TALASALITAAN
- lansangan – malaking daan para sa mga sasakyan gaya ng abenída, boulevard, at háywey.
- tahur – tao na nag-aayos o tumutulong sa pustáhan sa sabungán
- itangis – taghoy na may kasámang malakas na pag-iyak
- pasanin – tao na nása ilalim ng pananagutan ng iba,
- tolda – magaspang na tela at ginagamit na kubol, layag, at iba pa
- palyo – alampay na may palawit at ginagamit bílang tanda ng kapangyarihan
PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA 29
- Don Filipo Lino
- Pilosopong Tasyo
- Padre Salvi
- Mga Mamamayan ng San Diego
BUOD NG KABANATA 29
Maagang pumasok sa mga lansangan ang mga musiko. Kapistahan ang araw na ito kaya inaasahang lalong mag iibayo ang kasayahan.
Inilabas ng mga mamamayan ang pinakasapin ng kanilang baul at ginamit ang kanilang mga alahas. Ang mga tahur at mga kilalang manunugal ay nangagsuot ng magagandang kamisa-Tsino. Naging kapansin-pansin nang araw na iyon si Pilosopo Tasyo. Siya lamang ang hindi nagpalit ng kasuotan.
Don Filipo: Mukhang higit kayong malungkot ngayon. Ayaw ba ninyong tayo’y magsaya paminsan-minsan, yamang tayo’y maraming dapat itangis?
Mang Tasyo: Tama, ngunit magagawa ang pagsasaya hindi sa paggawa ng mga kabaliwan. Kayo po’y napakarangya, nagpapakalasing gayong kay-raming mahihirap na nangangailangan ng salapi. Papaano ninyo mapipigil ang karaingan ng mga mahihirap?
Don Filipo: Alam ninyong ako’y kaisa sa inyong mga paniniwala, ngunit may ilalaban ba ako sa kapitan at sa kura?
Mang Tasyo: Kung gayon ay magbitiw kayo sa inyong tungkulin.
Don Filipio: Magbitiw? Magbitiw, tama, kung ang katungkulang ito ay isang karangalan sana at di isang pasanin!
Di magkamayaw ang maraming tao sa harap ng simbahan. Sa harapan ng simbahan ay may isang nakatigil na banda ng musiko. Ang isa’y naghahatid sa mga punong bayan, samantalang ang isa ay lumilibot sa buong kabayanan.
Ikawalo at kalahati nang simulan ang prusisyon. Ito’y idinaan sa ilalim ng tolda at inilawan ng matatandang dalagang kasapi sa kapatiran ni San Francisco.
Natatangi ang karo ni San Diego de Alcala na sinusundan ng kay San Francisco, at ang Birheng de la Paz. Ang ikinaiiba lamang ng prusisyong ito ay si Padre Salvi ang nasa lilim ng palyo sa halip na si Padre Sibyla.
Tumigil ang karong sinusundan ng palyo nang matapat sa bahay ni Kapitan Tiago. Nakadungaw sa bintana ang Alkalde, si Kapitan Tiago, si Maria Clara, si Ibarra, at ilan pang Kastila. Walang anumang tiningnan sila ni Padre Salvi.
ALAM MO BA?
Sa iba’t ibang dako ng ating bansa ay maraming kapistahang ginaganap ilan sa mga sikat at pinupuntahang mga kapistahan ay ang mga sumusunod:
- Feast of the Black Nazarene: Quiapo Manila
- Moriones Festival: Marinduque
- Higantes Festival: Angono Rizal
- MassKara Festival: Bacolod City
- Ati-Atihan Festival: Kalibo Aklan
- Panagbenga Festival: Baguio City
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA
- Ang pagdiriwang ng kapistahan sa San Diego ay talaga namang maluho, magarbo at puno ng diskriminasyon. Hindi man direktang binanggit ay mababakas ang malaking gastos na ginugol para lamang sa selebrasyon.
- Sa kasalukuyan mainam na bago maglabas ang lokal na pamahalaan ng pondo para sa ganitong kapistahan ay sumangguni muna sila sa kanilang nasasakupan upang hindi masayang ang perang kanilang ilalabas.