang isang prayleng may hawak na kuwaderno. Nang nasa pulpito na siya, inilibot niya ang kanyang paningin, isang kindat ang iniukol niya kay Ibarra. Isang palibak na tingin naman ang iniukol niya kay Padre Martin, na nagsermon kahapon.

Pagkatapos makapagmasid ni Padre Damaso, binalingan niya ang prayle at pinabuksan ang kuwaderno.

MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 30 SA SIMBAHAN

  • Masasalamin sa kabanata ang pagiging relihiyoso ng mga mamamayan ng San Diego kung saan kahit na siksikan o nakasusulasok ang amoy sa loob ng simbahan sila ay magtutungo rito.
  • Ipinakita rin sa kabanata ang ibang sitwasyon ng mga nagsisimba ang iba ay natutulog na lamang dahil sa napakahabang sermon ni Padre Damaso. Hindi rin nawala sa sermon ng padre ang paninira at pagpuna sa ugali ng mga Pilipino.
  • Ang tunay na pananampalataya ay hindi masusukat sa kung gaano ka kadalas magsimba kundi kung paano mo isinasabuhay ang iyong pananampalataya at ang mga katuruan mula sa bibliya.
  • Sa kasalukuyan ang sitwasyon na makikita sa loob ng simbahan ng San Diego ay maaari pa ring makita lalo na kung may mga kapistahan sa isang bayan. Tulad na lamang ng Pista ng Itim na Nazareno. Kung saan maraming mga deboto ang nagtutungo sa Quiapo upang mamanata.