Kalilang (Bahagi ng dulang Datu Matu)

MGA TALASALITAAN
  • Kalilang – mula sa dialekto ng mga taga-Maguindanao. Ito ay nangangahulugang “pagdiriwang,” “kapistahan” o “kasiyahan.”
  • Kulintang – Instrumentong pangmusika na binubuo ng walong gong na may iba’t ibang eskala.
  • Sagayan – Pandigmang sayaw ng mga Mëranaw na may masalimuot o magulong kilos ng mga laláking mananayaw.
  • Sambolayan – Bandila ng mga Mëranaw na ginagámit na pandekorasyon kung may pagdiriwang; bandera at palawit na tatlong susón ng makukulay na tela.
  • Nangangamba – Natatakot, ninenerbiyos, nababalisa, nag-aalala dahil sa maaaring mangyaring hindi mabuti.
  • Assalamo, Allaikum – Kapayapaan ay sumaiyo
  • Allaikum Assalam – Kapayapaan ay sumaiyo rin
  • Pagbibigkis – Bagay na bumubuklod;
  • pagdaraop ng palad – pagkikita
  • nagkaalitan –  Samaan ng loob; pagtatalong may kahalong galit; hindi pagkakasundo; hindi pagkakaunawaan.
  • maghilom – paggaling
  • marangal – May dangál, nag-aangkin ng dangal, kapúri-púri.
  • salsilah – Pagdurugtong ng dalawa o higit na bagay; pagkakaroon ng kinalaman ng isa sa isa.
  • ininat – Magkasabay na pag-uunat ng mga braso at binti lalo na pagkagising.
  • dagundong – Paputól-putól ngunit sunod-sunod at malakas na ugong na karaniwang nagmumula sa malayò tulad ng kulog, kanyon, atbp.
  • kris – Patalim na alon-alon ang magkabilang talim.
  • bapa – ama
MGA TAUHAN
  • Khalid
  • Datu Matu
  • Datu Manu
  • Datu Abu
  • Datu Awalo
  • Taumbayan
  • Tarintang
  • Maduk
  • Bapa Silang
  • Datu Malik

Nilalaman ng Akda:

Taumbayan:

(Awit at sayaw)

Tayo’y magsaya sa kalilang

Magtugtugan,magsayawan

‘pakita ang sagayan

Tugtugin ang kulintang

Paliparin ang sambolayan

Masaya ngayon!

Si Khalid, binata na

Panahon na, tuliin siya

Sa kalinisan pagpalain

Sa langit pakikinggan

Sa harap ni Allah at ng bayan

Mga Babae:

Binata na, iyong anak

Lubos ka nang nasisiyahan

Ngunit ika’y nangangamba

Panahong nagbabadya

Panganib, huwag dumalo sana

Taumbayan:

Tayo’y mag-aliw sa kalilang

Khalid, lilinisin sa Pag-Islam

Magsayawan, magtugtugan

Onor, ritmo’y panhuluhan

Ipatulod nangangahulugan

Ganap na Muslim, alagad ng Islam.

(Papasok si Datu Matu)

Si Datu Matu

Sa Gumbaran namumuno

Makapangyarihan, makatarungan

Sinusunod tinitingala

Sa kaniya umiikot mundo’t bayan

Buhay, ang gabay

Datu Manu: Assalamo. Allaikum.

Taumbayan: Allaikum Assalam

Abu: Datu. Si Datu Awalo ng Biwang.

Datu Matu: Lubos ang kasiyahan ko sa pagdalo ninyo. Isang malaking karangalan.Nawa’y maging simula ito ng pagbibigkis ng ating lakas.

Awalo: Datu Matu, pagare aken. Wala akong ibang sadya rito kundi makiisa sa pagdaraop ng ating mga palad at damdamin.

Datu Matu: Noon pa man, ang ating mga bayan ay dati nang magkaibigan. Hindi maiwasang nagkaalitan nang kaunti at nagkasugatan. Ngunit walang dahilan upang ‘di maghilom ang naiwang sugat at muling maging magkaibigan.

Taumbayan:

Datu Matu, Datu Matu

Tuldok sa gitna ng bilog

Taluktok ng aming bundok

Buhay sa iyo’y umiikot

Datu Manu, Datu Manu

Sinusunod, tinitingala

Iginagalang na pangulo

Mapalad ang aming bansa.

Datu Matu: Wala akong pagsidlan ng kasiyahan sa Pag-Islam ng aking binatang si Khalid. Ngayon nama’y marangal kong ibabalita sa inyo ang pagdaraop ng palad ng aking anak na si Tarintang at ng anak ni Datu Awalo na si Maduk. Magsisilbi itong tatak, mahigpit na pagkakaisa ng ating dalawang bansa.

Datu Awalo: Magkapatid tayo mula pa man. Lubos akong naliligayahan.

Datu Matu: Ituloy ang kalilang.

Taumbayan:

(Awit at sayaw)

Tayo’y masaya sa kalilang

Bansa ay magdiwang

Pag-iisahin dal’wang bayan

Karugtong ang kasaysayan

Sa salsilah, magkuwentuhan

Ng onor, si Bapa Salilang.

(Papasok si Bapa Salilang)

Bapa Salilang: Assalamo Allaikum

Taumbayan: Allaikum Assalam. Magkuwentuhan.

Bapa Salilang: (Bayok, awit.) AAaaaooommm…

Taumbayan: Ang kuwento ni Bantugan habang hinahabol sa Lawanen, kuwento ni Pilandok, tuso, laging panalo. Kuwento ng Indarapatra, mas malawak. Kuwento ng Rajah Magandiri at ang mga tumulong sa kaniyang mga unggoy.

Abu: Ang pakikipagsapalaran ni Pilandok upang makapon ang mga walang tuli na dayuhang unggoy. (Magtawanan.) Da a orak.

Taumbayan: Swer. Swer, swer. Swer….(Tawanan)

Bapa Salilang: Unggoy, unggoy, puting unggoy sa ranao lalangoy matapos itaboy ni Pilandok, isubok. (Mga reaksiyon, tawanan, sigawan.) Ahhh..(titig sa buwan. May sinasabi ang buwan. (Katahimikan) O sige na, tumahimik ang lahat, walang bibig na bubuka, walang matang kukurap, mga tenga’y iinat. Aaaoomm..(Reaksiyon.)

(Bayok, awit.)

Makinig sa kuwentong ito isang bantog na namuno, isang mandirigma may tapang ng agila Datu Malik ang pangalan niya. (Reaksiyon) Isang gabi, gaya ng gabing ito, iniluwal ang isang sanggol. Lahat ng palatandaan ng langit ang nagsabing dakila ang batang ito. Lumaki na malapit na malapit siya sa puso ng kaniyang ina, minahal siya nang lubos. Kinilala siya na mahusay na mangangaso noon pa man. Ininat niya ang kaniyang tirador at pinakawalan ang bato. Sa isang bato, tatlong ibon ang bumagsak. (Mga reaksiyon.)

Isang umaga, (Isasayaw ang bahaging ito, maindayog na tunog ng plauta) hindi huni ng ibon ang sumalubong sa kaniya, dagundong ng kanyon, sumalakay ang mga Kastila sa kuta. Sa unang putok lamang, tumimbuwang ang kaniyang ina. Nasugatan ang kaniyang ama, bago yumao ang kaniyang ama, ibinigay ang kris sa kaniya. Sinasabing ang kris na minana niya ay lumilipad ng kusa at nanalasa ng mga kaaway, parang may sariling bait. Lumaki siyang may bait. Lumaki siyang matipuno at saksakan ng tapang. Isang umaga, muling tumapak sa ating lupa ang mga puting banyaga. Matibay na kuta at magigiting na mandirigma ang kanilang nagisnan, si Datu Malik at ang kaniyang makapangyarihang kris. At kaagad ay isa ang napatay. Sa kaliwa, dalawa ang napatay sa kanan, tatlo ang napatay sa harap. (Katahimikan.) Ipinamana ang kaniyang kris sa kaniyang anak, kay Datu Matu.

(Huhugutin ni Datu Matu ang kris, iaabot kay Khalid. Sasayaw si Khalid. Sasama si Hassan, isang kunyaring paglalaban, ang sagayan. May pakiramdam ng pagmamatyag. Karangyaan sa bansa, magtatawanan.)

Datu Matu: Bapa! Handa na si Khalid sa ipa-tulod. Inaasahan na magiging isang matapang na mandirigmang magtatanggol ng bansa. At lalong inaasahan ang pagiging tapat bilang isang ganap na Muslim, Allahu Akbar! (Ipatulod) Papasok si Khalid, tutuliin. Habang ginaganap ang ritwal mayroong mga mandirigma sa kilos ng sagayan sa paligid.

Bapa Salilang: O, tohan Ami. O, marina. Pangalagaan si Khalid, anak ni Datu Matu. Naririto ang isang agimat upang madaling mahilom ang sugat, upang walang masamang espiritu sa iyo sisilong, upang bantayan ka na tonong. Allahu Akbar!

Taumbayan: Tayo’y mag-aliw sa kalilang Khalid lilinisin sa Pag-Islam Magsayawan, magtugtugan. Onor ritmo’y pgsasaluhan Ipatulod nangangahulugang ganap. (Mga tunog ng riple. Tunog ng tambol)

Karagdagang Kaalaman:

Ang kahulugan ng Islam ay ang pagsuko sa mga kautusan at kagustuhan ng nag iisang Diyos (Allah). Ang pagsuko ay dapat magaling sa sariling kalooban, mula sa tamang paniniwala at pananalig kay Allah, na walang pag aalinlangan, ito din ay dapat magaling mula sa pagmamahal,pagtitiwala at pagkahumaling.

Si Allah ay hindi espesyal na panginoon para lamang sa mga Muslim, bagkus si Allah ang Diyos at ang Tagapaglikha ng lahat, kabilang dito ang sangkatauhan.

Si Propheta Mohammad (Sumakanya ang Kapayapaan)ay ang sugo ni Allah. Si Propheta Mohammad(sumakanya ang kapayapaan) ay nakatanggap ng mga salita(Rebelasyon) sa pamamagitan ni Arkanghel Gabriel (Anghel na naatasan para sa pagpapahayag ng rebelasyon at ang pinaka pinuno ng lahat ng Anghel). Ang rebelasyon na ito ay binubuo ng Relihiyong Islam.

Ang Quran ay ang tunay na koleksyon ng mga rebelasyon na naitala sa anyong aklat. Ito ang eksakto at walang pag babago na salita ni Allah para sa Sangkatauhan.

Ang isang Muslim kahit man isa syang lalake at babae na naniniwala kay Allah at kay Propheta Mohammad(Sumakanya ang Kapayapaan) bilang kanyang Sugo at sya ay nagpapatotoo sa paniniwalang iyon at pagsasaksi sa pag papahayag ng pag tanggap sa Islam bilang kanyang relihiyon.Ang’Muslim’ ay hindi dapat pagkamalan na isang’Arabo’; ang isang muslim ay isang tao na sumusunod sa rehiliyong islam at maari syang manggaling kahit saan man lahi at habang ang Arabo ay tumutukoy sa lahi.

Pinaghanguan: Filipinos: Writing Philippine From the Regions,p. 532-532,