Ang isang nobela ay nagtataglay ng maraming ligaw na tagpo. Ito ay may mahabang kawing ng panahon at ginagalawan ng maraming mga tauhan. Kung hindi pagtuunan ng pansin, di gaya ng maikling kuwento ay hindi ito mabilis na mababasa sa isang upuan lamang.
Ayon kay Soledad Reyes ito ay
- Buhay na pangyayari na namamasdan sa araw-araw.
- Naitatampok ang mga pangyayari sa isang aktwal na kapaligiran.
- Dito natutunghayan ang iba’t ibang takbo ng pamumuhay ng tao.
- Sa nobela mababasa ang mga pangyayari sa bahay ng isang kagawad ng unyon, ng isang mamamahayag ng Taliba, ng isang modista sa Pasay, ng isang mananayaw sa kabaret, ng isang tindera ng mani sa Bulacan.
LAYUNIN SA PAGSULAT NG NOBELA
Sabi nga ni Iñigo Ed. Regalado: “Magbinhi ng mga simulain, o aral na hangad na pagbungahin ng sumulat o magdulot ng aliw sa mga mambabasa sa pamamagitan ng magandang paglalarawan ng mga gawi at galaw sa pamumuhay, o’maglahad kaya ng isang panganib o sama na makakalasan sa kadakilang asal upang maiwasan at malayuan” (Regalado, 1939)
Ayon naman kay Valeriano Hernandez Peña na Ama ng Nobelang Tagalog, ang nobela ay nagbibigay aral hinggil sa “kagandahang-asal na magiging puhunan sa pamumuhay sa bayang kahapis-hapis” (Peña, 1920).
Ayon kay Fausto Galauran, ang nobela ay may sariling aral na tinatalakay, aral na maaaring panuntunan ng buhay. May mga nobelang nakapagtuturo ng kabutihang-asal, nakapagpapaalab ng damdamin ng isang naapi, lumulutas ng malulubhang suliraning pambayan at panlipunan, at higit sa lahat, may aral sa mga naliligaw sa landas ng mabuting kabuhayan (Galauran, 1971).
BALANGKAS
- Maraming kawing-kawing na mga pangyayari ang inilalahad sa nobela.
- Ito’y di-tulad ng maikling kuwento na iisang pangyayari lamang ang binibigyang-diin. Magkagayunman, ang mga bahagi, sangkap, o elemento ay halos pareho lamang.
- Ang mga sangkap ng nobela ay ang simula, gitna, at wakas.
- Kasama rin dito ang sulyap sa suliranin, ang papataas na pangyayari, ang tunggalian, ang kasukdulan na siyang pinakamataas na pangyayari sa nobela. Ang kakalasan na nagdurugtong sa kasukdulan at wakas at ang kalutasan na karaniwang wakas ng nobela.
Linear Konbensyunal
Ang balangkas ng kuwento kung ito ay sumusunod sa kaayusang Simula-Gitna Wakas. Ito ang nakagawian ng mga Pilipinong manunulat. Sa balangkas na ito, kung minsan, kapag nabasa na ang simula, ang wakas ay halos nalalaman na.
Circular o Paikot-ikot
Napag-iba-iba ang kaayusan ng mga bahagi. Ito’y maaaring Gitna-Simula. Wakas (In Medias Res) o kaya’y Wakas-Simula-Gitna. Kung hindi gaanong bihasa ang mambabasa, ay nakalilito ito sapagkat hindi niya malaman kung saan pupuno at saan dudulo ang kuwento. Kailangang pag-isipan nang husto ang umpisa ng mga pangyayari hanggang sa tumuloy-tuloy sa wakas ang ganitong uri ng kuwento.
KATANGIAN NG NOBELA
- Maliwanag at maayos na pagsulat ng mga tagpo at kaisipan.
- Isinasaalang-alang ang tungkol sa kaasalan.
- Kawili-wili at pumupukaw ng damdamin.
- Pumupuna sa lahat ng larangan sa buhay gayundin sa mga aspekto ng lipunan tulad ng gobyerno at relihiyon.
- Malikhain ito’t maguniguning inilalahad.
- Ang balangkas ng mga pangyayari ay tumutukoy sa kaisahang ibig mangyari.