Noli Me Tangere Buong Kabanata 25: Tahanan ng Pilosopo

KINABUKASAN. . . sandaling nilibot ni Ibarra ang kanyang lupain bago nagtuloy sa bahay ng matandang Tasyo.

Tahimik na tahimik ang halamanan; bahagya nang marinig ang huni ng nagliliparang mga langay-langayan. Nababalot ng lumot ang pader ng bahay at namumulupot sa bintana ang mga baging. 

Itinali ni Ibarra ang kanyang kabayo sa isang poste at halos patingkayad na binagtas ang halamanan. Umakyat siya sa hagdan at nang makitang bukas ang pintuan ay pumasok. 

Dinatnan niyang nakayuko ang matanda at parang may sinusulat na libro. May nakasabit na koleksiyon ng mga insekto at dahon sa dingding na kasama ng mga mapa at estante ng mga aklat at babasahin. 

Abalang-abala ang matanda kaya’t napansin lamang niya ang binata nang umayong aalis na ito. 

“A. . .narito ka na pala!” anya at makahulugang tiningnan ang binata.

“Pasensya na po kayo,” tugon ni Ibarra. “Abalang-abala pala kayo!”

“May sinusulat lamang ako, pero hindi naman apurahan ito. Kailangan ko ring mamahinga. May maitutulong ba ako?”

“Malaki po!” wika ni Ibarra at lumapit. Sinulyapan niya ang aklat sa mesa.

“Ano po ito? Nagsasalin ba kayo ng kahulugan ng hieroglyphics?”

“Hindi!” tugon ng matanda at inalok ng upuan ang binata. “Hindi ako nakaiintindi ng Egyptian, kahit Coptic, pero may nalalaman ako sa sistema ng pagsulat at gumagamit ako ng sarili kong mga simbolo.”

“Pero bakit naman kailangan pa ninyong sulatin sa simbolo?” tanong ng nagtatakang si Ibarra.

“Para hindi mabasa ng iba ang sinusulat ko.”

Napatitig si Ibarra sa matandang guro. Iniisip niya kung talagang baliw ito o nagsasabi ng totoo. Binuksan niya ang libro at nakita sa mga pahina ang maayos na larawan ng mga hayop, mga guhit na pabilog, bahagyang pabilog, paa, kamay, bisig, at iba pang simbolo.

“Kung ayaw ninyong mabasa ng iba ay bakit pa ninyo sinusulat?”

“Sinusulat ko ito hindi para sa henerasyong ito kundi para sa mga susunod na salinlahi. Kung ngayon mababasa ang sinulat ko, tiyak na susunugin ang aking mga libro na pinagbuhusan ko ng buong panahon. Pero ang henerasyong makauunawa ng aking mga simbolo ay henerasyong matalino, mauunawaan nila ako at sasabihing “Hindi naman pala lahat ay natutulog sa gabi ng aking mga ninuno!” Ang kakatwang  mga simbolong ito, na magsisilbing hiwaga, ay siyang magliligtas sa mga sinulat ko laban sa kamangmangan ng mga tao, tulad ng katotohanang naligtas sa mapaminsalang kamay ng mga pari dahil sa mahiwagang ritwal!” “Sa anong wika ninyo sinusulat?” tanong ni Ibarra.

“Sa sarili nating wika, sa Tagalog.”

“Masusulat din po iyan sa hieroglyphics?”

“Kung hindi lamang mahirap magguguhit, na mangangailangan ng tiyaga at mahabang panahon, masasabi kong mas mabuti iyon kaysa alpabetong Latin. Ang mga Egyptian noong unang panahon ay gumagamit ng patinig na tulad ng sa Tagalog. Halimbawa, ang tunog ng o ay nasa dulo lamang ng salita, at hindi katumbas ng o ng Kastila ngunit nasa pagitan ng o at u ng Kastila. Tulad din natin, ang matandang Egyptian ay walang tunog ng e ng Kastila. Pero mayroon din sila ng ating ha at kha na hindi maisusulat sa alpabetong Latin na ginagamit sa Kastila. Halimbawa: mukha,” wika ng pilosopo na itinuro pa ang libro. “Maisasalin ko nang mas tama ang pantig na ha sa pamamagitan ng guhit na isda kaysa sa letrang h ng Latin na iba’t iba ang bigkas sa Europa. Pero siyanga pala. . .Naaabala ko kayo sa inyong ipinarito. Ano nga po ba ang inyong sadya?”

“Mahalagang bagay po,” sagot ng binata.  “Kahapon ng hapon ay. . .

.”

“Nahuli ba nila ang kahabag-habag na lalaking iyon?” agaw ng matanda na nagkaroon ng ibayong interest sa pakikinig. 

“Si Elias po ba ang tinutukoy ninyo? Paano ninyo nalaman?”

“Nakita ko ang mutya ng mga guadia civil.”

“Sino po?”

“Ang misis ng tinyente. Hindi ninyo siya inimbita sa handaan, ngunit alam ng lahat ang tungkol sa napatay na buwaya kahapon ng umaga. Alam naman ng lahat na madaldal at mapanira ang babaing iyon. Siya lamang ang magpapakalat ng tsismis na si Elias at wala ng iba ang pilotong naghagis sa kanyang asawa sa putikan at siyang lumapastangan Kay Padre Damaso. Nabasa niya ang ulat ng tenyente, kaya’t nang umuwing lasing ang lalaki ay ang babae na mismo ang nagpasugod sa sarhento at sa mga tauhan nito sa inyong handaan para manggulo at makaganto sa inyo. Mag-ingat kayo. Si Eba ay mabuting babae sapagkat mismong ang Diyos ang lumikha sa kanya. Ngunit si Donya Consolacion ay masamang babae, sabi nga nila, at walang makapagsabi kung saan siya nanggaling. Para maging mabuti ang isang babae, kailangang ito ay birhen o kaya ay isang ina.”

Bahagyang napangiti si Ibarra. Inilabas niya ang ilang papeles mula sa kanyang pitaka. 

“Naging ugali na ng aking ama na humingi ng payo sa inyo at ito rin po ang gagawin ko ngayon. May binabalak po ako na inaakala kong dapat magtagumpay.”

Ipinaliwanag ni Ibarra ang kanyang plano ukol sa isang paaralan, na alaala niya sa kanyang kasintahan. Humanga ang pantas na matanda sa plano ng gusali buhat sa Maynila.

“Ibig ko pong sabihin ninyo sa akin kung sino sa bayang ito ang dapat kong lapitan para maging matagumpay ang binabalak ko. Kilala ninyong lahat ang tagarito. Kararating ko lamang at parang estranghero ako sa aking sariling bayan.”

Masusing sinuri ni Pilosopong Tasyo ang mga plano. Naluluha-luha na halos ang kanyang mga mata sa pagkakatitig sa papeles.

“Isinasakatuparan mo ngayon ang malaon ko nang pangarap gawin, pangarap ng isang matandang baliw!” bulalas ng tuwang-tuwang matanda.

“At ang una kong payo ay huwag kang hihingi ng payo sa akin!” Manghang-manghang napatitig si Ibarra sa kausap.

“Sasabihin nilang baliw ka rin!” mapait na wika ng pantas. “Sa palagay ng marami, kapag naiiba sa inisip nila ang iniisip mo ay baliw kana. Ito ang dahilan kung nila ako tinatawag na baliw. Nagpapasalamat ako sa pangyayaring iyon sapagkat sa sandaling ituring nilang matino ako batay sa kanilang pamantayan ay lalo akong magiging kahabag-habag. Mawawala ang munti kong kalayaang mag-isip na pinamuhunanan ko ng aking katinuan. At sino ang makapagsasabi? Maaari namang tama sila. Hindi ako nag-iisip o namumuhay na ayon sa kanilang mga batas. Ang prinsipyo ko at mga pangarapin ay iba sa kanila. Sa paniwala nila ay matalino ang alkalde sapagkat walang natutuhang ano man maliban sa pagsisilbi ng tsokolate sa mga pari at pagtiisan ang init ng ulo ni Padre Damaso. Pero ngayon ay mayaman na ang alkalde, nakapanghihimasok sa mga pangarap ng kanyang mga kababayan, at kung minsan ay nakatatalakay pa sa katarungan. Hayan ang taong may-utak! Ito ang paniwala ng masa. Nagsimula ang alkalde nang walang-wala at ngayon ay isa ng dakila. Samantalang ako, tingnan mo. Nagmana ako ng kayamanan at pangalan; ginugol ko ang panahon sa pag-aaral; at ngayon ay isa akong dukha. . . .ni hindi angkop kahit sa pinakamababang opisina. Sabi nila: Isa siyang ulol! Wala siyang nalalaman sa buhay! Nililibak ako ng pari at tinaguriang huwad na pantas na pinagpaparangalan ang konting natutuhan sa unibersidad. Marahil ay isa nga akong baliw at sila ang matino. Sino ang makapagsasabi?”

Umiling-iling muna ang matanda bago nagpatuloy.

“Ang pangalawa kong payo ay sumangguni ka sa kura paroko, sa alkalde, at sa iba pang matataas na tao. Bibigyan ka nila ng masasamang payo at walang halaga. Siyempre naman ay hindi mo iyon susundin. Ang tanging mahalaga ay nakapagsabi ka sa kanila. Habang magagawa mo ay magpanggap kang sumusunod. Papaniwalain mo silang ginagawa mo ang gusto nila.”

Nagmuni-muni muna si Ibarra bago sumagot.

“Maganda ang payo ninyo pero mahirap sundin. Kailangan pa po bang palihim kong isakatuparan ang aking plano? Hindi po ba ang dapat ay isagawa ang ano mang mabuti nang walang dapat katakutan? Ang katotohanan ay hindi na dapat balutin ng kasinungalingan para magtagumpay.”

“Pero walang nagkakasundo sa hubad na katotohanan!” agaw ni Pilosopong Tasyo. “Sa teorya ay maganda ang plano mo ngunit maisasakatuparan lamang sa daigdig ng panaginip ng kabataan. Tingnan mo ako. . . . akong isang nag-aral din. Nakikipaglaban sa isang kahungkagan. Gustong gumawa ng mabuti na may sinseridad ng isang bata. . .Ano ang napala ko? Libakin at pagtawanan. Sabi mo nga ay isa kang estranghero sa iyong bayan; naniniwala ako sa iyo. Masama ang naging simula mo sa mismong araw ng iyong pagdating. Hiniya mo ang isang pari na itinuturing ng masa at mga deboto na isang matalino at santo. Idinadalangin ko sa Diyos na sana ay hindi mapahamak ang iyong kinabukasan! Kahit hinahamak ng mga Dominiko at Agustino ang mga abito ng Pransiskano, ang kanilang lubid na sinturon at mga sandalyas, kahit ang patakaran ng mga Agustino ay mas bagay sa mga baboy kaysa sa mga tao, ang mga paring ito ay magkakaisa sa hinaharap para patunayan ang sinabi ng isa nilang pinuno na ang pinakamababang mananampalataya ay mas makapangyarihan kaysa sa gobyerno at lahat nitong sundalo. Cave ne cadas. Mag-iingat ka! Makapangyarihan ang salapi. . . at maraming beses nang ang Diyos ay napaalis sa kanyang altar ng mga gintong baka, maging noong panahon ni Moises.”

“Para sa akin ay hindi naman po siguro ganyan kapanganib ang mamuhay sa ating bayan,” wika ni Ibarra na nakangiti. “Sobra naman po yata ang inyong pangamba. Naniniwala po akong makakamit ko ang aking mga layunin nang hindi makasasagupa ng grabeng pagtutol sa mga iyon!”

“Makakamit ko kung tutulungan ka ng mga pari. Mabibigo ka kung hindi. Higigitin lang ng pari ang lubid niyang sinturon at ipapagpag ang alikabok sa kanyang abito para ipag-umpugan mo ang iyong ulo sa mga pader ng kumbento. Sa munting kibot, ipagkakait na sa iyo bukas ng alkalde ang ipinagkaloob niya sa iyo ngayon; walang inang papayag na papasukin ang kanyang anak sa iyong paaralan!” 

“Sa palagay ko naman po ay hindi ganon kalaki ang kapangyarihan ng mga pari. Ipinaghalimbawa na po nating totoo ang sinasabi ninyo, nasa panig ko pa rin ang ilang  mabubuti at matitinong tao, ang gobyerno, na may mabuting layunin at mataas na pangarap sa kapakanan ng Pilipinas.”

“Ang gobyerno? Ang gobyerno, wika mo? bulalas ng pantas at tumingala. “Gaano man kalaki ang layunin ng gobyerno pagbutihin ang bansa at ang Inang Bayan ay wala itong nakikita, walang naririnig, at walang ipapasiya kundi ang gusto lamang ipakita, iparinig, at ipasiya ng mga pari. Naniniwala ang gobyerno na nakatindig lamang ito dahil sa suporta ng mga pari. . .at sa sandaling mawala ang mga pari ay babagsak ang pamahalaan. Habang hindi tuwirang nakikipagtalastasan ang gobyerno sa mga mamamayan ay hindi ito makakalag sa pang-aalipin ng simbahan tulad ng mga ulol na nanginginig sa munting marinig ang boses ng kanilang panginoon. Hindi nagpaplano ng magandang kinabukasan ang gobyerno. Bisig lamang siya at ang ulo ay ang simbahan. Isa lamang siyang aninong susunod-sunod  sa mga pari. Kung ayaw mong maniwala ay ikumpara mo ang sistema ng ating gobyerno sa sistema ng mga bansang nadalaw mo sa iyong paglalakbay!”

“O!” nasambit ni Ibarra. “Sobra naman po ata iyan! Dapat na po tayong masiyahan at ang ating mamamayan ay hindi nagrereklamo o nagdaranas ng hirap tulad sa ibang bansa. Salamat sa simbahan at kabutihan ng mga namamahala.”

“Hindi nagrereklamo ang mga tao sapagkat wala silang tinig. Hindi kumikilos sapagkat nahihimbing; at sabi mo ay hindi sila naghihirap? Sapagkat hindi mo nakikita ang pagdurugo ng kanilang puso. Ngunit darating ang araw na makikita at maririnig mo rin! At sa mga sumisipsip ng kanilang lakas dahil sa kamulalaan at bulag na pagsunod, sa mga mapanlinlang at sa mga naniniwalang tulog ang lahat! Kapag natanglawan ng sikat ng araw ang mga halimaw ng gabi ay kalunos-lunos ang mangyayari. Ang lahat ng lakas ng dantaong sinikil, ang natipong mga patak ng kamandag, ang lahat na kinuyom na damdamin ay magsasama-sama sa isang dambuhalang pagsabog. At sino ang magbabayad sa pagkakautang sa mga mamamayan. . . tulad ng pagbabayad sa mga rebolusyong nasusulat sa mga duguang pahina ng kasaysayan?”

“Diyos ko! Hindi papayagan ng Gobyerno at ng Simbahan na maganap ang gayon!” wika ni Crisostomo na nayanig sa narinig. “Relihiyoso ang Pilipinas at nagmamahal sa Espanya. Mapag-iisip-isip ng Pilipinas kung gaano kalaki ang ginagawa sa kanya ng Ibang Bayang Espanya. Totoong may mga nagaganap na pagmamalabis. Hindi ko mapapabulaanang may mga pagkakamali. Ngunit kumikilos ang Espanya para malunasan ito. Naghahanda siya ng mga programa. . . Hindi siya masakim!”

“Alam ko. . .at iyan ang lalong masama. Ang repormang nagmumula sa itaas ay pinawawalang-saysay sa ibaba ng mga bisyo ng lahat. Halimbawa, ng mga sakim sa biglang-yaman, ng kamulalaan ng mga taong mapagwalang-bahala. Ang pagmamalabis ay hindi malulunasan ng mga Royal Decree kung hindi rin lamang babantayan ng mga naglagda nito upang lubusang maipatupad. . .at habang hindi nagkakaroon ng kalayaan sa pagsasalita. Ang plano ay mananatiling plano lamang. Magpapatuloy ang pagmamalabis, at hindi ito makahahadlang sa isang miyembro ng gabinete sa Madrid upang makatulog nang mahimbing. Isa pa, kapag may mataas na pinunong nakaisip ng magandang ideya, sasabihin agad sa kanya l; ‘Hindi ninyo kilala ang Pilipinas, Kamahalan! Ang ugali ng mga katutubo. . . mapapasama po lamang ninyo sila. Mas mabuti pong pagkatiwalaan ninyo si ganito at si gayon.’ At totoo namang walang nalalaman sa bansa ang mataas na pinunong iyon. Bukod dito ay marami rin siyang kahinaan na tulad ng iba kaya sa bandang huli ay makukumbinsi na rin siya. Maiisip din niyang naghirap siya bago naupo sa mataas na tungkulin. . . na tatlong taon lamang ay magreretiro na siya. . . kaya’t mas mabuting isipin na lamang niya ay ang kanyang kinabukasan  kaysa sa Pilipinas. . . ang makapagpundar ng isang magandang bahay sa Madrid. . .magkamal ng kayamanan. Ano nga naman ang kanyang mapapala kung pag-ukulan niya ng pag-iisip ang isang bansang hindi niya kilala at walang alaala ng kanyang mga mahal sa buhay? Aba, nalalayo yata tayo sa paksa.”

“Bago po tayo magbalik sa ating paksa, may gusto po akong linawin,” sabik na wika ng binata. “Ipinaghalimbawa na po nating hindi nauunawaan ng gobyerno ang mamamayan. . .palagay ko po ay lalo lamang hindi nauunawaan ng mamamayan ang gobyerno. May mga opisyal ngang walang silbi at masasama, pero mayroon ding mabubuti. Kaya lamang wala silang magawa ay dahil na rin sa mga tao na nagwawalang-bahala sa kanilang kapakanan. Gayon man ay hindi po ako nagpunta rito para makipagtalo sa bagay na iyan. Nagtungo ako para humingi ng payo. Sabi ninyo ay magyuko na lamang ako ng ulo sa kanila?”

“Tama! At inuulit ko. . .sa bansang ito ay dalawa lamang ang mapamimilian mo! Magyuko o mapugutan ng ulo!”

“Magyuko o mapugutan ng ulo!” ulit ni Ibarra na nag-iisip. “Mahirap isipin. Ngunit bakit naman po? Hindi po ba magkatugma ang pag-ibig ko sa aking bayan at pag-ibig ko sa Espanya? Kailangan pa kayang magpakaaba para maging mabuting Kristiyano, at ipagkanulo ang sariling damdamin bago makamit ang mabuting layunin? Mahal ko ang aking bayan, ang Pilipinas, sapagkat sa kanya ko utang ang aking buhay at kaligayahan, at sapagkat dapat mahalin ng bawat tao ang kanyang sariling bansa. Mahal ko ang Espanya, ang bansa ng aking mga ninuno, sapagkat sa kanya utang at lalaging utang ng Pilipinas ang kanyang kaligayahan at kinabukasan. Ako ay isang Katoliko at pinananatili ang kadalisayan ng pananampalataya ng aking mga ninuno. Hindi ko maubos-maisip kung bakit kailangan kong magyukod ng ulo gayong magagawa ko naman itong itaas. Bakit ko dapat isalalay ang aking ulo sa kamay ng aking kaaway kung kaya ko naman siyang lupigin?”

“Sapagkat ang larangang gusto mong pasukin ay nasa kapangyarihan ng iyong mga kaaway. . . at hindi ka magtatagumpay sa kanila. Kailangan mo munang humalik sa kamay ng. . . “

“Humalik?” agaw ng nagpupuyos na si Ibarra. “Nalimutan ba ninyong yaon ang pumatay sa aking ama at siyang nag-ahon sa kanyang bangkay mula sa hukay? Na kaya lamang hindi ko siya ipinaghihiganti ay upang

mapangalagaan ang mabuting pangalan ng simbahan?” Yumuko ang matandang pantas. 

“Ginoong Ibarra,” marahang wika nito. “Kung nagugunita ninyo ang mga iyon, at hindi ko naman maipapayong limutin ninyo, ay makabubuting isa-isantabi ninyo ang inyong plano at umisip na lamang ng ibang paraan para sa kapakanan ng ating mga kababayan. Nangangailangan ng ibang tao ang planong iyan sapagkat hindi dapat ang salapi at mabuting hangarin lamang. Sa ating bansa ay kailangan din ang pagsusumakit, tiyaga, at pananampalataya. Hindi pa handa ang lupa para bungkalin. Puno pa ito ng damo. 

Nauunawaan ni Ibarra ang kahalagahan ng payong iyon ngunit hindi siya dapat panghinaan ng loob. Naalaala niya si Maria Clara at kailangang tuparin niya ang kanyang pangako sa dalaga. 

“Sa inyo po bang karanasan ay wala kayong maimumungkahing paraan na hindi masyadong masakit?” tanong niya na mahinahon na ang tinig. 

Hinawakan siya sa bisig ng matanda at inakay sa bintana. Sinalubong sila ng malamig na hihip ng hangin. Nakaharap sila sa hardin sa bakuna ng gubat.

“Bakit hindi natin tularan ang mahinang tangkay na yaon na hitik sa bulaklak at buko ng rosas?” tanong ng pantas na itinuturo pa ang halaman. 

“Hinihipan siya at niyuyugyog ng hangin ngunit yumuyuko na parang itinatago ang mahalaga niyang mga bulaklak. Kung hindi siya yuyuko ay mababali ang kanyang tangkay at isasabog ng hangin ang kanyang mga bulaklak. Pati ang mga buko ay mangalalagas. Ngunit pagkalampas ng hangin ay muli siyang tumatayo na ipinagmamalaki ang kanyang mga bulaklak. Sino ang makapipintas sa kanya sa pagyukod sa sandali ng kanyang pangangailangan? Tingnan mo ang higanteng kahoy na iyon. Naglagay ng pugad ang agila sa umuugoy na sanga nito. Inilipat ko lamang iyan mula sa gubat noong maliit pang puno. Maraming buwan na tinukuran ko ng patpat para hindi mabuwal. Kung ang inilipat ko ay malaki nang puno, natitiyak kong hindi mabubuhay. Ibubuwal ito ng hangin bago kumapit ng mahigpit ang mga ugat at bago natustusan ng sapat na suporta ng lupa ang paligid nito. Tulad mo. . .isang puno buhat sa Europa na ililipat ng tanim sa mabatong lupa rito. . .mabubuwal din kung hindi hahanap ng suporta at kung hindi muna magpapakaliit. Nasa masama kang kalagayan. Nag-iisa sa kaitaasan. Nayayanig ang lupa; may mga palatandaan ng unos sa himpapawid; ang iyong pamilya ay lagi nang nakaaakit ng kidlat. Hindi katapangan ang mag-isang makipaglaban sa daigdig kundi kahangalan. Walang sumisisi sa isang piloto kung isinisilong niya sa piyer ang kanyang barko kapag may barko. Hindi karuwagan ang umilag sa bala. Ang mali ay sagupain ito upang mabulagta lamang at hindi na makatayong muli.”

“Ngunit magbubunga kaya ng gaya ng inaasahan ko ang sakripisyong

ito?” tanong ni Ibarra. “Paniniwalaan kaya ako ng pari at kalilimutan niya ang sama ng loob sa akin? Tunay kaya nila akong tutulungan para maikalat ang biyaya ng edukasyon na makikipagkumpitensiya sa mga kumbento sa pagkontrol sa kayamanan ng bansa? Hindi kaya sila magkunwaring nakikipagkaibigan, magpanggap na nagbibigay sa akin ng proteksiyon, samantalang kinakalaban ako at hinahamak sa talikuran, nagbabalatkayo, sinusugatan ako ng palihim hanggang sa ganap na talunin ako kapag kinalaban nang hayagan? Kung pagbabatayang lahat ang sinabi ninyo, kahit ano ay pwedeng mangyari.”

“Kapag gayon ang nangyari, kapag nabigo ang iyong plano. . .masisiyahan ka na ring isipin ginawa mong lahat ang nasa ilalim ng iyong kakayahan. Kahit paano ay mayroon kang mapapakinabangan. Nailatag mo ang panukalang-bato, naisaboy mo ang binhi. Darating ang araw na may susupling. . .mabubuhay sa kanila ng mga hirap. . .maililigtas ang lahi sa pagkapuksa at magsisilbing bagong binhi ng mga anak ng nasawing tagapaghasik. Ang halimbawang ipinakita ng iba ay magbibigay ng lakas ng loob sa mga natatakot magsimula.”

Tinimbang-timbang ni Ibarra ang mga argumentong ito. . .ang kanyang panig. . . at sa wakas ay inamin niyang tama ang matandang pantas.  “Naniniwala ako sa inyo!” bulalas niya at kinamayan si Pilosopong Tasyo. 

“Hindi mabibigo ang mabubuti ninyong payo. Sa araw ring ito ay ihaharap ko ang aking mga plano sa kura paroko. Ang totoo ay wala naman siyang nagagawang masama sa akin. Maaaring mabuti siyang tao. Hindi naman lahat ay tulad ng umusig sa aking ama. Bukod dito, kailangan kong makuha ang simpatya niya para sa babaing baliw at sa mga anak nito. May tiwala ako sa Diyos at sa kapwa kong tao.”

Nagpaalam si Ibarra kay Pilosopong Tasyo. Sumakay sa kabayo at umalis. 

“Makikita natin,” bulong ng pantas na sinusundan ng tingin ang palayong binata. “kung paano tatakbo ang dula na sinimulan sa sementeryo.”

Sa pagkakataong ito ay mali siya. Magtagal nang nagsimula ang dula.