Kumalat sa buong bayan ang pangyayari. Sa simula ay walang ibig maniwala, ngunit napilitan silang harapin ang katotohanan. Nagimbal sila at nagbigay ng kani-kaniyang kuro-kuro.
“Patay na si Padre Damaso”, sabi ng ilan. “Nang damputin daw ay duguan ang mukha at hindi na humihinga”.
“Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa”, bulalas naman ng kabataang lalaki. “dapat lang naming asahan niya ang gayon. Tingnan ninyo ang pinaggagawa niya sa kumbento kaninang umaga!”
“Ano nga ba ang ginawa niya? Binugbog na naman baa ng kanyang katulong?”
“Ano ‘kamo ang ginawa? Ikuwento mo nga?”
“Nakita n’yo ba ng isang mestisong Kastila na umalis sa sakristiya kaninang umaga habang nagsesermon si Padre Damaso?”
“Oo… Oo! Nakita namin. Nakita rin ni Padre Damaso”.
“Pwes… Pagkatapos ng sermon ay ipinatawag niya ang mestizo at tinanong
kung bakit umalis. ‘Hindi po ako nakakaintindi ng Tagalog’, sagot ng lalaki. ‘E, bakit parang nang-iinsulto ka?’ bulyaw naman ni Padre Damaso at binigwasan ng suntok ang mestizo. Gumanti ang lalaki at nagsuntukan sila ng pari hanggang sa awatin”.
“Kung sa akin ginawa iyon…”, wika ng isang estudyante.
“Hindi ako sang-ayon sa aksyong iyon ng Pransiskano”, sabad naman ng isa, “sapagkat hindi dapat ipaggiitan sa sinuman ang relihiyon. Ngunit nasisiyahan din ako at ginawa niya iyon. Kilala ko ang mestizo. Taga- San Pedro, Makati siya at mahusay managalog. Ibig niyang palitawin na bagong dating siya mula sa Rusya at nagpapanggap na hindi marunong ng wika ng kanyang magulang”.
“Pareho ng balahibo”.
“Gayon man ay dapat nating tutulan ang ginawa ni Padre Damaso”, wika ng isang estudyante. “Kapag nagsawalang-kibo tayo ay lilitaw na kinukunsinti natin ang gayon. Ang nangyari sa mestizo ay maaari ring mangyari sa atin. Nabalik tayo sa panahon ni Nero”.
“Nagkakamali ka”, sunggab naman ng isa. “Si Nero ay isang dakilang artista samantalang si Padre Damaso ay isang bulok na predictor”.
Iba naman ang pala-palagay ng matatanda tungkol sa nangyari. Habang hinihintay nila sa labas ng bayan ang pagdating ng gobernador-heneral ay nagwika ang alkalde, “Mahirap hatulan kung sino ang tama o kung sino ang mali. Kung naging mahinahon lang sana si Ginoong Ibarra…”
“Ang sabihin mo ay kung nagkaroon lang sana ng kalahati ng hinahon ni Ginoong Ibarra si Padre Damaso”, agaw agad ni Don Filipo. “Ang hirap ay nagkapalit sila ng kalagayan. Ang binate ay siyang nagkilos matanda ata ang matanda naman ang nagkilos musmos”.
“At ang sabi mo’y wala man lang nangahas umawat kundi ang anak na dalaga ni Kapitan Tiago?” tanong ni Kapitan Martin. “Wala isa man sa mga pari? Pati na ang alkalde? Humm. Masamang talaga. Ayokong malagay sa katayuan nila. Takot sila sa kanya kaya’t hindi nila siya mapapatawad. Masama. Humm”.
“Sa akala mo kaya’y…?” interesadong tanong ni Kapitan Basilio.
“Idinadalangin kong huwag sana siyang pabayaan ng kanyang kababayan”, tugon ni Don Filipo. “Hindi natin dapat kalimutan ang ginawa at patuloy na ginagawa ng kanyang pamilya para sa ating kabutihan. Kung takot mang magsalita ang kanyang kababayan, kahit man lang sana ang kanyang mga kaibigan…”
“Ngunit, mga ginoo…?” putol ng alkalde. “Ano ang magagawa natin? Ano ang magagawa ng mamamayan? Kahit na ano pa ang mangyari, siyempre lagging tama ang mga pari”.
“Ang sabihin mo’y lagi silang tama sapagkat tayo ang nagbibigay-daan at umaaming lagi nga silang tama!” mainit nang wika ni Don Filipo. “Magsimula tayo sa pantay na pagpapalagay at saka tayo mag-usap”.
Napatingalang nagkakamot ng ulo ang alkalde at malakas na sumagot. “A…ang mapupusok na ito! Parang hindi mo kilala ang bayang pinananahanan natin. Hindi mo kilala ang ating mamamayan. Mayaman ang mga pari at nagkakaisa. Tayo ay mahirap at watak watak. Sige… subukin mong ipagtanggol si Ginoong Ibarra at tignan natin kung saan ka puluting mag-isa!”
“Alam ko”, mapait na wika ni Don Filipo. “Lagi nang ganyan ang mangyayari habang ganyan ang iniisip natin. Mas binibigyan natin ng halaga ang masama kaysa mabuti. Lito at takot nating hinaharap ang anumang kagipitan… sa halip na may pagtitiwala sa sarili. Bawat isa ay sarili lang ang iniiisip. Walang nag-aalala para sa iba. Kaya naman lagi tayong api”.
“Kung gayon… sige, asikasuhin mo muna ang iba kaysa sarili mo. Hindi magtatagal at makikita mong nag-iisa ka na rin kung wala na silang makuha sa iyo. Nakalimutan mo na ba ang kasabihang ‘Charity begins at home’?”
“Mas mabuti pa sana kung ang sinabi mo ay ‘Nagsisimula sa kasakiman ang karuwagan at nagwawakas sa kahihiyan’”, tugon ng bise alkalde na punong- puno na. “Nagbibitiw ako ngayon din. Pagod at sawa na ako sa aking mga kaaliwaswasan at wala naman akong nagagawang mabuti sa kapwa. Paalam na!”
Iba naman ang kuro-kuro ng mga babae.
“Naku, talagang ganyan ang kabataan”, buntong- hininga ng isang mukhang mabait. “Kung buhay ang kanyang butihing ina ay ano na lamang ang masasabi tungkkol sa nangyaring ito? Diyos ko… isipin ko lang na baka mangyari sa anak ko ang gayon ay… Mainit din ang ulo ng anak! Hesus! Para tuloy naiinggit ako sa mga yumao. Mamamatay ako sa dalamhati!”
“Ako naman ay iba!” sagot ng isa pang babae. “Hindi ako malulungkot kung mangyayari iyon sa dalawa kong anak na lalaki”.
“Ano ‘kamo, Kapitana Maria?” sigaw ng unang nagsalita at na pinagdaop pa ang mga kamay.
“Ikasisiya kong marinig na ipinagtanggol ng aking mga anak ang alaala ng yumao nilang ama, Kapitana Tinay. Ano ang maiisip mo, halimbawang biyuda ka na, at isang araw ay narinig mong nilalait ang nasira mong asa ngunit nakayuko at hindi man lamang umiimik ang anak mong si Antonio?”
“Hindi ko siya bebendisyunan”, sabad naman ni Sister Rufa na humalo sa usapan.
“Ngunit…”
“Hindi mo bebendisyunan? Naku… hindi ko magagawa angganon”, agaw agad ng mabait na si Kapitana Tinay. “Walang inang dapat magsabing ganon. Pero ako, hindi ko matiyak kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam. Palagay ko ay mamamatay ako. Ako ay… Diyos ko! Pero hindi ko na siya gugustuhin pang Makita. Bakit mo naman iniisip ang ganyan, Kapitana Maria?”
“Kung isasaalang-alang ang lahat”, dugtong ni Sister Rufa, “ay hindi natin dapat limutin na isang malaking kasalanan ang magbuhat ng kamay sa isang banal natao… sa pari”.
“Mas banal naman ang alaala ng isang ama”, sagot ni Kapitana Maria. “Wala isa man, maging ang Papa… lalo na ang tulad lamang ni Padre Damaso… ang may karapatang lumapastangan sa banal na alaala”.
“Totoo rin iyan”, amin naman ni Kapitana Tinay na humahanga sa katalinuhan ng dalawa. “Paano ninyo naisip ang napakagandang pagtatalong iyan?”
“E, ano naman ang masasani mo sa ekskomunikasyon at sa pagkondena?” tanong ni Sister Rufa. “Ano ang mapapakinabang natin sakarangalan at reputasyon sa buhay na ito kung kondenado naman tayo sa kabilang buhay? Naglalaho ang lahat… madaling mawala maliban sa ekskomunikasyon. Ang saktan mo ang ministro ni Hesukristo? Tanging Papa lamang ang makakapagpatawad niyon!”
“Patatawarin siya ng Diyos sapagkat Diyos na rin ang nag-utos na dakilain ang ama at ina. Hindi siya eekskomulgaduhin ng Diyos. Ang masasabi ko’y ito: Kung dadalaw sa aming tahanan ang binatang ito ay patutuluyin ko siya at kakausapin. Kung may anak ay magiging mabuting asawa at ama. Paniwalaan mo ako, Sister Rufa”.
“Hindi ako sang-ayon. Sabihin mo na ang gusto mong sabihin. Bagaman maaaring tama ka ay mas paniniwalaan ko ang kura paroko. Ang una kong tungkulin ay iligtas ang aking kaluluwa. Ano sa palagay mo, Kapitana Tinay?”
“Ano ang gusto mong sabihin ko? Pareho kayong tama. Tama ang kura paroko, pero dapat na maging tamang lalo ang Diyos. Ewan ko ba. Maaaring mali ako pero alam ko kung ano ang gagawin ko. Patitigilin ko sa pag-aaral ang aking anak. Sinasabing namamatay sa bibitayin ang matatalino. Sus Maria Santisima! At gusto pa ng anak kong magtungo sa Europa!”
“Ano ang binabalak mo?”
“Sasabihin kong ditto na lang siya. Bakit mag-aaral pa? Bukas makalawa ay mamamatay rin lang tayo…mangmang man o nakapag-aral. Ang kailangan ay matahimik na buhay”. Napabuntong- hininga pa ang mabuting babae at tumingala sa langit.
“Pero ako”, seryosong wika ni Kapitana Maria, “kung kasing-yaman mo lang ako ay papayagan kong makapagalakbay ang aking mga anak. Bata pa sila at balang araw ay magiging ganap na binata. Hindi na ako magtatagal ngunit magkikita-kita kami sa kabilang buhay. Dapat mangarap ang mga anak na higit na maging dakila kaysa kanilang ama. Kung itatali natin sila sa asintos ng ating saya ay tuturuan lamang natin silang maging lagging musmos”.
“Kakatwa naman ang naiisip mong iyan”, bulalas ni Kapitana Tinay sa pinipilit ang sariling kamay, “masasabi tuloy ng iba na parang hindi ka naghirap sa panganganak sa kambal mong iyan”.
“Dahil nga sa naghirap ako sa pagsisilang sa kanila, pinalaki at pinag-aaral sa kabila ng kahirapan namin, kaya hindi ako papaya na hindi maging ganap ang kanilang pagkatao!”
“Sa pakiwari ko”, sabi uli ni Sister Rufa sa matigas na tinig, “ay hindi mo minamahal ang iyong mga anak nan gayon sa gusto ng Diyos”.
“Ipagpaumanhin mo. Bawat ina ay nagmamahal sa kanyang anak batay sa sarili niyang pamamaraan. Mahal ng ina ang kanilang anak pagkat mahal nila ang kanilang sarili. Ibig naman ng iba na sarilinin ang kanilang anak. At mayroon naming ang pagmamahal ay para sa kapakanan ng mismong mga anak. At mayroon namang ang pagmamahal ay para sa kapakanan ng mismong mga anak. Itinuro sa akin ng aswa ko ang huli”.
“Hindi banal ang kuro mo, Kapitana Maria”, ani Sister Rufa. “Ipinapayo kong magmiyembro ka sa Kapatiran ng Santo Rosario, San Francisco, Santa Rita, o Santa Clara”.
“Sister Rufa”, sagot ni Kapitana Maria na nakangiti. “Kapag naging karapat-dapat na ako sa kapatiran ng mga tao ay saka na ako makikipagkapatiran sa mga santo at santa”.
Para mawawakasan ang buod ng mga reaksiyon ng simpleng mga mamamayansa nangyaring iyon, marahil ay makatutulong na mapakinggan ang usap-usapan sa kabayanan. Isa sa kanila ang isang lalaking nangangarap na makapagpaaral ng kanyang anak ng pagdodoktor.
“Ang higit na nakababahala sa akin”, aniya, “ay ang posibilidad na hindi na sila makapagtatapos ng pag-aaral ngayon”.
“Ano? Bakit naman?” wika ng mga taong nakapaligid sa kanya.
“Hindi na magiging doctor ang anak ko! Magiging kutsero na lang siya. Tapos na. Wala nang paaralan!”
“Sino ang may sabing wala nang paaralan?” sunggab naman ng isang matipunong tagabukid na may malapad na panga at maliit na ulo.
“Ako ang nagsasabi. Tinawag na subersibo o filibustero ng mga puting pari si Don Crisostomo. Nangangahulugan ito na wala nang paaralan!”
Nagkatinginan ang lahat. Bago sa kanilang pandinig ang salitang iyon.
“Ganoon ba kagrabe?” basag sa katahimikan ng mnatipunong tagabukid.
“Iyan na ang pinakamasamang maitatawag ng isang Kristiyano sa kanyang kapwa”.
“Mas masama pa ba sa tawag na sanggano at hampaslupa?”
“Ganon lang? Hindi miminsang tinawag ako nang ganon at ni hindi man lamang ako nasaktan”.
“Kow! Tiyak namang hindi na sasama pa sa tawa na negro, gaya ng bukambibig ng tenyente”.
Lalong nanlumo ang nagbubukkid na nangangarap magkaanak ng doctor. Ang iba naman ay napakamot ng ulo at malalim na nagsipag-isip.
“Kung gayon ay kasinsama siguro ng tungayaw na putangina, gaya ng bukambibig ng asawa ng tenyente. Wala nang sasama pa riyan kundi ang luraan mo ang ostiya”.
“Naku! Mas masahol pa sa niluraan mo ang ostiya ng Biyernes Santo. Narinig na ba ninyo ang salitang saspek? Isang salita sapat na para ipatapon o bitayin ang pinatutungkulan. Ang salitang subersibo ay mas mabagsik. Sabi nga ng klerk sa munusipyo at telegraph operator. Kapag tinawag ng isang Kristiyano, pari man o Kastila na subersibo ang isang kapwa niya Kristiyano ay para na niyang pinahesusan ito! Kapag tinawag kang subersibo, ang dapat mong gawin ay mangumpisal at magbayad ng lahat ng utang… at hintayin mo na lamang na bigtiin ka. Alam naman ninyong hindi magsasalita ng mali ang klerk at ang telegraph operator. Ang isa ay nakakapag-usap sa kawad at ang isa ay nakapagsasalita ng Kastila at walang hawak na kamay kundi panulat”.
Nasindak ang lahat.
“Magsasapatos ako at wala akong iinumin kundi serbesa sa buong buhay ko kapag pinayagan kong tawagin ako ng sino man sa subersibo!” pasumpang wika ng isang taganayon na nakadakot ang kamao. “Kung kasingyaman lang ako ni Don Crisostomo, at marunong ng Kastilang tulad niya… at mabilis kumain nang nagkukubyertos ay lalaban ako kahit sa limang pari”.
Sa kabilang dako, isang mangbubukid ang humiwalay sa grupo. Ibinubulong niya sa sariling “Sa sandaling makakita ako ng isang guardia civil na nagnanakaw ng manok ay tatawagin ko siyang subersibo!”