Dahil sa Anak (Dula) ni Julian Cruz Balmaceda
Talasalitaan
- primo: pinsan, kaibigan
- natatalastas: pagbibigayan o pagpapahatiran ng kaalaman at katulad
- pagtatangi: pagbibigay ng higit na pansin at pribilehiyo o ng kabaligtaran
- bugtong na anak: nag-iisang anak
- layaw: walang disiplina, labis na mapaghanap ng layà at pribelehiyo
- uutasin: tatapusin, papatayin
- agwelo: isang salitang Espanyol na ang ibigsabihin ay lolo
- tungayaw: Malalaswa o masasamáng salitáng nabibigkas o nauusal kapag nagagalit o nagmumurá ang sinuman.
- Kumpleanyos: Kaarawan; araw ng kapanganakan.
Mga Tauhan
- Don Cristobal pinsan na itinuturing na kapatid ni Don Arkimedes
- Don Arkimedes ama ni Manuel
- Manuel anak ni Don Arkimedes
- Rita mapapangasawa ni Manuel
Sipi ng Akda:
TAGPO:
Ang ayos ng tanghalan ay loob ng isang bahay-mayaman. Makikita sa loob ng bahay ang kasangkapang antik o sinauna. Ipalalagay rin na ang namamahay ay may ugaling mapaniwalain sa mga utos ng pananampalataya.Sa dakong kaliwa ng nanonood ay naroon ang silid ng may bahay. Sa dakong kanan ay may mga bintana, At sa dulong kanan ay isang pintong patungong labas.
Sa dulong kaliwa ay may isa ring pintong patungo sa isang panig ng looban ng bahay. Pagkaangat ng tabing ay makikitang nangakaupo at nag-uusap ang magpinsang si Don Arkimedes at Don Cristobal. Si Don Arkimedes(suot pambahay) at Si Don Cristobal (suot panlakad).
Don Cristobal: Liwanagin mo ang ating pinag-uusapan, primo, at kung makukuro mo ang magiging hangga’y maaaring magbago ka ng isipin at palagay.
Don Arkimedes: Ang lagay ba’y naparito ka upang ipagtanggol ang walang-hiyang iyan?
Don Cristobal: Isipin mo, primo, na ang tinatawag mong walang-hiya ay tunay mong anak. Ang bugtong mong anak na iniwan sa iyo ng nasira…
Don Arkimedes: (Titindig at magpapahalata ng kapootan) ….Primo….iya’y hindi ko na anak , mula sa mga sandaling iya’y maka-isip na gumawa ng napakalaking kasalanang gaya ng kaniyang ginawa… siya’y hindi ko na anak… Siya’y hindi karapat-dapat na magtaglay ng aking apelyido… Si Manoling ay kahiyahiya…! Karima-rimarim…! Isang malaking batik iyan sa lahi ng mga Lakambayan… Oo, walang patawad ang kaniyang ginawa…
Don Cristobal: Huwag mong ipasupil sa iyong puso ang iyong isip…Ang nangyari sa inyong mag-ama’y nangyayari sa lahat…
Don Arkimedes: Nagkakamali ka, primo…hindi nangyari, kailanman sa aming lahi ang bagay na iyan … Oo talagang walang-hiya, walang turing….walang….
Don Cristobal: Dahan- dahan…
Don Arkimedes: Hindi, hindi ako makapagdahan-dahan, kapag naglalagablab ang aking isip sa galit …Oo… walang pinag-aralan, bastus…
Don Cristobal: Baka ipalagay tuloy ng mga kapitbahay na ako’y siya mong minumura at tinutungayaw…
Don Arkimedes: Ano ang mawawala sa akin pintasan man nila ako, pulaan man ako ng mga tao?Pagtawanan ako ng kahit sino… walang kailangan …Hindi ba’t ngayo’y pinagtatawanan na ako, pinupulaan at pinipintasan ng bala ng nakakikilala sa akin…?
Don Cristobal: Natatalastas ko ang iyong ikinagagalit . Oo, hindi kita sinisisi… sa palagay ko’y may matuwid ka, datapwat lahat ay may kaniya- kaniyang hangganan …Ang ginawa ng iyong anak ay isang bagay na di kataka-takang gawin ng kabataan ngayon… dahil sa kakapusan ng pagkukuro sa mararating…
Don Arkimedes: Primo… alam mo na kung gaano ang pagtatangi ko sa iyo, kaya kung pinahahalagahan mo ang ating parang magkapatid na pagsasama ay hinihiling kong huwag na nating pag-usapan ang bagay na iyan… (palipas.) Sapagka’t makakain mo bang gawin sa iyo ng itinuturing mong bugtong na anak pa naman na ikaw ay dalhan ng isang apong ni di man lamang nagdaan sa simbahan? Kung sa bagay ,tayong lahat ay naging ama… ang aking ama ay naging ama rin … ang ama ng aking ninuno ay naging ama rin …ang ama ng…
Don Cristobal: Oo, ang ama ng iyong ninuno … ay naging ama rin
Don Arkimedes: Ngunit ni isa ma’y di nagkaroon ng kapangahasang gaya ng kapangahasang ginawa ng aking “mabait” na anak…Sayang, sayang ang pagkakapagpaaral ko sa hayop na iyan…Oo, sayang…! Walang edukasyon…
Don Cristobal: Ikaw rin ang masisisi sa nangyaring iyan at hindi ang anak mo lamang … Pinalaki mo sa malabis na layaw ang iyong anak. Nalimutan mo ang sabi ni Florante na…
Ang laki sa layaw,
Karaniwa’y hubad
Sa hatol at munit sa
aral ay salat…
Don Arkimedes: Nakita mo na? Sa bibig mo na rin nagmumula ang pagbibigay sisi sa magulang, dahil sa kagagawan ng anak… saka ngayon ay ikaw ang mamamagitan upang huwag kong pansinin at alintanain ang kaniyang kaalibughaan…?
Don Cristobal: Dapat mong malaman, primo, na ako man ay nagdaramdam din sa nangyari, kaya’t kinausap ko si Manoling at sinabi ko sa kaniya na ang kaniyang ginawa ay pangit… napakapangit…!
Don Arkimedes : Kapangit-pangitan…ang sabihin mo!
Don Cristobal : Oo, Pangit pa sa dilang pangit…ngunit ano ang sinabi niya sa akin? “Tito Cristobal”, ang sabi niya… “Ang nangyari ay nangyari na at hindi na natin maiuuli pa sa rati. Hindi ko maaaring itapon sa lansangan ang aking anak …” At kung ang ginawa ng iyong anak, ay gaya ng ginagawa ng iba na ayaw kumilala sa laman ng kaniyang laman, at sa dugo ng kaniyang dugo…ano ang sasabihin mo?
Don Arkimedes: Lalo ko siyang mapapatay… Kung may pitong buhay man siya’y uutasin kong lahat…
Don Cristobal: Mangyari pa… kaya ngayon, si Manoling ay wala ng paraan at magagawa kundi ang magpasan ng tungkulin ng isang ama…ang sabi nga niya: “ang nangyari’y nangyari na.” At tsaka sa ibig mo, primo… agwelo ka na … isang bagong Arkimedes ang sumilang sa iyong angkan na siyang magpapakilos ng daigdig ….”
Don Arkimedes: Agwelo?
Don Cristobal: Mangyari, may apo ka na … at di apo sa pakinabang kundi apong tunay… isang apong magdadala ng iyong pangalan… Arkimedes Lakambayan Junior
Don Arkimedes: Iyan ang hindi maaari
Don Cristobal: Kung ayaw ka ng “Junior” ay tatawagin nating Arkimedes Lakambayan, II, nalalaman mo bang ipinanganak ang iyong apo ng mismong araw ng iyong ika-50 kumpleanyos?
Don Arkimedes: Basta kung ayaw kong ipamana sa kaniya ang aking ngalan at apelyido, ay ano ang kaniyang magagawa? Maiaalis baga sa aking ipagkait ko ang aking pangalan sa iba?
Don Cristobal : Diyan ka nagkakamali. Isang katutubong karapatan ng iyong apo na gamitin ang pangalang sa kaniya’y ukol. Iyan ang kayamanan mong maaaring kunin sa iyo ng iba sa harapharapan, at ikaw ay di makakikibo. At saka isa pa: Kasalanan ba ng iyong apo na ang maging ama niya’y si Manuel, at ikaw ang maging nuno?
Don Arkimedes: Matanong kita : sino ang kamukha ng bata?
Don Cristobal :Ikaw sa isang dako…
Don Arkimedes: Ano ang ibig mong sabihin?
Don Cristobal: Kamukha mo sapagkat kung makasigaw ay abot sa kapitbahay.
Don Arkimedes: Demonyo…!
Don Cristobal: At kung tumawa..walang iniwan sa kanyang agwela sa ina
Don Arkimedes : Sa ina? Sa ina ni Rita? Ang labandera?…Isang butil na lamang upang kalusin ang salop… Oo….Iyan pa nga ang hindi ko malunok-lunok. Papasok sa silong ng bubong ng aking tahanan ang isang anak lamang ng labandera…! Pasasaan ka, oo pasasaan ka?
Don Cristobal: Diyan ka nagkamali ng panukat, primo. Kilala ko ang ina ni Rita. Oo, labandera nga, ngunit ikaw ma’y hahanga sa babaing iyon noong nabubuhay….Sa kaniyang sariling pagsisikap at sa likod ng di kakaunting pagtitiis, kahit gapang , iginapang ang pagpapaaral sa kaniyang bugtong na anak, si Rita nga, at una ang Diyos, si Rita’y nakatapos sa Normal School at nakapagturo sa paaralang bayan… Datapwat diyan siya nakilala ng iyong anak…Namatay ang kaniyang ina, at si Rita’y naiwan sa piling ng kaniyang tiya, na halos sunod-sunod na parang organo ang mga anak. Si Rita’y naalis sa pagtuturo, mula sa sandaling makilala ng mga pinuno ng paaralang bayan ang kaniyang kalagayan… at ngayo’y magina silang sasagutin ng iyong anak…
Don Arkimedes: Samakatuwid, ang Ritang iyang anak ng labandera’y….
Don Cristobal: Isang babaing malinis, may puri, may dangal…at maliban sa munting batik na nilikha ng kalikutan at kagandahang lalaki ng iyong anak…ay walang maisusurot sa kaniya ang makasalanang lipunan ng mga tao.
Don Arkimedes: Di kung gayon ay mag-iisang buwan na ang anak?
Don Cristobal: Oo, isang buwan at labintatlong araw…
Don Arkimedes: At hindi pa nabibinyagan?
Don Cristobal: Hindi pa, sapagkat ang ibig nila’y magpakasal muna bago pabinyagan ang iyong apo…
Don Arkimedes: O, ay ano ang kanilang ginagawa? Bakit di pakasal kung pakakasal, at pabinyagan ang bata, upang lumaking moro at simaron…
Don Cristobal: Kung sa bagay kapwa nangasagulang maging si Manuel, maging si Rita…ngunit palibhasa’y ibig ni Manuel na mahugasan ang kaniyang pagkakasala, kaya ang hinihintay ay ang iyong pahintulot…
Don Arkimedes: Pahintulot? Aanhin pa ang pahintulot? Nang siya ba’y magtayo ng ‘templo’ ay nangailangan ng aking pahintulot ? Komporme na akong siya’y mag-asawa , kung ibig niya, upang mailigtas sa kasalanan ang kaniyang walang malay na anak… ngunit kung ako pa ang magiging alkagwete na magbibigay ng pahintulot… ay iyan ang hindi maaari.Sinabi mong sila’y may layang pakasal….
Don Arkimedes: Aber… pakasal sila,at tapos ang kuwento. /Palipas/ Hindi ko sinisisi ang bata … ang sinisisi ko’y ang ama’t ina … kaya kung ibig nila’y pakasal sila, kahit makasanlibo at ako’y di kikibo , sapagkat sinabi ko sa iyo na malaon nang nayari ang aking pasiya: ako’y walang anak. Ako’y nagkaroon ng isang anak na suwail, at ang suwail na yao’y malaon ko nang ipinagtulos ng kandila.
Don Cristobal : Bueno…Kung mag-uulit tayo ng salitaan ay hindi na kita sasagutin. Naganap ko na ang aking tungkulin: “Ang paalaala’y gamut sa taong nakalilimot….” anang kasabihan. Napaalaalahanan na kita, ngunit kung ikaw ang nagkukusang lumimot sa iyong tungkulin ay wala akong magagawa.
Don Arkimedes: Pinasasalamatan kita, pinsan… ngunit bago ka umalis, ay utang na loob sa iyo, kung makikita mo si Manoling, sabihin mo lamang na ibig ko siyang makausap. Kapag sa unang tanungan namin ay di sumagot sa akin ng tama … o nasirang Manoling siya o ako’y hindi na si Arkimedes…
Don Cristobal : Oo, nariyan lamang si Manolo …. Tatawagin ko. (Tutungo sa may pinto at babalik)Ngunit ang paalaala ko lamang sa iyo … Huwag mong kalilimutang si Manoling ay iyong anak.
Don Arkimedes: Nalalaman ko. Oo… hindi ko kalilimutan na siya’y aking anak…
Don Cristobal: At hindi mo dapat pagbuhatan ng kamay…
Don Arkimedes: Bakit ko pagbubuhatan ng kamay?
Don Cristobal: Nakikilala kita … kapag nagdidilim ang iyong isip ay gumagawa ka ng di mo nalalaman…
Don Arkimedes: Oo, nalalaman ko….
Don Cristobal: At isaisip mo na ikaw man, at ako man ay nagdaan din tayo sa kabataan.
Don Arkimedes: Pero, tatawagin mo ba, o ako ang tatawag…?
Don Cristobal: Oo, ako ang tatawag… Ay, Arkimedes…Arkimedes!
Papasok sa pintong kanan, samantala’y yao’t dito sa buong bahay si Arkimedes na bulong ng bulong at kumpas ng kumpas.)
Maikling Panunuri sa Nilalaman at mensahe ng akda
- Ito ay maituturing na isang melodramang uri ng dula sapagkat sa simula ay hindi sang-ayon si Don Arkimedes sa nangyari sa kanyang anak na si Manuel ngunit sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ni Don Cristobal at pagpapaunawa sa kanya ng sitwasyon ng kanyang anak ay sumang-ayon na si Don Arkimedes at nagkasundo ang lahat.
- Ayon nga sa kasabihan hindi matitiis ng magulang ang kanyang anak. Ano man ang magawang pagkakamali ng isang anak sa kanyang magulang sa huli ay matatanggap pa rin ito ng kanyang magulang. Tulad na lamang ni Don Arkimedes sa kanyang anak na si Manuel.
- May mga pagkakataon na nangyayari sa totoong buhay ang katulad ng nangyari kay Manuel at Rita na hindi pa naikakasal ay nabubuntis na o nagkakaanak. Sa mga ganitong pagkakataon ang pinakamahalaga ang panagutan ng magulang ang kanilang responsibilidad sa kanilang anak.
- Ang dula ring ito ay maaaring maging paalala sa mga kabataan na kapag sila ay pumasok sa isang relasyon, mahalagang pangalagaan at ingatan nila ang kanilang sarili. Na hindi kailangang ibigay ang lahat lalo pa’t hindi pa naman sila mag-asawa.
- Mapalad ang may kaibigan o kamag-anak na katulad ni Don Cristobal na tutulungan kang makipag-ayos sa isang tao na iyong nakatampuhan o nakasamaan ng loob.
- May mga pagkakataon na ang isang magulang ay hindi sasang-ayon sa pag-iibigan ng kanyang anak dahil sa katayuan nito sa buhay. Tulad na lamang ng pagtingin ni Don Arkemedes kay Rita. Dahil si Rita ay anak lamang ng isang labandera. Kaya naman mahalaga na kung mahal mo ang isang tao kung siya’y tunay mong minamahal ipaglalaban mo ito. Ano man ang kanyang kalagayan o katayuan sa buhay.
BASAHIN: Dula: Sangkap at Elemento, Dula: Kahulugan, Bahagi at Uri