Noli Me Tangere Kabanata 15: Ang mga Sakristan

Talasalitaan
  • Kampanaryo – tore na kinalalagyan ng kampana
  • Sigwa – unos, malakas at mahanging buhos ng ulan
  • Pumapaimbulong – paglipag ng paitaas
  • Kaka – tawag paggálang sa nakatatandang kapatid
  • Alingawngaw – tunog o ingay na hindi maintindihan at nagmumulâ sa madla
  • Onsa – noong panahon ng Español, salaping ginto na katumbas ng labing-anim na piso
  • Plegarya – dalanginan
  • Nangatal – panginginig ng katawan o tinig kapag nagagálit, natatákot, o nagiginaw 
  • Naghugos – pag·hú·gos pagbababâ ng anuman mula sa mataas na kinalalagyan
Pangunahing Tauhan sa Kabanata
  • Crispin
  • Basilio
  • Sakritan Mayor
Buod ng Kabanata 15: Ang mga Sakristan

Sa kampanaryo ng simbahan ay naroroon ang magkapatid. Ang maliit ay si Crispin na matatakutin, at ang malaki ay si Basilio, na may kalakasan ang loob. Sumasaliw sa sigwa ang malungkot na plegarya ng kampanang pumapaimbulog sa himpapawid.

Crispin: Bayaran mo na kaka, ang sinasabi nilang ninakaw ko. Bayaran mo na Kaka.

Basilio: Kapag binayaran `yon, walang kakanin si Inang. Dalawang piso lamang ang sasahurin ko sa buwang ito. Makatlo na akong minultahan. Ang dalawang onsang ninakaw mo, sabi ng Sakristan Mayor, ay katumbas ng 32 piso.

Crispin: Mabuti pa ngang ninakaw ko na iyon. Ang sabi ng kura’y papatayin niya ako sa palo kapag hindi ko nailabas ang ginto. Kung talagang ninakaw ko iyon ay mailalabas ko.

Napaiyak si Crispin. Iminungkahi sa kapatid na umuwi nang mag-isa upang sabihin sa inang siya’y may sakit. Nagdalang-awa si Basilio sa kapatid. Ipinaalala niyang naghanda ng isang hapunan ang kanilang ina ayon kay Mang Tasyo.

Basilio: Kung maniwala si Inang, ikaw na ang bahalang magsabing ang sakristan mayor ay nagsisinungaling.

Crispin: Sinungaling silang lahat. Sinabi nilang magnanakaw tayo sapagkat ang ama natin ay isang manunugal….

Hindi pa man natatapos magsalita si Crispin ay lumitaw sa hagdanan ang ulo ng sakristan mayor na may ugaling manubok.

Sakristan Mayor: Basilio, minumultahan kita ng kalahati dahil sa hindi sunud-sunod ang pagkatugtog mo ng kampana. Ikaw Crispin ay maiiwan hanggang hindi mo inilalabas ang iyong ninakaw.

Tumutol si Basilio. Nagalit sa pangangatwiran ni Basilio ang sakristan mayor, at kinaladkad nito si Crispin.

Crispin: Kaka, papatayin nila ako. Huwag mo akong pabayaan.

Nabigla si Basilio. Ang alingawngaw ay napalitan ng kalabog ng katawan ni Crispin sa baytang ng hagdan. Narinig niya ang tampal, hiyaw, at mga impit na daing. Nagbalik ang katahimikan.

Nangatal si Basilio at pinagpawisan sa matinding pagkakapoot. Napuna niyang ang pinto ng bawat silid ay nakalapat, bawat bintana’y may salang bakal. Isang lampara ang tanging nagbibigay ng liwanag sa pook na iyon.

Inakyat ni Basilio ang kinabibitinan ng mga kampana. Kinalag niya ang lubid at muling nanaog. Pinagbuhol niya ang mga lubid, itinali sa palababahan at buong ingat na naghugos sa gitna ng kadiliman.

Mensahe at Implikasyon ng Kabanata
  • Kalunos-lunos ang pang-aapi at pagmamaltratong naranasan ng magkapatid na si Basilio na may gulang sampu at si Crispin na pitong taong gulang lamang sa loob ng kumbento.
  • Ang simbahan na dapat na kumakalinga sa kanila ay siya pang yumurak at nag-alis sa kanilang karapatang dapat ay kanilang nararanasan bilang mga bata.
  • Nakalulungkot na hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pa ring mga kabataan na nakararanas ng kalupitan sa kamay ng mga taong dapat sana ay kumakalinga sa kanila.
  • Kaya naman mahalaga na malaman ng mga kabataan ang kanilang mga karapatan at may batas na nagpoprotekta sa kanila ay ang RA 7610 o ang Child Protection Law.