BATA si Kapitan Tiago kaysa tunay niyang edad. Maipagkakamaling tatlumpu o tatlumpu’t limang taong gulang lamang siya. Pandak at kayumanggi. Bilugan ang mukha at mataba. Ayon sa kanyang mga kaibigan, ang katabaan niya ay biyaya ng langit. Ngunit para naman sa kanyang mga kaaway, iyon ay dahil sa pagsasamantala niya sa mga dukha. Laging aliwalas ang kanyang mukha at may mga matang hindi masinagan ng ano mang emosyon. Itim na itim ang buhok na mahaba sa harap at maikling-maikli sa bandang likod. Maliit at bilugan ang kanyang ulo na ayos sa ilan ay siksik sa katalinuhan. Katamtaman ang hugis ng kanyang ilong. Masasabing guwapo siya kung hindi lamang siya tatawa at lalabas ang mga ngiping sungki-sungki dahil sa pananabako at pagnganga ng hitso na laging nakabukol sa kanyang pisngi. Gayon man ay puting-puti pa rin ang kanyang mga ngipin na dalawa ay pustiso na binayaran niya ng dose pesos bawat isa sa nagsasaayos na dentista.
Kinikilalang pinakamayaman sa Binondo si Kapitan Tiago. Marami siyang lupain sa Pampanga at baybayin ng Laguna de Bay, lalo na sa San Diego, na ayon sa marami ay tinataasan niya ng renta taon-taon. Paborito niya ang San Diego dahil sa mga alaala roon ng kanyang nakaraan. Taon-taon ay nagbabakasyon siya roon nang may dalawang buwan. Marami siyang ari-arian sa Sto. Cristo at sa Anloague at Rosario. Sosyo sila ng isang Intsik sa negosyo ng opium na nag-aakyat sa kanya ng limpak-limpak na salapi. May konsesyon siya sa pagkain ng mga preso at may kontrata sa kabayo sa iba’t ibang kompanya.sa ngayon, si Kapitan Tiago ay maligaya. Pinagpapala siya ng Diyos, malakas siya sa gobyerno, at kasundo siya ng mga tao.
Hindi mapabubulaan na pinagpala siya ng Diyos. Mayaman siya at naipananalangin siya sa Diyos ng kanyang salapi. Nilikha ng Diyos ang makapangyarihang mga pari para siyang magmisa at manalangin nang hayagan. Tungkol naman sa mga nobena at pagrorosaryo, dahil sa walang-hanggang awa at kabutihan ng Diyos ay nilalang niya ang mga dukha para sa kapakanan ng mayayaman. Sa halagang piso ay mauupahan ng mayayaman ang mga dukha para ipagdasal sila ng labing-anim na misteryo at ipagbasa ng lahat ng aklat-dasalan. Kung daragdagan ang upa ay babasahin na siguro pati ang Bibliya.
Walang kaduda-dudang kasundo siya ng gobyerno at masunurin siya sa batas. Mahirap sigurong paniwalaan pero maging ang pinakamababang pinuno ng ano mang opisina ay sumusunod sa kanya. Nagreregalo siya ng hamon, baboy, pabo, prutas mula sa Tsina. Nakikiayon siya sa mga pumipintas sa mga Pilipino, palibhasa’y ipinalalagay niyang hindi siya Pilipino. Kung minsan ay mas sobra pa siyang mamintas. Kapag may umaatake naman sa mga mestisong Sangleyo at mestisong Kastila, katulong din siya sa pag-atake. Itinuturing niya kasing isa siyang tunay na Kastila. Siya ang kauna-unahang pumupuri sa pagpapataw ng panibagong buwis, lalo na kung may nasisilip siyang pagkakakitaan dito.
Naging gobernadorcillo siya sa malaking komunidad ng mga mestizo sa kabila ng pagtutol ng marami sapagkat hindi siya kinikilalang mestizo. Sa loob ng dalawang taong panunungkulan ay nakasira siya ng sampung prak, sampu ring sumbrerong de-kopa, at anim na bastong may borlas. Suot niya ang prak at sumbrero kahit saan magtungo, kahit Ayuntamiento, sa Malakanyang, sa kuwartel, sa sabungan, sa palengke, sa prusisyon, at sa pagtungo sa mga tindahan ng Intsik. Dahil dito, itinuturing siyang isang mabuting tao ng mga nasa poder. May magandang ugali, tahimik, masunurin, at hindi nagbabasa ng mga babasahing galing sa Espanya bagaman matatas siya sa Kastila. Ano pa’t ang pagtingin nila sa kanya ay paris ng pagpapahalaga ng isang dukha sa kanyang lumang sapatos. Ngunit para sa mga taong hindi niya kapanalig, si Kapitan Tiago ay paris din nil ana ito ay walang awa, malupit, at mapagsamantala sa mga nagigipit. Para naman sa mga natataasan niya, siya ay mapangahas at mapang-alipin. Gayon man, hindi pinapansin ni Kapitan Tiago ang lahat ng ito. Panatag pa rin ang kanyang kalooban.
Anak si Kapitan Tiago ng isang may tubuhan sa Malabon. Nakaririwasa bagaman hindi gaanong mayaman. Hindi siya pinag-aral ng kanyang magulang kaya’t namasukan siyang utusan sa isang mabait na Dominiko na siyang nagturo sa kanya ng iba’t ibang karunungan. Napangasawa ni Santiago si Pia Alba ng Santa Cruz. Maganda ito. Balingkinitan ngunit malusog at kaakit-akit ang tindig. Naging katulong niya ang babae sa pagpapayaman at ito rin ang nagbigay-pangalan sa kanya sa lipunan. Naging matalik nilang kaibigan si Padre Damaso nang makabili silang mag-asawa ng malawak na lupain sa San Diego. Naging kaibigan din nila roon si Don Rafael Ibarra na siya naming pinakamayamang negosyante sa bayang iyon.
May anim na taon na silang nagsasama ngunit hindi nagkaanak kaya’t ipinasya ni Donya Pia na mag-nobena. Namanata siya sa Birhen ng Kaysasay sa Taal. Naglimos. Nagsayaw nang nakabilad sa araw sa harap ng Birhen ng Turumba sa Pakil. Nang wala ring mangyari ay pinayuhan siya ni Padre Damaso na dumayo naman sa Obando at magsayaw sa kapistahan ni San Pascual Bailon para magkaanak. Tatlo ang pintakasi Obando Nuestra Señora de Salambaw, Santa Clara, at San Pascual Bailon na siyang nagbibigay ng anak na lalaki o babae ayon sa kahilingan ng may panata. Sinunod ito ni Donya Pia at nagbuntis siya. Ngunit sa panahon ng kanyang paglilihi ay naging malungkutin siya. Hindi man lamang mangiti hanggang sa mahulog ang katawan. Matapos dapuan ng matinding lagnat ay namatay siya makaraang isilang ang magandang sanggol na babae. Inanak ito sa binyag ni Padre Damaso at pinangalanang Maria Clara sa karangalan ng Brihen ng Salambaw at Santa Clara.
Lumaki si Maria Clara sa piling ng kanyang Tiya Isabel. Malaking bahagi ng isang taon ang inilalagi niya sa San Diego. Bagay sa kanya ang klima roon at dahil din sa malapit na labis sa kanya si Padre Damaso.
Hindi namana ni Maria Clara ang singkit na mata ng kanyang ama. Malalaki ang kanyang mata, itim na itim at may mahahabang pilik. Mga matang may kislap ng sigla at waring nangangarap kung naglalaro; malungkot at namumungay naman na tila nag-iisip kapag hindi siya ngumingiti.
Mamula-mula ang kulot niyang buhok noong siya’y bata pa. Katamtaman ang tangos ng kanyang ilong. Minana rin ni Maria Clara sa ina ang makipot niyang bibig, gayon din ang malalalim na biloy sa magkabilang pisngi. Mistulang bulak sa puti ang malabalat-sibuyas niyang kutis ayon sa tuwang-tuwa niyang mga kamag-anak.
Ipinaliwanag ng kaniyang Tiya Isabel na bunga ng paglilihi ni Donya Pia ang pagka-mestisa ni Maria Clara. Noon daw ay madalas na makitang umiiyak si Donya Pia sa harap ng imahen ni San Antonio. Gayon din ang paniwala ng isang pinsang babae ni Kapitan Tiago, pero ang sinabing napaglihian kay Maria Clara ay ang Birhen o si San Miguel. Ayon naman sa pinsan ni Kapitan Tinong ay impluwensiya ng mga planeta ang pagka-mestisa ng bata.
Mahal na mahal ng lahat si Maria Clara. Kapag sumasama siya sa prusisyon ay mga prayle ang nag-aasikaso sa kanya. Binibihisan siya ng puti. Nilalagyan ng bulaklak ng azucena o sampaga ang malago at kulot niyang buhok. Nilalagyan pa siya ng dalawang maliliit na pakpak sa likod na yari sa pilak at ginto. May inilalagay pang dalawang puting kalapati sa mga kamay niyang may lasong asul. Masigla siya at madaldal. Baliw na baliw sa katuwaan sa bata si Kapitan Tiago. Dahil sa pagmamahal niya rito ay madalas tuloy mapuri ang mga pintakasi sa Obando.
Sa mga bansang tropikal, ang isang babaeng nasa pagitan ng labintatlo at labing-apat na taon ay maituturing nang dalaga. Isang namumukadkad na bulaklak. Ito ang gulang ni Maria Clara nang ipasok siya sa kumbento ng Santa Catalina sa payo ng kura paroko sa Binondo. Luhaan siyang nagpaalam kay Padre Damaso at sa tanging kaibigan at kababatang si Crisostomo Ibarra na hindi nagtagal ay naglakbay naman sa Europa. Pitong taon nakulong sa kumbento si Maria Clara na maaari mang dalawin ay pinapayagan lamang makipag-usap sa siwang ng nakapagitang mga rehas habang nakabantay ang mahigpit na madre.
Nahalata nina Kapitan Tiago at Don Rafael ang matamis na pagtitinginan nina Crisostomo at Maria Clara kaya’t napagkaisahan nilang ipakasal ang dalawa ilang taon makaraang maglakbay ang binata. Ang ganitong kasunduan ng kanilang mga magulang ay labis naming ikinagalak ng dalawang magkasuyo kahit na magkalayo sila sa magkaibayong sulok ng daigdig.