Talasalitaan
- bantog: kilala
- garil: utal magsalita
- pulutong : karamihan o pangkat ng mga tao
- piging: pagtitipon
- walang turing: walang utang na loob
Mga Pangunahing Tauhan sa Kabanata
- Padre Damaso
- Kapitan Tiyago
- Tinyente Guevarra
Buod ng Kabanata
Si Tiya Isabel, na kanyang pinsan ay ang taga-istima ng mga darating na bisita. Hiwalay ang grupo ng mga kababaihan sa kalalakihan. Nagpahuli ang ibang panauhin gaya ng mag-asawa na sina Donya Victorina de Espadaña at Don Tiburcio de Espadaña. Di naman nagpahuli ang ibang panauhin gaya nila Padre Sibyla na kura paroko ng Binundok; Si Padre Damaso na garapal ang kilos at pananalita; dalawang paisano; at ang tenyente ng guardia civil na si Tenyente Guevarra.
Ang bawat pangkat ng mga panauhin ay may pinag-uusapan tungkol sa kanilang mga kuro-kuro sa mga bagay upang magpayabangan. Isa sa mga napag-usapan ng mga indio ay ang paglisan ni Padre Damaso sa San Diego kahit matagal na itong naninilbihan doon.
Si Padre Damaso, na magaspang manalita ay di nagpahuli sa usapan at inihayag ang kanyang pangungutyang mga pahayag sa mga indio, na ito raw ay mabababang uri.
Ginawa ni Padre Sibyla ang kanyang makakaya upang malihis ang paksa at pinasok ang paksa ukol sa pag-alis ni Padre Damaso bilang kura paroko ng San Diego.
Ang katwiran naman ni Padre Damaso ay hindi raw dapat makialam ang hari ng Espanya sa pakikitungo ng mga erehe. Tumutol naman dito ang Tenyente at sinabi na ang parusa ay nararapat lamang ayon sa pananaw ng Kapitan Heneral.
Kinatwiran din ng Tenyente na kaya inilipat si Padre Damaso ay sa kadahilanang ipinahukay nito ang isang marangal na lalaki at pinagbitangan na isang erehe dahil sa hindi nito pagkumpisal.
Ito ay ikinagalit ni Padre Damaso lalo nang kanyang maalala ang mga nawalang kasulatan. At sila na ma’y inawat ni Padre Sibyla upang makalma ang Padre. At nagpatuloy pa ang mga diskusyunan sa naturang handaan.
Karagdagang Kaalaman: Alam mo ba?
- Guardia Civil: ang taguri sa mga puwersa ng pulis o militar noong panahon ng Espanyol.
- Indio: tawag ng mga Espanyol sa mga katutubo ng Pilipinas. Negatibo ang kahulugan ng salitang ito sapagkat ito ay ginagamit bilang pang-aalipusta sa mababang kalagayan ng mga Pilipino.
Mensahe at Implikasyon ng Kabanata:
- Ang kabanata 1 ay ang eksposisyon o unang bahagi ng nobela. Sa bahaging ito ay naipakilala ang ilan sa mga tauhan na magkakaroon ng malaking gampanin sa nobela tulad ni Padre Damaso at Kapitan Tiyago.
- Ipinakita rin sa akda ang antas sa lipunan kung sino lamang ang maaaring makadalo sa isang salu-salo o handaan
- Ipinakita rin sa akda ang mababang pagtingin ni Padre Damaso sa mga Pilipino kung saan ang tawag niya dito ay mga Indio.
- Masasabing si Kapitan Tiyago ay isang Pilipinong tumatalikod sa kanyang sariling bayan, mas pinipili niyang makisalamuha sa mga Kastilang umaalipusta sa mga Pilipino. Ang kabutihang kanyang ipinapakita ay palaging may kapalit.
- Noong panahon ng mga Kastila ang mga Pilipino ay pawang sunod-sunuran lamang sa mga Kastila kaya naman hindi ganito ang nais ni Kapitan Tiyago nais nya ring maging makapangyarihan.
- Isa sa mga kaisipang binigyang-diin sa araling tinalakay ay ang negatibong pagtingin ni Padre Damaso sa mga Pilipino. Sa tinalakay na kabanata ay tinawag ng pari ang mga Pilipino bilang mga Indio-isang negatibong pangalang itinawag ng mga Espanyol sa ating mga ninuno na nangangahulugang tamad, mangmang, at mapagwalambahala.
- Marahil bawat Pilipino at hindi sasang ayon o hindi matutuwa sa bansag na ito. Marahil bawat isang Pilipino ay magpapatunay na ang lahing Pilipino ay hindi karapat-dapat mabansagang Indio. Naniniwala ang marami na naganap ito dahil ang ating mga ninuno ay biktima ng paniniil, pagmamalupit, at pang-aabuso ng mga Espanyol na nagkait ng pagkakataon sa mga Pilipinong mapaunlad ang kanilang sarili.