Ang San Diego ay isang bayan sa baybay-lawa na may malawak na bukirin. Sagana ito sa asukal, palay, kape, at prutas na ipinagbibili sa iba’t ibang bayan o sa mga mapagsamantalang Intsik.
Tanaw na tanaw mula sa simboryo ng simbahan ang buong kabayanan. Tabi-tabi ang mga bahay na may bubong na pawid, yero, tisa, at kabonegro.
Parang ahas ang ilog sa gitna ng luntiang bukid. Sa di kalayuan ay may isang kubo na nakatirik sa mataas na pampang.
Ang higit na kapansin-pansin ay ang gubat sa gitna ng malawak na bukid. Makapal ang damo at mga punongkahoy sa gubat na iyon at may naglawit na baging. Sa ibaba ay may mga lumot. May tumutubong kabute sa mga balat ng kahoy at may orkidya sa mga sanga.
Maraming itinatagong alamat ang gubat na iyon. Kabilang dito ang sumusunod:
Noong araw, nang panay na kubo pa lamang ang mga bahay sa San Diego at maraming naglisaw na usa at baboy-ramo kung gabi ay may dumating doong isang matandang Kastilang malalalim ang mata at matatas managalog. Nilibot niya ang paligid at pagkatapos ay ipinagtanong kung sino-sino ang may-ari ng gubat na iyon na noon ay may bukal ng mainit na tubig. Humarap sa kanya ang ilang nagpapanggap na may-ari. Binigyan sila ng damit, alahas, at salapi ng matanda bilang kapalit ng gubat. Ngunit hindi nagtagal at bigla na lamang nawala ang matanda. Akala ng mga tao roon ay naengkanto na ito. Ilang pastol ang nakaamoy ng mabaho mula sa gubat. Hinanap nila ang pinagmumulan at nakita ang nabubulok nang bangkay ng Kastila na nakabitin sa sanga ng balete. Noong buhay pa ito ay kinatatakutan na ang kanyang impit na tawa at tinig na parang nanggagaling sa loob ng kuweba. Lalo na nang matagpuang patay. Halos ay hindi makatulog sa takot ang mga babae. Dahil dito ay itinapon nila sa ilog ang mga alahas at sinunog ang mga damit na bigay ng matanda. Mula nang ilibing nila ang bangkay sa tabi ng punong balete ay wala isa mang ibig lumapit doon. Nabalita na isang pastol ang nakakita roon ng mga ilaw. Ayon naman sa ilang binata ay nakarinig sila roon ng mga panaghoy. Mula noon ay marami nang kuwento at alamat ang nagsulputan tungkol sa nasabing lugar.
Ilang buwan ang lumipas at may dumating doong isang binatang mukhang mestisong Kastila. Anak daw siya ng namatay at balak niyang doon na manirahan. Nagsaka siya at nagtanim ng tina. Don Saturnino ang kanyang pangalan. Walang kibo, mapusok, malupit, ngunit masipag. Pinaderan niya ang paligid ng libingan ng kanyang ama na paminsan-minsan ay dinadalaw niya. May gulang na siya nang maisipang mag-asawa sa isang dalagang Manilenya. Sila ang naging ama’t ina ni Don Rafael Ibarra na siyang ama ni Crisostomo Ibarra.
Nakagiliwan na ng mga magsasaka si Don Rafael mula pa sa kabataan. Sa tulong ng pamamaraan ng kanyang ama ay napaunlad niya ang pagsasaka. Bunga nito ay dumagsa roon ang mga dayuhan, kabilang ang maraming Intsik. Dahil dito lumaki ang nayon. Nagpadala tuloy roon ng isang paring Indio. Hindi nagtagal at naging bayan ang nayon, namatay ang pari, at pumalit si Padre Damaso. Gayunman, ang libingan at ang karatig-lupa ay iginalang.