Parabula: Talinghaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan

Ano ang parabula?

Ang parabula ay nagmula sa salitang Griyego na parabole na nagsasaad ng dalawang bagay para paghambingin (maaaring tao, hayop, lugar, pangyayari). Ito ay maaari ring makatotohanang pangyayaring naganap noong panahon ni Hesus batay sa nakasaad sa Banal na Aklat. Ang mga aral na mapupulot dito ay nagsisilbing patnubay sa marangal na pamumuhay ng mga tao. Ang mga mensahe ng parabula ay isinulat sa patalinghagang pahayag. Ang parabula ay di lamang lumilinang ng mabuting asal na dapat nating taglayin kundi binubuo rin nito ang ating moral at espirituwal na pagkatao.

Talasalitaan

  • salapi: pera, maaaring nasa anyong papel o barya
  • katiwala: tao na pinagkakatiwalaan upang mamahala sa isang malaking gawain o ari-arian
  • upa: bayad para sa isang tinapos na gawain, lalo na yaong nangangailangan ng tanging kakayahan o talino
  • talinhaga: pang-ilalim na kahulugan ng isang pahayag
  • magandang-loob: kabutihan, pagiging mapagbigay

Sipi ng Akda

Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang humanap ng manggagawa para sa kaniyang ubasan. Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapupunta niya sa kaniyang ubasan.

Lumabas siyang muli nang mag-ikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayo-tayo lamang sa palengke. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta rin kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.” At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-ikalabindalawa ng tanghali at nang mag-ikatlo ng hapon, at sa ganoon din ang ginawa niya. Nang mag-ikalima na ng hapon, siya’y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, “Bakit tatayo-tayo lang kayo rito sa buong maghapon?” “Kasi po’y walang magbigay sa aminng trabaho,” sagot nila. Kaya’t sinabi niya, “Kung gayon, pumunta kayo at magtrabaho kayo sa aking ubasan.”

Nang gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kaniyang katiwala, “Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.” Ang mga nagsimula nang mag-ika-lima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak.

Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. Nagreklamo ang mga nagtrabaho sa may-ari ng ubasan. Sinabi nila, “Isang oras lamang gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakapapasong init ng araw, bakit naman pinagpare- pareho ninyo ang aming upa?” Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, “Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang salaping pilak? Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba’y naiinggit dahil ako’y nagmagandang-loob sa iba?”

Maikling Panunuri sa Mensahe ng Akda:

Ito ay maituturing na parabula sapagkat ito ay mababasa at matatagpuan mismo sa banal na aklat, Ang Bibliya.

Si Hesus ang nagkwento nito sa kanyang mga tagasunod upang ituro at maihalintulad ang kaharian ng langit at mas maunawaan ng kanyang mga tagasunod ang tunay na kahulugan nito.

Ang ubasan ay sumisimbolo sa kaharian ng Diyos, ang mga manggagawa naman ay sumisimbolo sa mga tagasunod ng Panginoon, ang upa naman ay sumisimbolo sa kanyang mga biyayang ipinagkakaloob, at ang may-ari ng ubasan ay sumisimbolo sa ating Panginoon.

Ipinakita rito na may iba’t ibang manggagawa, manggagawa na nagsimula ng maaga at manggagawa na nahuli. Ngunit ang mga manggagawang ito ay binigyan ng may-ari ng pareparehong upa/ kabayaran.

Sa pagbibigay ng pantay na upa ng may-ari ng ubasan, ipinapakita lamang dito ang pantay na pagtingin sa ating ng Panginoon. Ang pantay na pagbibigay niya ng mga biyaya sa mga taong nagnanais na sumunod, maniwala, manampalataya at magtrabaho para sa kanyang kaharian dito sa lupa.

Ang pagbibigay ng biyaya ng Panginoon ay hindi niya ibinabatay sa kung ano ang nagawa mo para sa Kanya. Nagbibigay ng biyaya ang Panginoon dahil siya ay likas na mabuti, mapagmahal, mapagmalasakit sa lahat.