Ang mga bantas (punctuation) ay pantulong upang maunawaan ng mga mambabasa ang buong kahulugan ng isang teksto o babasahin. Narito ang mga karaniwang bantas na ginagamit sa pagsulat:
Ang tuldok/ period (.) ay ginagamit na pananda:
- Sa pagtatapos ng isang pangungusap.
- Sa pangalan at salitang dinaglat o pinaikli.
- Mga halimbawa: Si Gng. A.A. Jose ay mahusay magturo.
- Sa mga titik o tambilang na ginagawang pamilang sa bawa’t hati ng isang balangkas, talaan.
Ginagamit ang tandang pananong/ question mark ( ? ):
- Sa pangungusap na patanong.
- Mga halimbawa: (a) Ano ang pangalan mo? (b) Sasama ka ba?
- Sa loob ng panaklong upang mapahiwatig ang pag-aalinlangan sa diwa ng pangungusap.
- Mga halimbawa: (a) Si Manuel Roxas ang ikalawang (?) pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ang bantas na tandang padamdam ( ! )
- Ginagamit sa hulihan ng isang kataga, parirala o pangungusap na nagsasaad ng matindi o masidhing damdamin.
- Mga halimbawa:
- Mabuhay ang Pangulo!
- Uy! Ang ganda ng bago mong sapatos.
- Aray! Naapakan mo ang paa ko.
Ang kuwit/ comma ( , ) ay ginagamit sa ganitong mga kaparaanan:
- Paghihiwalay ng isang sinipi.
- Sa paghihiwalay ng magkakasunod na salita at lipon ng mga salitang magkaka-uri.
- Halimbawa: Kumain ka ng itlog, gulay at sariwang bungang-kahoy. Shana, saan ka nag-aaral ngayon?
- Sa hulihan ng bating panimula at bating pangwakas ng isang liham-pangkaibigan.
- Mga halimbawa:
Mahal kong Marie,
Nagmamahal,
Sa iyo kaibigang Jose,
- Mga halimbawa:
- Sa mga lipon ng salitang panuring o pamuno.
- Mga halimbawa: Si Andres Bonifacio, ang ama ng Katipunan, ay isinilang sa Tondo. Si Pastor Arias, isang mahusay na tagapagtanggol, ay isang Manobo.
- Sa hulihan ng bilang sa petsa, o sa pagitan ng kalye at purok at ng bayan at lalawigan sa pamuhatan ng isang liham.
- Mga halimbawa:
Nobyembre 14, 2008
Project 8, Quezon City
- Mga halimbawa:
- Sa paghihiwalay ng tunay na sinabi ng nagsasalita sa ibang bahagi ng pangungusap.
- Halimbawa: Ayon kay Rizal, “Ang hindi magmamahal sa sariling wika ay higit pa sa mabaho at malansang isda”.
Ang kudlit/ apostrophe ( ‘ ) ay ginagamit
- Panghalili sa isang titik na kina-kaltas.
- Halimbawa: Siya’t ikaw ay may dalang pagkain. Ako’y isang mamamayang Pilipino at may tungkuling mahalin at pangalagaan ang aking bayan.
Ang gitling/ hypen ( – ) ay ginagamit sa loob ng salita sa mga sumusunod na pagkakataon:
- Sa pag-ulit ng salitang-ugat o mahigit sa isang pantig ng salitang-ugat.
- Hal. araw-araw
- Kung ang unlapi ay nagtatapos sa katinig at ang salitang nilalapian ay nagsisimula sa patinig na kapag hindi ginitlingan ay magkakaroon ng ibang kahulugan
- Hal. pag-ibig
- Kapag may katagang kinaltas sa pagitan ng dalawang salitang pinagsama. Subalit, kung sa pagsasama ng dalawang salita ay magbago ang kahulugan, hindi na gagamitan ng gitling ang pagitan nito.
- Hal. humigit at kumulang | humigit-kumulang
- Kapag may unlapi ang tanging ngalan ng tao, lugar, brand o tatak ng isang bagay o kagamitan, sagisag o simbolo. Ang tanging ngalan ay walang pagbabago sa ispeling o baybay.
- Hal. maka-Diyos, maka-Rizal, maka-Pilipino, pa-Baguio, taga-Luzon
- Sa pag-uulit ng unang pantig ng tanging ngalang may unlapi, ang gitling ay nalilipat sa pagitan ng inulit na unang pantig ng tanging ngalan at ng buong tanging ngalan
- Hal. mag-Johnson magjo-Johnson
- Kapag ang panlaping ika- ay iniunlapi sa numero o pamilang.
- Hal. ika-3 n.h. ika-10 ng umaga ika-20 pahina
- ika-3 revisyon ika-9 na buwan ika-12 kabanata
- Kapag isinulat nang patitik ang mga yunit ng fraction.
- Halimbawa: isang-kapat (1/4)
- lima’t dalawang-kalima (5-2/5)
- tatlong-kanim (3/6)
- Kapag pinagkakabit o pinagsasama ang apelyido ng babae at ng kanyang bana o asawa.
- Hal. Gloria Macapagal-Arroyo
- Conchita Ramos-Cruz
- Perlita Orosa-Banzon
- Kapag hinati ang isang salita sa dulo ng isang linya.
- Halimbawa: Patuloy na nililinang at pinalalawak ang pag- gamit ng Filipino.
Ang tutuldok/ colon ( : ) ay ginagamit matapos maipapuna ang pagpapakilala sa mga sumusunod na paliwanag, sa ganitong mga paraan:
- Ginagamit kung may lipon ng mga salitang kasunod.
- Mga halimbawa: Maraming halaman ang namumulaklak sa hardin tulad ng: Rosal, Rosas, Orchids, Sampaguita, Santan at iba pa.
- Pagkatapos ng bating panimula ng pormal na liham o liham-pangangalakal.
- Mga halimbawa Dr. Garcia, Bb. Zorilla:
- Sa paghihiwalay sa mga minuto at oras, sa yugto ng tagpo sa isang dula, sa kabanata at taludtod ng Bibliya at sa mga sangkap ng talaaklatan.
- Halimbawa: 8:00 a.m Juan 16:16
Ang tuldok-kuwit/ semicolon ( ; ) ay naghuhudyat ng pagtatapos ng isang pangungusap na kaagad sinusundan ng isa pang sugnay nang hindi gumagamit ng pangatnig, sa ganitong mga paraan:
- Maaaring gumamit ng tuldukuwit sa halip na tutuldok sa katapusan ng bating panimula ng liham pangalakal.
- Mga halimbawa: Ginoo; Bb;
- Ginagamit sa pagitan ng mga sugnay ng tambalang pangungusap kung hindi pinag-uugnay ng pangatnig.
- Mga halimbawa: Kumain ka ng maraming prutas; ito’y makabubuti sa katawan. Naguguluhan siya sa buhay; iniisip nya ang magpatiwakal.
- Sa unahan ng mga salita at parirala tulad halimbawa, gaya ng, paris ng, kung nangunguna sa isang paliwanag o halimbawa.
- Mga halimbawa: Maraming magagandang bulaklak sa Pilipinas na hindi na napag-uukulan ng pansin; gaya ng kakwate, kabalyero, banaba, dapdap at iba pa.
Ang panaklong/ parenthesis ( () ) ay ginagamit na pambukod sa salita o mga salitang hindi direktang kaugnay ng diwa ng pangungusap, gaya ng mga ginamit sa pangu-ngusap na ito.
- Ginagamit upang kulungin ang pamuno.
- Halimbawa: Ang ating pambansang bayani (Jose Rizal) ang may-akda ng Noli Me Tangere.
- Ginagamit sa mga pamilang o halaga na inuulit upang matiyak ang kawastuhan.
- Halimbawa: Ang mga namatay sa naganap na trahedya sa bansang Turkey ay humigit-kumulang sa labindalawang libong (12,000) katao.
- Ginagamit sa mga pamilang na nagpapahayag ng taon.
- Halimbawa: Jose P. Rizal ( 1861 – 1896 )
- Ito rin ay puwedeng gamitin sa matematika:
- Halimbawa: 24+(64÷8)-14=N 13+(25×29)=N
Ang mga panipi/ quotation mark (“ ”) ay inilalagay sa unahan at dulo ng isang salita sa ganitong mga kaparaanan:
- Ginagamit upang ipakita ang buong sinasabi ng isang nagsasalita o ang tuwirang sipi.
- Halimbawa: “Hindi kinukupkop ang criminal, pinarurusahan,” sabi ng Pangulo.
- Ginagamit upang mabigyan diin ang pamagat ng isang pahayagan, magasin, aklat at iba’t ibang mga akda.
- Halimbawa: Nagbukas na muli ang “Manila Times”. Isang lingguhang babasahin ang “Liwayway”. Napaluha ang marami nang mapanood ang dulang “Anak Dalita”.
- Ginagamit sa pagkulong ng mga salitang banyaga.
- Halimbawa: Ang binasa niyang aklat ay hinggil sa bagong “Computer Programming”.
Ang tutuldok-tuldok o elipsis (…) ay nagpapahiwatig na kusang ibinitin ng nagsasalita ang karugtong ng nais na sabihin.
- Upang ipakilalang may nawawalang salita o mga salita sa siniping pahayag. Tatlong tuldok ang ginagamit kung sa unahan o sa gitna ng pangungusap ay may nawawalang salita, subalit apat na tuldok kung sa mga salitang nawawala ay sa hulihan ng pangungusap.
- Halimbawa: Ipinagtibay ng Pangulong Arroy …
- Sa mga sipi, kung may iniwang hindi kailangang sipiin.
- Halimbawa: Kung ikaw’y maliligo sa tubig ay aagap upang …