TAPOS na ang pista, at gaya ng iba pang mga taon ay nadama ng mga mamamayan ang lalo pang kahirapan. Ang kanilang mga pinaghirapan, pinagpawisan, at pinagpuyatan ay hindi naman nakasiya sa kanila o naging daan ng bagong pakikipagkaibigan. Sa madaling sabi’y pinagbayaran nila nang mahal ang lahat ng pagkakatuwa at mga naging bunga niyon. Tiyak na gayon din ang mangyayari sa susunod na taon at mga dantaon. Ito’y kaugalian ng bayan.
Mapanglaw sa tahanan ni Kapitan Tiago. Nakasara ang lahat ng bintana. Patiyad lumalakad ang bawat isa. Sa kusina lamang nakapag-uusap nang malakas. May sakit si Maria Clarang siyang buhay sa tahanang iyon. Mababakas sa bawat mukha ang kalubhaan ng kaniyang sakit katulad ng pamamakas ng karamdaman ng kaluluwa sa kaanyuan ng tao.
“Ano sa palagay mo, Isabel?” paanas na tanong ng balisang ama ni Maria Clara. “Magdodonasyon ba ako sa Banal na Krus ng Tunasan o sa Banal na Krus ng Matahong? Lumalaking gaya ng punong-kahoy ang Banal na Krus sa Tunasan, pero pinapawisan namang gaya ng tao ang nasa Matahong. Alin sa palagay mo ang mas milagroso?”
Pinag-isipang mabuti ni Tiya Isabel ang tanong, umiiling, at bumubulong: “Lumalaki… tiyak na mas milagroso ang lumalaki kaysa nagpapawis. Lahat tayo ay pinagpapawisan, ngunit hindi lahat ay lumalaki.”
“Totoo ‘yon, Isabel, totoo nga ‘yon. Pero, tingnan mo ang pinagpapawisan… isang kapirasong kahoy na karaniwang ginagawang bangko ay pinagpapawisan, hindi iyon basta-bastang milagro. O, bweno, mabuti pa’y magdonasyon sa dalawa para walang sinumang maghinanakit, saka madadali pang gumaling si Maria Clara. Handa na ba ang mga silid? Alam mong ilang kamag-anak ni Padre Damaso na di natin kilala ang darating kasama ang doktor. Dapat na nasasaayos ang lahat.”
Sa kabilang dulo ng komedor, ang magpinsang sina Sinang at Victoria na nag-aalaga kay Maria Clara ay naglilinis ng mga kasangkapang pilak. Tinutulungan sila ni Andeng.
“Kilala ba ninyo si Dr. Espadaña?” interesadong tanong ni Victoria sa kapatid sa truing ni Maria Clara.
“Hindi”, sagot niyon. “Ang alam ko lang ay mahal siyang sumingil ayon kay Kapitan Tiago.”
“Siguro’y mahusay siya,” sabi ni Andeng. “Napakamahal sumingil ‘yong umopera kay Donya Maria, siguro’y mahusay siyang doktor.”
“Loka!” malakas na wika ni Sinang. “Hindi ibig sabihin na kapag mahal magpabayad ang doktor ay mahusay na nga siya. Halimbawa’y si Dr. Guevarra. DInaskol-daskol ‘yong huling pagpapaanak, kamuntik nang mapilipit ang ulo ng kawawang sanggol at pagkatapos ay siningil ng singkuwenta pesos ang nabalong lalaki. Ang gayong mga dokor ay walang nalalaman kundi ang maningil.”
“Ano naman ang alam mo tungkol sa gayong mga bagay?” usisa ng kanyang pinsan at siniko siya.
“Parang di ko alam! Ang asawa, isang magtotroso ay hindi lamang nawalan ng kabiyak, kundi gayon din ng kanyang bahay. Dahil kaibigan ng doktor ang gobernador-probinsiyal, kaya pinabayaran ang sinisingil ng doktor. Natural na alam ko ang sinasabi ko! Ang tatay ko ang nagpahiram sa kanya ng pera para makapunta sa kapitolyo.”
Naputol ang kanilang pag-uusap sa paghinto ng isang karwahe sa tapat ng bahay.
Patakbong nanaog si Kapitan Tiago na kasunod si Tiya Isabel upang salubungin ang mga bagong dating. Sila’y sino Doktor Don Tiburcio de Espadaña ang asawa niyang si Madam Donya Victorina de los Reyes de Espadaña, at isang binatang Kastilang nakakaakit ang mukha at may nakahahalinang kilos.
Naka-gawn nang maluwag si Donya Victorina. Nabuburdahan iyon ng mga bulaklak. Ang kanyang sombrero ay may malaking pumpon ng mga dahong sarisari and kulay na iniipit ng pula’t asul na mga laso. Ang naalikabukang make-up sa kanyang mga pisngi ay nagpapatingkad sa kanyang mga kulubot. Akay pa rin niya ang pilay na asawa para nang sila’y nasa Maynila.
“Ikinagagalak kong ipakilala ang aming pinsan, si Don Alfonso Linares de Espadaña,” wika ni Donya Victorina sabay ng pagtango sa kinatatayuan ng binate. “Inaanak siya ng kamag-anak ni Padre Damaso, at pribadong sekretaryo ng mga miyembro ng gabinete….”
Malugod na yumukod ang binata. Kamuntik nang halikan ni Kapitan Tiago ang kamay niyon.
Kuwarenta’y singko na si Donya Victorina, pero ipinagsasabi niyang trenta’y dos lamang siya. Sabi niya ay maganda siya nang kanyang kabataan at balingkinitan ang kanyang katawan. Lubha niyang hinahangaan ang sarili. Gayon na lamang ang oagtanggi niya sa marami niyang tagahangang Pilipino. Ang pangarap niya’y makapag-asawa ng dayuhan. Tumanggi siyang ipagkaloob ang maputi niyang kamay sa sinumang lalaki, hindi dahil sa kawalan ng tiwala, pagkat madalas niyang ipagkaloob ang pinakamamahal na hiyas sa di-mabilang na adbenturerong katutubo at banyaga.
Anim na buwan bago naganap ang lahat ng iyon ay nakita niya ang katuparan ng pinakamagandang pangarap niya sa buhay. Pangarap na nagin kapalit ng kanyang kabataan at ng mga pangako ng pag-ibig na noo’y ibinubulong sa kanya ni Kapitan Tiago o inaawit sa mga harana. Totoong huli na nga nang matupad ang kanyang pangarap. Pero, kahit na masamang mangastila si Donya Victorina ay mas asal-Kastila pa siya kaysa kay Agustina na siyang bayani ng Zaragoza nang lubusin ito ng tropa ni Napoleon. “Huli ma’t magaling ay maihahabol din,” kunsuwelo na niyang ulitin ito sa sarili. “Walang kompletong kasiyahan sa mundo,” paborito niyang kawikaan. Pero, sinasarili lamang niya ang mga ito at hindi inuulit sabihin ng ibang tao.
Ginugugol ni Donya Victorina ang panahon ng kanyang una, ikalawa, ikatlo, at ikaapat na kabataan, gayundin ang maraming gabi ng pagpupuyat sa pamimili ng mapapangasawa. Nang dakong huli ay kinailangang pagtiyagaan niya ang inilaan sa kanya ng kapalaran. Kung ang kaawa-awang babae ay talumpu’t isang tagsibol at hindi tatlumpu’t dalawa—napakalaking diperensiya anga agwat ayon sa kanyang kwenta—hindi sana niya tinanggap ang alok ng kapalaran para hintayin ang higit na makatutugon sa kanyang panlasa.
Subalit nagbabalak lamang ang tao, at pangangailangan ang nagpapasiya. Mahigpit na ang pangangailangan niya ng asawa, kaya napilitan siyang pagtiyagaan ang isang pobreng lalaking itinakwil ng sariling bayan, ang Extremadura sa Espanya. Nagpalaboy-laboy siya sa buong mundo na tulad ng isang makabagong Ulysses nang may anim o pitong taon. Sa wakas ay natagpuan niya sa Pulo ng Luzon ang mapagbigay na mga tao, salapi, at isang kabiyak na nilipasan na ng panahon at maasim pa kaysa dalandan.
Siya’y si Tiburcio Espadaña. Gayong tatlumpu’t lima lamang ay mukhang matanda sa talagang edad, pero bata pa ring tingnan kaysa kay Donya Victorina na tatlumpu’t dalawang taong gulang lamang noon. Madaling tipunin ang mga dahilan nito, ngunit mahirap maipahayag. Nagtungo siya sa Pilipinas bilang isang mababang opisyal ng customs. Sa kasamaang-palad, bukod sa nagkasakit siya sa barko at napilayan at natanggal pa siya sa trabaho nang labinlimang araw na kararating niya sa Pilipinas, at nang ubos na ang kahuli-hulihan niyang sentimo.
Hindi niya ginustong magbalik sa Espanya nang walang magandang suwerte, kaya’t naghanap siya ng trabaho. Ang pride ng Espanya ay hindi nagpahintulot na maging trabahador siya. Handa sana niyang pasukina ng ano mang malinis na hanapbuhay, ngunit ang prestihiyo ng Espanya ay dapat pahalagahan kahit hindi niyon mapangalagaan ang pangangalaingan ng kanyang tiyan.
Sa simula ay namuhay siya sa tulong ng kanyang mga kababayan, subalit matapat si Tiburcio kaya’t may kapaitan niyang tinanggap ang gayong kawanggawa. Namayat siya. Dahil wala siyang kakayahan, salapi, o koneksiyon ay pinayuhan siya ng kaniyang mga kababayan na magtungo sa mga probinsiya at magkunwaring manggagamot. Tumanggi siya sa simula dahil kahit na naging atendant siya sa ospital ng San Carlos sa Madrid ay wala siyang natutuhang anuman sa medisina. Tagapunas lamang siya ng mga bangko at tagailaw, at ito man ay sandal lamang. Subalit gawa ng mahigpit na pangangailangan at sa kauudyok ng kanyang mga kaibigan ay nagtungo na rin siya sa mga probinsiya, nanggamot, at nagpabayad ng halagang siyang idinidikta ng kanyang konsensiya. Nang malaon ay naningil na siya nang mahal kaya’t napabalita siyang isang mahusay na manggagamot. Yumaman na sana siya kung hindi nabalitaan ng Board of Medical Examiners sa Maynila ang tungkol sa pagpapabayad niya nang mahal at naging kaagaw na siya ng iba pang mga doktor.
“Bayaan na siyang makaipon ng kaunting halaga.” Payo kay Dr. C ng ilang pribadong tao at propesor. “ Kapag nakaipon na iyan ng anim o pitong libong piso ay makauuwi na siya at makapamumuhay nang tahimik. Kung sabagay, ano ba ang kuwenta n’yan sa iyo? Nakaloko siya ng mga katutubo—aba’y dapat na maging matalino sila! Huwag mong agawan ng pagkain ang kawawang tao. Maging mabuti kang Kastila!”
Lahat ng miyembro ng Board ay mabubuting Kastila at napagkasunduan nilang ipagwalang-bahala ang mga nangyari. Nabalitaan din ito ng mga taong-bayan kaya’t unti-unting nawalan ng pasyente si Don Tiburcio Espadaña, at halos namalimos na naman siyang muli. Nasa sa ganito siyang kalagayan nang malaman niya sa isang kaibigan na kaibigan din ni Donya Victorina ang problema niyon gayundin ang pagiging makabayan at ang kabutihan ng donya. Umaliwalas ang langit ni Don Tiburcio at hiniling niya na sa kaibigang ipakilala siya kay Donya Victorina.
Nagkilala sina Donya Victorina at Don Tiburcio. “Mga buto na lamang ang para sa mga nahuli,” nawika sana niya sa Latin kung marunong siya ng wikang iyon.
Napag-iwanan na ng panahon si Donya Victorina. Gagaulo na lamang ng bawang ang pusod ng kanyang buhok. Kulubot na ang kanyang mga mata. Tanging ang ugali lamang niya ang hindi nagbabago.
Makaraan ang kalahating oras na pag-uusap ay nagkaunawaan sila at magkasundong pakasal. Ang pinapangarap niya ay isang Kastilang hindi pilay, hindi utal, hindi pa rin nakakalbo at bungi na sa pagsasalita ay nagsasabog pa ng laway. Ninais niya ang isang Kastilang bantog at nakisig, ngunit hindi siya niligawan ng gayong Kastila kahit kalian.
Madalas niyang marinig na “walang damong tumutubo sa lansangang malimit daanan,” at matapat niyang pinaniniwalaang matalino si Don Tiburcio na kayang maagang nakalbo ay dahil sa magdamagang pagpupuyat. Sinong babae ang tatanggi sa ganitong opotunidad sa edad na trenta’y dos?
Nakadarama naman ng di-mawaring kalungkutan si Don Tiburcio kapag naiisip niya ang nalalapit nilang honeymoon. Nangingiti na lamang siya at pinalakas ang kanyang loob ng nagugunitang gutom. Kailanman ay hindi siya naging totoong ambisyoso at mayabang. Simple lamang siya sa pamumuhay at hindi palaisip, ngunit ang kanyang puso ay nangarap ng kakaibang diyosang may masusuyong ngiti. Nang magkapatong-patong ang kanyang mga kabiguan at kahirapan ay hinangad na lamang niyang makapag-asawa ng masipag na babaeng makapagbibigay sa kanya ng katamtamang dote, na makapagpapaginahawa sa kanya pagkatapos ng maghapong paggawa at paminsan-minsan lamang nagsesermon sa kanya. Kahit na ang pagbubunganga ng asawa ay isa pa ring uri ng kaligayahan. Ngunit nang kinailangan niyang maglagalag at makarating sa Pilipinas ay hinangad niyang makatagpo ng mayabang na mestisa o kaakit-akit na mga katutubong may malalaki at itimang mga mata, nababalutan ang katawan ng seda, ginto’t mga brilyante, na iibig at mag-aalay ng lahat niyong kayamanan sa kanya ayon na rin sa nakatutuksong kuwento ng mga kababayan. Akala niya ay matutupad ang kanyang pangarap pagkat pinagtitinginansiya ng mga dalagang namamasyal sa Luneta na sakay ng kanilang pinilakang karwahe. Nang mataggal siya sa trabaho ay inisip na lamang niyang makapag-asawa ng isang kaakit-akit na biyuda. Nalungkot siya nang bahagyang matupad ang gayon niyang pangarap. Inaliw siya ang sarili sa pagsasabing “Ang mga iyon ay pangarap lamang at sa mundong ito ay hindi maaaring mabuhay sa pangarap lamang.”
May sarili siyang pamawi ng kanyang mga pag-aalinlangan. Napakakapal magpulbos ni Donya Victorina—ipaalis niya iyon kapag kasal na sila. Kulubot na ang babae—subalit sira at sulsihan ang kanyang damit. Mayabang, dominante, at may pagka-lalaki ang matandang babae—pero mas mahirap tiisin ang gutom, saka nakapagpapabago raw ng ugali ang pag-ibig. Hindi mahusay magsalita ng Kastila si Donya Victorina, gayundin naman siya ayon nga sa boss niyang nagtanggal sa kanya sa trabaho. Pangit ba ang babae, katawa-tawa, at matanda? Pilay naman siya, bungi, at kalbo. Mas ginusto ni Don Tiburcio na siya ang maging doktor at hindi ang pasyentekung gutm rin lamang ang pag-uusapan. Kapag binibiro siya ng ilang kaibigan ay sinasagot niya ng “Busugin muna ninyo ako bago tawagin ulol.”
Nagpakasal sina Donya Victorina at Don Tiburcio, at sila’y nanirahan sa Sta. Ana nang kanilang honeymoon. Kinagabihan ng araw ng kasal ay sumakit nang matindi ang tiyan ni Donya Victorina. Buong pag-aalaga at pagsuyo siyang inalagaan ni Don Tiburcio. Subalit nang ikalawang gabi ay ginampanan niya ang kanyang tungkulin bilang isang marangal na lalaki, at kinaumagahan ay malungkot niyang nginitian sa salamin ang sarili. Tumanda siya nang may sampng taon.
Nasiyahang mabuti sa kanyang asawa si Donya Victorina, Ipinagpagawa niya iyon ng pustiso. Ipinagpatahi ng damit sa lalong bantog na sastre sa lungsod. Ini-order niya ng mga karwahe at saka sa Batangas at Albay siya nagpakuha ng mga kabayo. Ibinili pa niya iyon ng dalawang kabayong pangarera.
Habang binibihisan niya ang asawa ay hindi niya nalimutan ang sarili. Isinantabi niya ang kanyang baro’t saya at pinalitan ng damit-Europea. Pinalitan niya ng wig ang pusod-Pilipina na naging usap-usapan ng kanyang mga kapitbahay.
Ayaw niyang palabasin nang nakatapak si Don Tiburcio nang hindi makitang pipilay-pilay. Ipinapasyal naman siya ni Don Tiburcio sa di-mataong mga lugar. Nakaiinis sa kanya ang gayon pagkat nais niyang maipagmalaki ang asawa sa mataon mga pasyalan, subalit nagsawalang kibo siya dahil nasa honeymoon pa sila.
Lumubog ang buwan nang punahin niya ang labis na pagpupulbos ni Donya Victorina. Nakasimangot na tinitigan niyon ang kanyang pustiso. Nanahimik si Don Tiburcio at nakilala ng asawa ang kanyang kahinaan.
Hindi naglaon at ipinamalita ni Donya Victorina sa mga kaibigan ang ipinalalagay na pagbubuntis niya.
“Sa susund na buwan ay magtutungo kami sa Peninsula. Masamang dito ipanganak ang aming anak at tatawagin lamang siyang supersibo.”
Kinabitan niya ng aristokratang ‘de’ ang apelyido ng asawa. Wala naman itong bayad at nagbigay pa ng class sa pangalan. Kung pumirma siya’y Victorina de los Reyes de de Espadaña. Ang dobleng ‘de’ ay nagpapakilala ng may asawa siya at ang kanyang asawa ay nabibilang sa mga maginoo. Kinahumalingan niya ang ganitong gawing hindi napigil ng kanyang asawa ni ng manlilimbag ng kanyang mga traheta.
“Kung isang ‘de’ lamang ang gagamitin ko ay baka akalain wala ko n’on, gago,” paliwanag niya sa asawa.
Abalang-abala siya sa paghahanda sa nalalapit na paglalakabay. Kinakabisa niya ang mga pangalan ng lahat ng daungang madaraanan na nagiging katawa-tawa sa lahat. “Hindi ko dapat malimutan ang istbmus sa Suez Canal. Hinahangaan iyon ni de Espadaña at alam na ninyong nakapaglakbay na siya sa buond daigdig… hindi na ako babalik sa lupaing ito ng mga barbaro… hindi ako hiyang sa bayang ito. Bata pa ako’y iniisip ko nang mas makabubuti sa aking manirahan sa Aden o sa Port Said.” Para kay Donya Victorina, ang mundo ay binubuo lamang ng Pilipinas at Espanya. Katulad ito ng paniniwala ng mga batang-langsangan sa Espanya na nag-aakalang ang mundo ay binubuo ng Espanya at America na kilala rin siyang Tsina.
Batid ni Don Tiburcio na malayo sa katototohanan ang ilang ipinamamalita ng asawa. Nagsawalang-kibo na lamang siya nang hindi siya masigawan at mainsulto ang kanyang pagkautal. Nagkunwaring nahihirapan sa paglilihi si Donya Victorina. Kinahumalingan niya ang pagsusuot ng makukulay na damit. TInambakan niya ang sarili ng mga bulaklak at laso at namamasyal ng naka-daster lamang sa mga pook-pamilihan. Ngunit, ang lahat ng ito ay natapos pagkaraan ng tatlong buwan. Nabigo siyang maging isang ina kaya’t hindi na itinuloy ang paglalakbay at wala nang panganib na maging isang supersibo ang kanyang magiging anak. Nagpatingin siya sa mga manggagamot, komadrona, at matandang may-asawa, pero wala ring nangyari. Kapangi-pangilabot para kay Kapitan Tiago ang hindi niya pananalig kay San Pascual. Tumanggi siyang magmakaawa sa kahit sinong santo o santa kaya’t isang kaibigan ng kanyang asawa ang namuna ng ganito:
“Maniwala kayo, ginang, na sa kabagot-bagot na baying ito ay tatapang nang todo ang inyong ispiritu.”
Ngumiti siya nang hindi naiintindihan ang ibig sabihin ng tatapang ang ispiritu, pero tinanong niya ang asawa nang gabing iyon sa kanilang silid.
“Ang alam ko lamang na may todong tapang ay ang ispiritu ng ammonia,” sagot ng lalaki. “Nananalinghaga siguro ang kaibigan ko.”
Mula noon ay sinasabi-sabi niya sa bawat pagkakataon ang “Ako ang ispiritu ng ammonia sa nakababagot na baying ito, sabi ni Ginoong Ganoo’t Ganito, at isa siyang may sinasabing Kastilang galing pa sa Espanya.”
Hindi siya puwedeng kontrahin at nadomina niya nang husto ang kanyang asawa. Hindi ito tumututol sa knya kaya naging parang tutang sunud-sunuran sa kanya. Kapag naiinis siya sa asawa ay hindi niya iyon pinapayagang lumabas nang bahay. Tinatanggalan niya ng pustiso kapag galit siyang talaga at hinahayaang magmukhang nakakatakot ng isa o dalawang araw nang ayon sa bigat ng pagkakasala niyon.
Naisipan niyang dapat na makilalang doktor at siruhano ang kanyang asawa, at sinabiniya ito sa kanya.
“Mahal,” nahihintakutan niyang wika, “gusto mo ba akong arestuhin?”
“Huwag kang gago,” tugon niya. “Ako’ng bahala. Wala kang gagalawing sinuman. Gusto ko lamang matawag kang Doktor, at ako nama’y Madam Doktor.”
Kinabukasan ay tumatanggap ng order na paukit ang pinakamahusay na tagaukit sa lungsod at ganito ang iniukit sa itim na marmol: Dr. De Espadaña, Espesyalista sa Lahat ng Uri ng Sakit.
Inatasan ang lahat nilang kasambahay na tawgin sila sa bago nilang mga titulo. Dulo bito’y dumami ang kulot, laso, at gamit na lace ni Donya Victorina. Lalong kumapal ang pulbos sa kanyang mukha. Gayon na lamang ang pang-iinsulto niya sa kanyang mga kabarong ang asawa’y hindi kasimbantog ni Don Tiburcio. Araw-araw ar nararamdaman niyang tumataas ang kanyang ranggo sa sosyedad, at dahil sa bilis ng kanyang pag-asenso ay hindi malayong akalain niya sa loob lamang ng isang taon, na muli siya sa isang pinagpalang lahi.
Ang ganitong mga banal na ilusyon ay hindi makapigil sa lalo niyang pagtanda at pagiging katawa-tawa sa pagdaraan ng mga araw. Tuwing makakasalubong ni Kapitan Tiago si Donya Victorina ay maalaalang nabigo siya sa panliligawsa babae ay kaagad-agad siyang nag-aabulot ng piso sa pinakamalapit na simbahan para sa isang misa ng pasasalamat. Gayunman ay pinagpipitaganan ni Kapitan Tiago ang asawa ni Donya Victorina gawa ng pagiging espesyalista niyon sa lahat ng uri ng sakit, at sa pantal na pangangastila. Dahil dito at dahil din sa isa siyang doktor na may kahirapang konsultahin na di tulad sa ibang manggagamot kaya pinili siya ni Kapitan Tiago para siyang gumamot sa kaniyang anak na dalaga.
Iba naman ang nangyari kay Linares. Iniisip ni Donya Victorinang kailangan niya ang isang administrador para sa kanilang mga ari-arian kapag satuloy ang kanilang paglalakbay. Kailangang isa iyong Kastila mula sa Espanya sapagkat wala siyang tiwala sa mga Pilipino. Naalaala ng kanyang asawa ang pamangkin niyong nasa Madrid at nag-aaral ng abogasya. Kinikilala iyong siyang pinakamahusay sa pamilya. Sinulatan nila ang binate at pinadalhan ng pamasahe. Nang mabigo ang pangarap nilang magkaanak ay naglalakbay nang paparito ang binate.
Ang tatlong ito ang mga bagong dating.
Habang nagmemeryenda sila ay dumating si Padre Salvi. Ipinakilala ng mag-asawa ang binate sa kanya na kakabit ang lahat ng titulo na nagpamula sa mga pisngi niyon.
Napag-usapan nila si Maria Clara na siya namang dapat na asahan. Noon naman ay nagpapahinga sa kanyang mga silid ang dalaga. Napag-usapan din ang balitang paglalakbay sa Espanya at ipinamalas ni Donya Victorina ang kayamanan ng kanyang bokabularyo sa pamimintas sa ugali ng mga probinsiyano, sa kanilang mga kubo, at mga tulay na kawayan. Hindi niya nalimutang banggitin para sa kapakanan ng kura, ang mga pangalan ng bise-gobernador-heneral, ng gayon at ganitong gobernador, sina gayon at ganitong hukom, director, at iba pang mga taong may matataas na ranggo, na siyempre naman ay may malaking pagpapahalaga kay Donya Victorina.
“Sana’y narito kayo nang nakaraang dalawang araw, Donya Victorina,” wika ni Kapitan Tiago nang mahintong saglit sa pagsasalita ang babae. “Nakita sana ninyo nang personal ang kanyang kamahalan, ang gobernador-heneral. D’yan siya mismo nakaupo!”
“Ano! Paano! Naparito ang kanyang kamahalan? Dito sa bahay ninyo? Hindi totoo ‘yan!”
“Sinabi ko nang diyan siya mismo nakaup. Kung dumating sana kayo nang nakaraang dalawang araw.”
“Sayang at hindi nagkasakit nang mas maaga si Clarita,” aniyang matindi ang panghihinayang. Binalingan niya si Linares at nagpatuloy. “Narinig mo ba iyon, pinsan? Naparito na ang kanyang kamahalan! Paniniwalaan mo na siguro ngayon si de Espadaña! Nasabi na niyasa iyo na hindi bahay ng kung sino lang katutubo ang pupuntahan mo. Alam n’yo, Don Santiago, ang pinsan naming ay kaibigan sa Madrid ng mga ministro at duke, at kumain pa isya ng maraming beses sa bahay ng Konde ng Belfry—o ng Duke ng Tower?”
“Kung ang tinutukoy mo ay ang dating gobernador-heneral, Victorina, ay siya ang Duke ng Tower,” sagot ng kanyang asawa.
“Pareho na rin ‘yon! Sabi mo sa akin!”
“Makita ko kaya si Padre Damaso sa kanyang paroya?” putol ni Linares na ipinapatungkol ang kanyang tanong kay Padre Salvi. “Nasabi sa aking hindi iyon kalayuan dito.”
“Nagkataong nasa kabayanan ni Padre Damaso. Mayamaya lang ay dadalaw siya rito,” tugon ng kura.
“Magling! May sulat ako para sa kanya,” sabi ng binate. “Kundi lamang sa maligayang pagkakataong nagdala sa akin dito ay nadalaw ko na sana sila.”
Biglang may nagunita si Madam Maligayang Pagkakataon.
“De Espadaña?” wika niya habang tinatapos ang pagmemeryenda alang sa inyo, Don Santiago. Alang-alangsa inyo! Hindi manggagamot ang aking asawa kundi sa matataas na tao lamang, at kahit na ‘yon, kahit na ‘yon! Hindi katulad ng ibang doktoro ang aking asawa, ano sa palagay n’yo? Sa Madrid ay wala siyang ginagamot kundi ang mga may sinasabing tao!”
Nagtuloy sila sa silid ng maysakit. Madilim na madilim iyon. Nakasara lahat ang mga bintana sa takot sa lamig ng hangin. Ang malabong liwanag ay nagmumula sa dalawang kandilang nasa sa harap ng imahen ng BIrhen sa Antipolo.
Ang ulo ng dalaga ay nababalot ng panyong basa ng agua de colonia. Ang kanyang katawan ay balot na balot ng mapuputing mga kumot na nagkukubli sa balingkinitang pangangatawan. Nakahiga ang dalaga sa katreng kamagong na nasasabitan ng mga kurtinang husi at pinya.
Pinatitingkad ng pagkakaayos ng kanyang buhok ang pamumutla ng bilugan niyang mukha. Tanging ang mabibilog ngunit malulungkot niyang mga mata ang kasisinagan ng buhay. Nasa sa tabi niya ang dalawang kaibigan at si Andeng na may hawak na pumpon ng asucena.
Pinulsuhan siya ni De Espadaña, tintingnan ang kanyang dila, at nagtanong ng ilang bagay-bagay, at nagwika nang pailing-iling, “May sakit si-si-siya, pero gagaling!”
Niresetahan niya ng liquen na may gatas sa umaga, arnibal ng marshmallow, at dalawang pildoras de cinoglosa.
Lubhang naakit si Linares ng tila nangungusap na mga mata ng dalagang waring may hinahanap na mukha, kaya’t hindi niya narinig ang tawag sa kanya ni Donya Victorina.
“Ginoong Linares,” gambala sa kanya ng kura, “narito na si Padre Damaso.”
Papalapit na nga si Padre Damaso, maputla at tila malungkot. Kagagaling lamang niya sa sakit at una niyang dinalaw si Maria Clara. Hindi na siya ang dating si Padre Damasong malusog at masalita. Ngayo’y tahimik at may kabuwayan siya kung lumakad.