Ang pagtatalumpati ay isang sining ng pakikipagtalastasan na naglalayong ilahad ang kaisipan at damdamin hinggil sa isang paksa sa pamamagitan ng wasto at mabisang pagbigkas.
Mga Hangarin ng Pananalumpati
1. Makapagbigay ng Kabatiran-Maaaring magbigay ang isang talumpati ng mga bagong kaalamang makadaragdag sa mga nalalaman ng mga tagapakinig.
2. Makapagturo o Makapagpaliwanag-Ang isang talumpati ay maaaring magturo ng isang paraan o paniniwala tungkol sa isang kaisipan. Maaari ring maglahad ng bagong anggulo o relasyon ng mga bagay-bagay upang maiangat ang pang-unawa ng mga tagapakinig hinggil sa isang bagay.
3. Makapanghikayat-Ang isang talumpati ay may kapangyarihang makahikayat ng mga tagapakinig. Naglalayon itong umakit sa mga tagapakinig na tanggapin ang isang pinagtatalunang palagay o kalagayan Karaniwang ginagamit ito ng mga politiko sa pangangampanya.
4. Makapagpaganap o Makapagpatupad-Ang isang talumpating naglalayong magpaganap o magpatupad ay karaniwang ginagamit sa pagpapasinaya ng isang proyekto, batas, o ordinansang makabubuti para sa nakararami. Itinutulak nito ang mga tagapakinig na umaksiyon sa isang kaisipan.
5. Manlibang-Bagama’t ang hangaring ito ay makapagbigay ng kasiyahan at kawilihan sa mga tagapakinig, nararapat lámang na maging katambal ito ng bawat talumpati. Anuman ang hangarin ng isang talumpati, ito ay dapat maging kawili-wili.
Pagsulat ng Talumpati
Bago pa bigkasin o basahin ng mananalumpati ang kanyang piyesa ay kailangang pagtuonan ng pansin ang paghahanda nito. Naririto ang mga hakbang sa pagsulat ng talumpati.
1. Alamin kung anong klase ang iyong mga tagapakinig, tulad ng kung silá ba ay grupo ng kabataang tulad mo, grupong magsisipagtapos ng elementarya, magulang, at iba pa. Kailangang maláman mo ito upang maiakma ang paksa at paraan kung paano ito sasabihin.
2. Alaming mabuti ang paksa. Minsan kapag naimbitahan ka sa isang pagtitipon, mayroon silang tema na dapat mong sundan.
3. Kapag nakakuha na ng paksa, gumawa na ng balangkas. Mahalaga ito sapagkat matutukoy mo kung ano-anong kagamitan ang kailangan mong saliksikin. Gayundin, madali mo nang maisusulat ang iyong talumpati.
Hakbang sa Pagbabalangkas ng Talumpati
Pambungad ng Talumpati
Panimula-Sa paggawa ng panimula, nararapat na umisip ng isang panimulang nakapupukaw o nakagugulat upang makatawag-pansin sa mga tagapakinig. Sa puntong ito kailangang maikondisyon ang mga tagapakinig sa paksa ng talumpati.
Katawan ng Talumpati
Paglalahad-Sa puntong ito kailangan ng sistematiko at malinaw na paglalahad ng mga kabatiran, masusing pagpapaliwanag, at mahusay na panghihikayat.
Bigay-diin o Emphasis-Matapos ang paglalahad ng ideya o paninindigan, sundan agad ito ng pagbibigay-diin o emphasis upang ang bisa nito ay tumimo sa isip at kalooban ng mga tagapakinig.
Pagwawakas ng Talumpati
Impresyon-Kung kinakailangan ng isang panimulang pupukaw sa isip at damdamin ng tagapakinig, nararapat ding wakasan ang pagsulat ng talumpati sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impresyong ang kaisipang inilahad o paninindigan ay pawang katotohanan lámang. Sa puntong ito maaaring wakasan ang talumpati ng isang tanong, hámon, o quotation na titimo sa kanilang puso at mag-iiwan ng impresyon sa kanilang isipan.
4. Kapag tapos na ang balangkas, maaari nang isulat ang talumpati. Iwasan ang pagsulat ng napakahabang talumpati. Kung minsan ay nagbibigay ng takdang oras ang mga nag-imbita. Siguraduhing hindi lalampas sa itinakdang oras ang talumpati. Dapat tandaan na makabagong kalakaran ng pananalumpati, ang maikli, maliwanag, at malamáng talumpati ay higit na pinapupurihan at kinawiwilihan kaysa sa mahaba at maligoy na talumpati.