Kasalukuyang naghahapunan sina Linares, Tiya Isabel, at Kapitan Tiyago. Hindi sumalo si Maria Clara sapagkat ayaw niyang makaharap si Linares. Hinihintay niya ang pagdating ni Ibarra. Si Padre Salvi ay balisang nagyayao’t dito sa salas.
Sa sandaling yaon ay inihudyat ng orasan ang ikawalo. Ang Kura ay naupo sa isang sulok na nanghihilakbot.
Kakatapos pa lamang ng dasal nang dumating si Ibarra. Tumindig si Maria Clara upang salubungin siya nang biglang umalingawngaw ang maraming putok. Si Ibarra ay napatigalgal at naumid samantalang si Padre Salvi’y nangubli sa isang haligi. Sina Kapitan Tiyago, Tiya Isabel, at Linares ay natatakot na pumasok sa salas na sumisigaw ng “Tulisan! Tulisan!”
Ang lahat ay gulong-gulo. Tanging si Ibarra lang ang parang tuod sa kinatatayuan. Patuloy ang sigawan at putukan kasabay ng pagsasara ng mga bintana at pintuan.
Nang manumbalik ang katahimikan, narinig ang Alperes na sumisigaw: “Padre Kura, Padre Salvi! Manaog kayo. Wala na tayong dapat ikatakot.”
Ang Kura’y namumutlang nanaog. Si Ibarra’y nanaog na rin. Ang mga paa niya’y waring hindi sumasayad sa lupa; at ang tainga niya’y walang nakikita kundi naghahalinhinang alon ng dugo, dilim, at liwanag. Siya’y natitispd kahit maliwanag ang buwan dahil sa walang taros na paglalakad.
Nakita niya sa tabi ng kuwartel ang mga guardia civil na nakabayoneta pa at maingay na nag-uusap kaya’t hindi siya napansin. Sa may tribunal, naririnig niya ang mga kalabog, sigawan, daingan, at pagtutungayawan ng mga tao gayon din ang malakas na sigaw ng Alperes.
“Dalhin iyan sa pangaw at lagyan ng posas ang mga kamay. Barilin ang kikilos! Kapitan, pigilin ang lahat na naglalakad. Huwag kayong matutulog!”
Nagmamadaling umakyat ng kaniyang bahay si Ibarra at iniutos sa alilang lagyan siya ng pinakamatuling kabayo niya. Nagtuloy siya sa kaniyang laboratory at isinilid sa isang supot ang lahat ng salaping nasa kahong-bakal. Inipon niya ang mga alahas at kinuha ang larawan ni Maria Clara. Pagkatapos, nagsakbat ng isang balaraw at dalawang rebolber at lumapit sa sisidlan ng mga kasangkapan.
Ilang sandal pa’y dumating ang mga guardia civil at siya’y dinakip. Sumungaw siyang nakakasa ang rebolber ngunit hindi niya itinuloy ang balak.
Upang hindi mapuna ang kaniyang paghahanda sa pagtakas, kinuha agad ni Ibarra ang kanyang sombrero at sumama sa mga kawal. Pinabayaan siyang walang gapos sa kasunduang hindi siya magtatangkang tumakas.
Samantala, tumatakbong umalis si Elias sa tahanan ni Ibarra na walang tiyak na patutunguhan. Narating niya ang gubat at baybayin ng dagat na palingon-lingon na parang hinahabol siya ng mga anino ng kaniyang mga ninuno. Para ring nakikita niya sa bawat sanga ang duguang ulo ni Balat na kanyang amain. Gayundin ang bangkay ng kaniyang kapatid na babae. Lahat sila ay tila nanunurot at nanunumbat kay Elias at tinatawag siyang “Duwag! Duwag!”
Napaluhod si Elias sa dalampasigan. Tumayo siya at lumakad patungo sa kalaliman ng lawa. Ang tubig ay hanggang dibdib na niya ngunit ang isipan niyang tila nakalimot ay muling nagbalik sa katotohanan nang marinig niya ang sunod-sunod na putok na nagmumula sa bayan. Umahon siya at tinungo ang bayan. Hindi niya alam kung anong lakas ang nagtutulak sa kanya.
Ang buong bayan ay tahimik. Tinalaktak niya ang mga halaman at taniman hanggang sa makarating sa dulo ng bayan na kinatatayuan ng bahay ni Ibarra. Nakita niya ang mga utusan na nag-uusap sa may pinto ukol sa pagkadakip kay Ibarra.
Nang malaman ni Elias ang nangyari, lumundag siya sa bakod na bato sa likuran at umakyat sa bintana. Pumasok siya sa laboratoryo. Nakita niya ang mga aklat, kasulatan, mga sandata, at mga supot na sinisidlan ng salapi at mga hiyas. Ang mga kasulatan ay makapipinsala kay Ibarra kaya inisip niyang ibaon ang mga ito.
Nagbago ang isip ni Elias. Tinipon niya ang lahat ng mga kasulatan at sinindihan. Isinakbat niya ang mga sandata at inilagay sa supot ang larawan ni Maria Clara.
Namilit ang mga guardia civil na papasukin sila sa bahay ni Ibarra ngunit ayaw silang pagbuksan ng mga utusan ni Ibarra. Sa pamamagitan ng kanilang kulata ay nakaakyat ang mga ito. Subalit hindi sila nakatuloy sa loob sapagkat sinalubong sila ng bugal-bugal na apoy. Umabot ito sa maliit laboratory kaya sumiklab at sumabog ang mga sangkap ng gamot.
Walang nagawa ang mga guardia civil kundi ang umurong. Kalat na ang apoy at mabilis na tinutupok ang kabahayan ni Ibarra.