NAGKUKUBLI ang buwan sa likod ng mga ulap. Ang malamig na hanging hatid ng Disyembre ay pumapagaspas sa mga tuyong dahon at alikabok sa makitid na landas patungo sa libingan.
Tatlong anino ang nagbubulungan sa may pintuan
“Nakausap mo ba si Elias?” tanong ng isang tinig. “Hindi. Alam mo naman kung gaano siya katipid magsalita. Pero tiyak na kaisa natin siya. Iniligtas ni Don Crisostomo ang kanyang buhay.”
“Kaya naman sumapi ako,” wika ng unang tinig. “Si Don Crisostomo ang nagpagamot sa misis ko sa klinika ng isang doktor sa Maynila. Pupunta ako sa kumbento para makipagtuos at singilin ang pari sa mga pagkakasala niya sa akin.” “Pupunta naman ako sa kampo para, ipakita sa mga guardia civil na may mga anak na lalaki ang ating mga ama.”
“Ilan kayo?”
“Lima. Tama na ang lima. Sabi ng ahente ni Don Crisostomo ay dalawampu kaming lahat-lahat.”
“Kung hindi kayo magtagumpay?”
“Ssshhh! Huwag kayong maingay!” wika ng isa at natahimik ang lahat. Isa pang anino ang makikitang palapit na namamaybay sa bahagyang natatanglawang pader ng sementeryo. Paminsan-minsan ay humihinto siya at lumilingon. Dalawampung hakbang mula sa kanyang kinaroroonan ay may sumusunod na isa pang anino. Higit itong malaki. Kung minsan ay bigla itong nawawala na para bang nilalamon ng lupa tuwing hihinto at lilingon ang unang anino. “May sumusunod sa akin,” naisip ni Lucas. “Hindi kaya guardia civil? Binola
kaya ako ng sakristan mayor?” “Sabi nila ay dito ang tagpuan,” bulong ni Elias na siya palang aninong sumusunod. May masamang balak yata na inililihim sa akin ang magkapatid.” Sa wakas ay sinapit din ng unang anino ang pintuan ng sementeryo at sinalubong siya ng tatlong naghihintay.
“Ikaw na ba?”
“At kayo na rin ba?”
“Maghiwa-hiwalay tayo. May sumusunod sa akin Matatanggap ninyo ang mga armas bukas…bukas ng gabi. Tandaan ninyo na ang sigaw ay ‘Mabuhay si Don Crisostomo! Lakad na!” Nawala ang tatlong anino sa kabila ng pader. Nagkubli si Lucas sa may pintuan at walang imik na naghintay. “Ngayon, malalaman ko kung sino ang sumusunod sa akin,” bulong niya sa sarili. Buong ingat na humakbang na papalapit si Elias. Pagkatapos ay huminto at nagpalinga-linga.
“Naatraso ako. Pero baka sakaling magbalik sila.” Biglang umambon kaya’t ipinasiya ni Elias na sumilong sa may pintuan.
Dahil dito ay nagkaharap sila ni Lucas sa gitna ng dilim.
“Sino ka?” tanong ni Elias
“At ikaw, sino ka rin?” mahinahong tugon ni Lucas. Saglit silang nanahimik. Bawat isa ay nagsisikap na kilalanin ang tinig ng isa’t isa. “Ano ang hinihintay mo rito?” tanong ni Elias. “Hinihintay ko ang alas-otso, Ibig kong ipili ako ng mga patay ng masuwerteng baraha. Ibig kong manalo sa sugal ngayong gabi, tugon ni Lucas “Ikaw naman?” “Pareho mo rin.”
“Mabuti. May makakasama ako. May mga baraha ako rito. Sa sandaling tumunog ang alas-otso ay bubunot ako ng dalawang baraha. Pagkatapos ay dalawa uli. Kapag kumilos ang baraha ay tiyak na iyon ang pinili ng patay at kailangang makipag-agawan tayo sa mga kaluluwa. May dala ka rin bang mga baraha?”
“Wala!”
“E, paano ka na?”
“Ikaw ang bumabalasa para sa mga patay.Ako naman ay naghihintay na ang mga patay ang bumalasa para sa akin.”
“Kung hindi nila gawin?” “Wala tayong magagawa.Hindi pa naman kasi sapilitan ang pagsusugal para sa mga patay.” Saglit silang hindi nag-imikan.
“May sandata ka ba? Paano ka makikipaglaban sa mga kaluluwa?”
“Tinamaan ng lintik! Naalala ko na. Hindi nga pala pipili ng masuwerteng baraha ang mga patay kapag sobra sa isa ang taong kaharap, at dalawa tayo rito.”
“Sa pamamagitan ng kamay, tugon ni Elias.
“Siyanga ba? Aba, hindi ako aalis dito!”
“Ako rin. Kailangan ko ang pera, tugon ni Lucas. “Ngunit may paraan.
Magsugal muna tayo. Ang matalo ay siyang aalis.” .
“Payag ako,” bantulot na wika ni Elias
“O, sige. May posporo ka ba?”
Pumasok sila sa sementeryo at naghanap ng isang angkop na lugar. Namataaan nila ang isang nitso at doon naupo. Kinuha ni Lucas ang kanyang mga baraha sa sumbrerong buli at nagkiskis naman ng posporo si Elias. Nang magliwanag ay nagkatitigan ang dalawa ngunit hindi pa rin nagkakakilanlan “Ikaw ang umalsa,” ani Lucas nahindi inaalis ang tingin kay Elias. Pinaalis niya ang mga butong nasa ibabaw ng nitso at pagkatapos ay inilatag ang isang alas at kabayo. Patuloy naman sa pagkikiskis ng posporo si Elias. “Sa kabayo ako,” anya at minarkahan ng buto ng gulugod ang napiling baraha.
“Okey,” ani Lucas, at pagkaraang bumunot ng apat o limang baraha ay lumitaw ang alas. “Talo ka na,” anya, “Ngayon, iwan mo na ako rito.” Walang imik na umalis si Elias at naglaho sa dilim.
Pagkaraan ng ilang minuto ay inihudyat ng kampana ang alas-otso ng gabi para sa mga banal na kaluluwa. Gayon man, ni hindi tinangka ni Lucas na makipagsugal sa mga patay o tawagan ang mga kaluluwa ayon sa pamahiin.
Sa halip ay nag-alis ng sombrero at umusal ng ilang panalangin, paulit-ulit na nagkurus at nag-antanda.
Magdamag na umulan. Nang mag-alas-nuwebe ay wala nang tao sa madilim na lansangan. Ang mga ilawang langis sa mga bintana ng bawat tahanan bahagya nang makatanglaw. Waring sinindihan lamang ang mga ito upang higit na pag-ibayuhin ang dilim ng gabi.
Dalawang guardia civil ang palakad-lakad sa lansangan sa malapit sa simbahan. “Maginaw,” wika ng isa saTagalog ngunit may puntong Bisaya. “Wala pa tayong nahuhuli sa mga utusan ng pari at kailangan pa nating kumpunihin ang manukan ng tenyente. Mula nang mamatay ang taong iyon ay wala nang nangahas nalumabas ng kalye sa gabi. Naiinis na ako.” “Ako rin!” ayon sa isa. “Walang nakawan. Walang gulo. Salamat na lamang at sabi nila ay naririto si Elias. Sabi ng tenyente, sino mang makahuli sa kanya ay hindi lalatiguhin sa loob ng tatlong buwan.” “O, natatandaan mo na ba kung anong talaga ang hitsura niya?” tanong ng may puntong Bisaya. “Siyempre naman. Matangkad ayon sa tenyente, katamtaman ayon kay Padre Damaso. Kayumanggi. Itim ang mata at buhok, regular ang tangos ng ilong. Regular ang bibig. Walang balbas.” “Ano ang pagkakakilanlan sa kanya?”
“Itim ang pantalon, itim ang pang-itaas, mamumutol ng kahoy.” “Hindi na siya makaliligtas Para ko na siyang nakikita”
“Hindi ko na siya maipagkakamali sa iba. Kahit na magkakahawig pa sila.” Nagpatuloy sa pagpapatrulya ang dalawang guardia civil.
Samantala, minsan pang dalawang anino ang makikitang naglalakad sa tanglaw ng ilawan sa lansangan. Maingat na magkasunod. Isang marahas na sigaw na “Sino ‘yan?” ang nagpatigil sa kanila. Kumikinig ang boses ng isa nang sumagot, “Viva Espanya!”
Hinawakan siya sa bisig ng isang guardia civil at inilapit sa ilaw upang makilala. Siya si Lucas, ngunit naghihinala ang tingin ng sundalo.
“Walang sinabi ang tenyente tungkol sa peklat,” anang sundalong Bisaya.
“Saan ka pupunta?”
“Magpapamisa ako para bukas.” “Nakita mo ba si Elias?”
“Hindi ko po siya kilala,” tugon ni Lucas.
“Hindi ko itinatanong kung kilala mo, gago. Kami man ay hindi rin namin siya kilala. Ang itinatanong ko ay kung nakita mo.”
“Hindi po
“Buweno. Makinig ka. Ilalarawan ko siya sa iyo. Taas: matangkad kung minsan. Katamtaman kung minsan. Mata at buhok: Itim.Ang iba pa:katamtaman. Ngayon,” tanong ng Bisaya, “kilala mo ba siya?” “Hindi po,” nalilitong tugon ni Lucas.
“Kung gayon ay lakad na, gago!”
“Alam mo ba kung bakit ayon sa tenyente ay matangkad si Elias samantalang ayon sa pari ay katamtaman lamang?” tanong ng Tagalog sa Bisaya. “Hindi.”
“Sapagkat nakahilata sa putik ang tenyente nang makita si Elias.”
“Aba, tama nga!” bulalas ng Bisaya. “Matalino ka. Paano kang naging guardia civil?”
“Hindi ako dating sundalo. Dati ay smuggler ako,” tugon ng Tagalog. Ngunit namataan nila ang ikalawang anino. Sinita nila ito at dinala sa liwanag. Nagkataong ang lalaking iyan ay si Elias.
“Saan ka pupunta?”
Pupuntahan ko po ang taong nang-insulto at nanggulpi sa kapatid kong lalaki. May peklat po siya sa mukha. Ang pangalan niya ay Elias.” “Ano?” bulalas ng mga guardia civil at nagkatinginang kapwa nakanganga.
Pagkatapos ay mabilis na nagsisugod sa simbahan na tinunguhan ni Lucas.